Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 18:20-30

20 Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
    ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
21 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
    at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
22 Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
    at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
23 Ako'y walang dungis sa harapan niya,
    at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
24 Kaya't ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
    ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.

25 Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
    sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
26 Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
    at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
27 Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
    ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
28 Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
    pinaliliwanag ng Panginoon kong Diyos ang aking kadiliman.
29 Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
    at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
30 Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
    ang salita ng Panginoon ay subok na;
    siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.

Ruth 3:1-7

Pinuntahan ni Ruth si Boaz

Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Naomi na kanyang biyenan, “Anak ko, hindi ba kita ihahanap ng tahanan para sa ikabubuti mo?

Ngayon, hindi ba si Boaz ay ating kamag-anak, na ang kanyang mga katulong ay siya mong nakasama? Narito, siya'y gigiik ng sebada ngayong gabi sa giikan.

Kaya't maligo ka at magpabango. Magbihis ka at bumaba sa giikan. Ngunit huwag mong ipaalam sa lalaki na naroon ka, hanggang siya'y makakain at makainom.

At mangyayari kapag humiga na siya, iyong tandaan ang dakong kanyang hihigaan. Pagkatapos, pumaroon ka at iyong alisan ng takip ang kanyang mga paa, at mahiga ka. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang iyong gagawin.”

Sinabi niya sa kanya, “Lahat ng iyong sinasabi sa akin ay aking gagawin.”

Siya'y bumaba sa giikan at ginawa niya ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng kanyang biyenan.

Nang si Boaz ay makakain at makainom, at ang kanyang puso'y masaya na, siya'y pumunta upang humiga sa dulo ng bunton ng trigo. Pagkatapos, si Ruth[a] ay dahan-dahang dumating, inalisan ng takip ang kanyang mga paa, at siya'y nahiga.

Mga Gawa 7:17-29

17 “Ngunit(A) nang nalalapit na ang panahong ipinangako ng Diyos kay Abraham, ang ating sambayanan ay lumago at dumami sa Ehipto,

18 hanggang sa lumitaw ang isang hari sa Ehipto na hindi nakakakilala kay Jose.

19 Pinagsamantalahan(B) nito ang ating bansa at pinilit ang ating mga ninuno na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay[a] ang mga iyon.

20 Nang(C) panahong ito, si Moises ay ipinanganak at siya'y kasiya-siya sa Diyos. Siya'y inalagaan ng tatlong buwan sa bahay ng kanyang ama.

21 Nang(D) siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at siya'y inalagaang gaya ng sariling anak niya.

22 Tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipcio, at siya ay makapangyarihan sa kanyang mga salita at mga gawa.

23 “Nang(E) siya'y apatnapung taong gulang na, naisipan niyang[b] dalawin ang kanyang mga kapatid, na mga anak ni Israel.

24 Nang makita niya na ang isa sa kanila ay pinahihirapan, kanyang ipinagtanggol at ipinaghiganti ang inaapi sa pamamagitan ng pagpatay sa Ehipcio.

25 Noon ay inisip niya na naunawaan ng kanyang mga kababayan[c] na ibinigay ng Diyos sa kanila ang kaligtasan sa pamamagitan niya,[d] ngunit hindi nila naunawaan.

26 Nang sumunod na araw, lumapit siya sa kanila samantalang sila'y nag-aaway, at ibig sana niyang sila'y pagkasunduin, na sinasabi, ‘Mga ginoo, kayo'y magkapatid; bakit kayo nag-aaway?’

27 Ngunit itinulak siya ng nanakit sa kanyang kapwa, na sinasabi, ‘Sino ang naglagay sa iyo na pinuno at hukom sa amin?

28 Ibig mo ba akong patayin, gaya ng pagpatay mo kahapon sa Ehipcio?’

29 Nang(F) marinig niya ito, tumakas si Moises at naging dayuhan sa lupain ng Midian, kung saan siya'y naging ama ng dalawang lalaki.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001