Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ni David.
25 Sa iyo, Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa.
2 O Diyos ko, sa iyo ako nagtitiwala,
huwag nawa akong mapahiya;
ang aking mga kaaway, sa akin ay huwag nawang magkatuwa.
3 Oo, huwag nawang mapahiya ang lahat ng sa iyo'y naghihintay,
mapahiya nawa ang mga gumagawa ng kataksilan nang walang dahilan.
4 Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Panginoon;
ituro mo sa akin ang iyong mga landas.
5 Akayin mo ako sa iyong katotohanan, ako'y iyong turuan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa iyo'y naghihintay ako nang buong araw.
6 Alalahanin mo, O Panginoon, ang iyong kahabagan, at ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ang mga iyon ay mula pa nang unang kapanahunan.
7 Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsuway;
ayon sa iyong wagas na pag-ibig ay alalahanin mo ako,
O Panginoon, alang-alang sa iyong kabutihan!
8 Ang Panginoon ay mabuti at makatarungan,
kaya't tinuturuan niya ang mga makasalanan tungkol sa daan.
9 Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba tungkol sa katuwiran,
at itinuturo sa mapagpakumbaba ang kanyang daan.
10 Lahat ng landas ng Panginoon ay wagas na pag-ibig at katapatan,
para sa mga nag-iingat ng kanyang mga patotoo at kanyang tipan.
26 “Gayunma'y(A) naging masuwayin sila at naghimagsik laban sa iyo, at tinalikuran ang iyong kautusan at pinatay ang iyong mga propeta na nagbabala sa kanila upang mapanumbalik sa iyo, at sila'y gumawa ng mabibigat na paglapastangan.
27 Kaya't ibinigay mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, na siyang nagpahirap sa kanila. At sa panahon ng kanilang paghihirap ay dumaing sila sa iyo, at dininig mo sila mula sa langit; at ayon sa iyong dakilang kaawaan ay binigyan mo sila ng mga tagapagligtas na nagligtas sa kanila sa kamay ng kanilang mga kaaway.
28 Ngunit pagkatapos na sila'y magkaroon ng kapahingahan, muli silang gumawa ng kasamaan sa harapan mo at iniwan mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway. Kaya't sila'y nagkaroon ng kapamahalaan sa kanila; ngunit nang sila'y manumbalik at dumaing sa iyo, iyong dininig mula sa langit at maraming ulit na iyong iniligtas sila ayon sa iyong mga kaawaan.
29 At(B) iyong binalaan sila upang maibalik sila sa iyong kautusan. Ngunit kumilos silang may kapangahasan, at hindi tinupad ang iyong mga utos, kundi nagkasala laban sa iyong mga batas, na kung tutuparin ito ng isang tao, siya'y mabubuhay, at iniurong ang balikat at pinatigas ang kanilang leeg at hindi sumunod.
30 Maraming(C) taon mo silang tiniis, at nagbabala sa kanila ang iyong Espiritu sa pamamagitan ng iyong mga propeta, gayunma'y ayaw nilang makinig. Kaya't ibinigay mo sila sa kamay ng mga tao ng mga lupain.
31 Gayunma'y sa iyong dakilang mga kaawaan ay hindi mo sila winakasan o tinalikuran man sila; sapagkat ikaw ay mapagpala at maawaing Diyos.
Nagsalita si Jesus tungkol sa Pagbagsak ng Jerusalem(A)
20 “Subalit kapag nakita ninyong pinaliligiran ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin nga ninyo na ang kanyang pagkawasak ay malapit na.
21 Kaya't ang mga nasa Judea ay dapat tumakas patungo sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng lunsod ay lumabas, at ang mga nasa labas ng lupain ay huwag pumasok doon;
22 sapagkat(B) ito ang mga araw ng paghihiganti, upang matupad ang lahat ng mga bagay na nasusulat.
23 Kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon! Sapagkat magkakaroon ng malaking pagdurusa sa ibabaw ng lupa at poot laban sa sambayanang ito.
24 Sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa. Yuyurakan ang Jerusalem ng mga Hentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Hentil.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001