Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 32

Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran

Katha ni David; isang Maskil.[a]

32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
    at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
    sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.

Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
    ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
    wala nang natirang lakas sa katawan,
    parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]

Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
    mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
    at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]

Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
    sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
    at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
Ikaw ang aking lugar na kublihan;
    inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
    pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]

Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
    tuturuan kita at laging papayuhan.
Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
    na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”

10 Labis na magdurusa ang taong masama,
    ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
    ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
    dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!

Josue 4:1-13

Bantayog sa Gitna ng Ilog

Nang makatawid na sa Ilog Jordan ang buong sambayanan, sinabi ni Yahweh kay Josue, “Pumili ka ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lipi. Pakuhanin mo sila ng tig-iisang bato sa gitna ng Jordan, sa mismong kinatayuan ng mga pari. Ipadala mo sa kanila ang mga bato at ilagay sa pagkakampuhan ninyo ngayong gabi.”

Tinawag nga ni Josue ang labindalawang lalaking pinili niya, at sinabi sa kanila, “Mauna kayo sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Pagdating ninyo sa gitna ng Ilog Jordan, kumuha kayo ng tig-iisang bato, pasanin ninyo ang mga ito, isa para sa bawat lipi ng Israel. Ang mga batong ito ang magpapaalaala sa bayang Israel sa mga ginawa ni Yahweh. Kung sa panahong darating ay itanong ng inyong mga anak kung ano ang kahulugan ng mga batong iyan, sabihin ninyong tumigil ang pag-agos ng Ilog Jordan nang itawid ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Ang mga batong ito ang magpapaalaala sa Israel ng mga pangyayaring ito habang panahon.”

Ginawa nga ng labindalawa ang iniutos sa kanila ni Josue. Tulad ng sinabi ni Yahweh kay Josue, kumuha sila ng labindalawang bato sa gitna ng ilog, isa para sa bawat lipi ng Israel. Dinala nila ang mga bato sa kanilang pinagkampuhan. Naglagay rin si Josue ng labindalawang bato sa gitna ng Ilog Jordan, sa lugar na kinatayuan ng mga paring may dala ng Kaban ng Tipan. (Naroon pa hanggang ngayon ang mga batong iyon.) 10 Nanatili sa gitna ng Ilog Jordan ang mga pari hanggang sa maisagawa ng mga tao ang lahat ng mga iniutos ni Yahweh kay Josue upang kanilang gawin. Natupad ang lahat ayon sa iniutos ni Moises kay Josue.

Nagmamadaling tumawid ang mga tao. 11 Pagkatawid nila, itinawid din ang Kaban ng Tipan, at ang mga pari'y muling nauna sa mga taong-bayan. 12 Tumawid din at nanguna sa bayan ang mga lalaking sandatahan buhat sa lipi nina Ruben, Gad at kalahati ng lipi ni Manases ayon sa iniutos ni Moises. 13 May apatnapung libong mandirigma ang dumaan sa harapan ng kaban ni Yahweh patungo sa kapatagan ng Jerico.

2 Corinto 4:16-5:5

Nabubuhay sa Pananampalataya

16 Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob. Kahit na humihina ang aming katawang-lupa, patuloy namang pinalalakas ang aming espiritu araw-araw. 17 Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. 18 Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.

Alam(A) naming kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, ang ating katawang-lupa, kami'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao. Dumaraing kami habang kami'y nasa toldang ito, at labis na nananabik sa aming tahanang makalangit, upang kung mabihisan[a] na kami nito ay hindi kami matagpuang hubad. Habang nakatira pa kami sa toldang ito, kami'y naghihinagpis at dumaraing, hindi dahil nais na naming iwaksi ang katawang panlupa, kundi dahil nais na naming mabihisan ng katawang panlangit. Sa gayon, ang buhay na may katapusan ay mapapalitan ng buhay na walang hanggan. Ang Diyos mismo ang naghanda sa amin para sa ganitong pagbabago, at ibinigay niya sa amin ang Espiritu bilang katibayan na ito'y matutupad.