Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 32

Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran

Katha ni David; isang Maskil.[a]

32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
    at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
    sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.

Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
    ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
    wala nang natirang lakas sa katawan,
    parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]

Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
    mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
    at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]

Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
    sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
    at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
Ikaw ang aking lugar na kublihan;
    inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
    pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]

Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
    tuturuan kita at laging papayuhan.
Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
    na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”

10 Labis na magdurusa ang taong masama,
    ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
    ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
    dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!

Josue 4:14-24

14 Sa araw na iyon, ginawang dakila ni Yahweh si Josue sa paningin ng buong Israel. At siya'y iginalang nila habang siya'y nabubuhay, tulad ng ginawa nila kay Moises.

15 Iniutos ni Yahweh kay Josue, 16 “Sabihin mo sa mga paring may dala ng Kaban ng Tipan na umahon na sila sa Jordan.” 17 Ganoon nga ang ginawa ni Josue. 18 Nang makaahon ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, muling umagos ang ilog at umapaw sa pampang ang tubig.

19 Ika-10 araw ng unang buwan ng taon nang tumawid ng Ilog Jordan ang bayang Israel. Nagkampo sila sa Gilgal na nasa silangan ng Jerico. 20 Doon inilagay ni Josue ang labindalawang bato na ipinakuha niya sa Jordan. 21 Pagkatapos, sinabi niya sa bayang Israel, “Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak kung ano ang kahulugan ng mga batong iyan, 22 sabihin ninyo sa kanila na lumakad sa tuyong lupa ang bayang Israel nang tumawid sa Ilog Jordan. 23 Sabihin din ninyo na pinatuyo ni Yahweh ang tubig ng Jordan habang kayo'y tumatawid, tulad ng ginawa niya sa Dagat na Pula[a] habang kami'y tumatawid noon. 24 Sa ganitong paraan, kikilalanin ng lahat ng tao sa daigdig ang kapangyarihan ni Yahweh, at pararangalan ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh sa habang panahon.”

2 Corinto 5:6-15

Kaya't laging malakas ang aming loob. Alam naming habang kami'y narito pa sa katawang-lupa, hindi kami makakapasok sa tahanang inihanda ng Panginoon. Sapagkat namumuhay kami batay sa pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita. Malakas ang aming loob at mas gusto pa nga naming iwan ang katawang ito na aming tinatahanan ngayon, upang manirahan na sa piling ng Panginoon. Kaya naman, ang pinakananais namin ay maging kalugud-lugod sa kanya, maging nasa katawang-lupa o maging nasa piling na niya. 10 Sapagkat(A) lahat tayo'y haharap sa hukuman ni Cristo at tatanggap ng nararapat ayon sa ating mga gawang mabuti o masama, nang tayo'y nabubuhay pa sa katawang ito.

Pakikipagkaibigan sa Diyos sa Pamamagitan ni Cristo

11 Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, sinisikap naming hikayatin ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Diyos ang tunay naming pagkatao; at inaasahan kong kilalang-kilala rin ninyo ako. 12 Hindi dahil sa nais naming ipagmalaking muli sa inyo ang aming sarili, kundi nais naming bigyan kayo ng dahilan upang kami'y maipagmalaki ninyo, nang sa gayon ay masagot ninyo ang mga taong walang ipinagmamalaki kundi ang mga bagay na panlabas at hindi ang tunay na pagkatao. 13 Kung kami'y parang nasisiraan ng isip, iyon ay alang-alang sa Diyos. At kung matino naman kami, iyan ay para sa kapakanan ninyo. 14 Ang pag-ibig ni Cristo ang naghahari sa amin, sapagkat natitiyak naming may isang namatay para sa lahat, kung kaya't ang lahat ay maibibilang nang patay. 15 Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.