Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 63:1-8

Pananabik sa Presensya ng Diyos

Awit(A) ni David, nang siya'y nasa ilang ng Juda.

63 O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
    ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad;
    para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan,
    at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay,
    kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat,
    at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
Itong aking kaluluwa'y tunay na masisiyahan,
    magagalak na umawit ng papuring iaalay.

Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay,
    magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw;
    ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina,
kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka.
Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig,
    kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.

Daniel 3:19-30

Inihagis ang Tatlong Kabataan sa Naglalagablab na Pugon

19 Namula ang mukha ni Haring Nebucadnezar sa tindi ng galit kina Shadrac, Meshac at Abednego. Kaya, iniutos niyang painitin pa ng pitong ulit ang pugon. 20 Inutusan din niya ang ilan sa mga pinakamalakas niyang kawal na gapusin sina Shadrac, Meshac at Abednego at ihagis sa naglalagablab na pugon. 21 Ginapos nga sila nang hindi na inalis ang damit, ang panloob at panlabas, turbante, at iba pang nakasuot sa kanila, at inihagis sila sa naglalagablab na apoy. 22 Dahil sa mahigpit ang utos ng hari na patindihin ang init ng pugon lumabas ang apoy kaya nasunog at namatay ang mga kawal na nagdala kina Shadrac, Meshac at Abednego. 23 Samantala, nakagapos pa rin na bumagsak sa naglalagablab na apoy ang tatlong kabataan.

Ang Panalangin ni Azarias

24 Habang lumalakad ang tatlong kabataan—sina Hananias, Misael at Azarias—sa gitna ng apoy, umaawit sila ng papuri sa Diyos at dinadakila ang Panginoon. 25 Huminto si Azarias at nanalangin nang malakas doon sa loob ng nagniningas na pugon,

26 “Napakadakila mo, Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno.
    Purihin nawa at parangalan ang iyong pangalan magpakailanman!
27 Makatarungan ka at tapat sa lahat ng ginagawa mo;
    makatuwiran ang iyong landas;
    walang kinikilingan ang mga hatol mo.
28 Makatarungan ang naging parusa mo sa amin at sa Jerusalem,
    ang banal na lunsod ng aming mga ninuno.
    Oo, makatarungan lamang ang hatol mo sa mga kasalanan namin.
29 Talagang kami'y nagkasala,
    lumabag sa kautusan, at naghimagsik laban sa iyo.
30 Hindi namin ginampanan ang iyong mga utos
    na para sa kapakanan din naming lahat.

Pahayag 2:8-11

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Esmirna

“Isulat(A) mo sa anghel ng iglesya sa Esmirna:

“Ito ang sinasabi sa iyo ng simula at wakas, ang namatay at muling nabuhay. Alam ko ang mga kapighatian na dinaranas mo. Alam kong mahirap ka, ngunit ang totoo'y mayaman ka. Nalalaman ko rin ang mga paninirang-puri sa iyo ng mga nagpapanggap na mga Judio; ngunit ang totoo, sila'y mga kampon ni Satanas. 10 Huwag kang matakot sa mga pag-uusig na malapit mo nang danasin. Makinig ka! Ipabibilanggo ng diyablo ang ilan sa inyo bilang pagsubok; magdurusa kayo sa loob ng sampung araw. Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay.

11 “Ang(B) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!

“Ang magtatagumpay ay hindi masasaktan ng pangalawang kamatayan.”