Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
20 Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
21 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
22 Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
23 Ako'y walang dungis sa harapan niya,
at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
24 Kaya't ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.
25 Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
26 Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
27 Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
28 Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
pinaliliwanag ng Panginoon kong Diyos ang aking kadiliman.
29 Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
30 Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
ang salita ng Panginoon ay subok na;
siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.
8 At nangyari sa hatinggabi, na ang lalaki ay nagulat at bumaling. Nakita niya na may isang babaing nakahiga sa kanyang paanan!
9 Sinabi niya, “Sino ka?” At siya'y sumagot, “Ako si Ruth, na iyong lingkod. Iladlad mo ang iyong balabal sa iyong lingkod sapagkat ikaw ay malapit na kamag-anak.”
10 Kanyang sinabi, “Pagpalain ka nawa ng Panginoon, anak ko. Ginawa mong higit ang huling kagandahang-loob na ito kaysa sa una, na hindi ka naghanap ng kabataang lalaki maging dukha o mayaman.
11 Ngayon, anak ko, huwag kang matakot. Gagawin ko sa iyo ang lahat na iyong sinasabi sapagkat alam ng aking buong bayan na ikaw ay isang babaing karapat-dapat.
12 Tunay(A) nga na ako'y malapit na kamag-anak, gayunman ay may mas malapit na kamag-anak pa kaysa akin.
13 Maghintay ka ngayong gabi at sa kinaumagahan, kung kanyang tutuparin sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak[a] ay mabuti; hayaan mong gawin niya. Ngunit kung ayaw niyang gawin sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak ay gagawin ko para sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak, habang ang Panginoon ay nabubuhay. Mahiga ka hanggang umaga.”
14 Siya nga'y nahiga sa kanyang paanan hanggang umaga, ngunit siya'y bumangon bago pa magkakilala ang isa't isa. Kanyang sinabi, “Huwag nawang malaman na ang babae ay pumunta sa giikan.”
15 Kanyang sinabi, “Dalhin mo rito ang balabal na iyong suot at hawakan mo.” Hinawakan niya ito, at siya'y tumakal ng anim na takal na sebada. Isinunong ito sa kanya at siya'y pumasok sa lunsod.
16 Nang siya'y dumating sa kanyang biyenan ay sinabi niya, “Anong nangyari, anak ko?” Isinalaysay niya sa kanya ang lahat ng ginawa ng lalaki para sa kanya.
17 Sinabi niya, “Ang anim na takal na sebadang ito ay ibinigay niya sa akin sapagkat kanyang sinabi, ‘Huwag kang pupunta sa iyong biyenan nang walang dala.’”
18 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Maghintay ka, anak ko, hanggang sa iyong malaman kung ano ang mangyayari, sapagkat ang lalaking iyon ay hindi hihinto, hanggang sa matapos niya ang bagay sa araw na ito.”
Ang Bagong Utos
31 Nang siya'y makalabas na, ay sinabi ni Jesus, “Ngayon ay niluwalhati ang Anak ng Tao, at ang Diyos ay niluwalhati sa kanya;
32 kung ang Diyos ay niluwalhati sa kanya, luluwalhatiin din siya ng Diyos sa kanya, at luluwalhatiin siya kaagad.
33 Maliliit(A) na mga anak, makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon. Ako'y inyong hahanapin. At gaya ng sinabi ko sa mga Judio ay sinasabi ko sa inyo ngayon, ‘Sa pupuntahan ko, ay hindi kayo makakapunta.’
34 Isang(B) bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y magmahalan sa isa't isa. Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa't isa.
35 Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pag-ibig sa isa't isa.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001