Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 39

Pagtatapat ng Taong Nahihirapan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.

39 Ang sabi ko sa sarili, sa gawai'y mag-iingat,
    at hindi ko hahayaang ang dila ko ay madulas;
upang hindi magkasala, ako'y di magsasalita
    habang nakapalibot, silang mga masasama.
Ako'y sadyang nanahimik, wala akong sinasabi,
    hindi ako nagsalita maging tungkol sa mabuti;
ngunit lalo pang lumubha paghihirap ng sarili.
    Ako'y lubhang nabahala, nangangamba ang puso ko,
habang aking iniisip, lalo akong nalilito;
    nang di ako makatiis, ang sabi ko ay ganito:
“Yahweh, sana'y sabihin mo kung kailan mamamatay,
    kung gaanong katagal pa kaya ako mabubuhay.”

Ang damdam ko sa sarili'y pinaikli mo ang buhay,
    sa harap mo ang buhay ko'y parang walang kabuluhan;
ang buhay ng bawat tao'y parang hanging dumaraan. (Selah)[a]
    Ang buhay ng isang tao'y parang anino nga lamang,
at maging ang gawa niya ay wala ring kasaysayan;
    hindi batid ang kukuha ng tinipon niyang yaman!

Kung ganoon, Panginoon, nasaan ba ang pag-asa?
    Pag-asa ko'y nasa iyo, sa iyo ko nakikita.
Kaya ngayo'y iligtas mo, linisin sa aking kasalanan;
    ang hangal ay huwag bayaan na ako'y pagtawanan.
Tunay akong tatahimik, wala akong sasabihin,
    pagkat lahat ng dinanas, pawang dulot mo sa akin.
10 Huwag mo akong parusahan, parusa mo ay itigil;
    sa hampas na tinatanggap ang buhay ko'y makikitil.
11 Kung ang tao'y magkasala, ang parusa mo ay galit;
    parang isang gamu-gamong pinatay ang iniibig;
tunay na ang isang tao'y hangin lamang ang kaparis! (Selah)[b]

12 Pakinggan mo ako, Yahweh, dinggin ang aking hibik;
    sa daing ko't panalangin, huwag ka sanang manahimik.
Sa iyong piling ay dayuhan, ako'y hindi magtatagal,
    at tulad ng ninuno ko, sa daigdig ay lilisan.
13 Sa ganitong kalagayan, huwag na akong kagalitan, upang muling makalasap kahit konting kasiyahan,
    bago man lang mamayapa't makalimutan ng lahat.

Ezekiel 17:1-10

Ang Talinghaga ng Dalawang Agila at ng Baging

17 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, bigyan mo ng palaisipan ang Israel, para malaman nila na akong si Yahweh ang nagsasalita sa kanila. Ito ang talinghaga: Isang agila ang dumating sa Lebanon. Mahaba ang pakpak nito at malagung-malago ang balahibong iba't iba ang kulay. Dumapo ito sa isang punong sedar. Pinutol nito ang pinakamataas na sanga niyon, tinangay at itinayo sa lupain at itinanim sa matabang lupa sa tabi ng tubig. Tumubo ito at naging baging na gumagapang sa lupa. Ang mga sanga nito'y nakaturo sa puno at ang ugat ay tumubo nang pailalim. Naging baging nga ito, nagsanga at nagsupling.

“Ngunit may dumating na isa pang malaking agila; malapad din ang pakpak at malago ang balahibo. Ang mga sanga at ugat ng baging ay humarap sa agilang ito sa pag-aakalang siya'y bibigyan nito ng mas maraming tubig. Ito'y nakatanim sa matabang lupain sa tabi ng tubig, at maaaring lumago hanggang maging punong balot ng karangalan. Sabihin mong ipinapatanong ko sa kanila: Patuloy kaya itong lalago? Hindi kaya maputol ang mga ugat nito o mabali ang mga sanga at dahil doo'y malanta ang mga usbong? Hindi na kakailanganin ang malakas na tao o ang magtulung-tulong ang marami para mabunot pati ugat nito. 10 Ngunit mabuhay pa kaya ito kung ilipat ng taniman? Kung magbago ng lugar, hindi kaya ito mamatay na parang binayo ng malakas na hangin?”

Roma 2:12-16

12 Ang mga Hentil ay walang Kautusan ni Moises. Sila ay nagkakasala at paparusahan nang hindi batay sa Kautusan. Ang mga Judio ay mayroong Kautusan. Sila ay nagkakasala at hahatulan batay sa Kautusan. 13 Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang sumusunod dito, ang siyang pawawalang-sala ng Diyos.

14 Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito'y nagiging kautusan na para sa kanila. 15 Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagkat kung minsan sila'y sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila'y ipinagtatanggol nito sa kanilang isipan.

16 Ayon sa Magandang Balitang aking ipinapangaral, gayon ang mangyayari sa Araw na ang mga lihim ng mga tao'y hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus.[a]