Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Papuri sa Dios na Tagapagligtas
146 Purihin ang Panginoon!
Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
2 Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
4 Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
5 Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
6 na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
7 Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
8 Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
pinalalakas ang mga nanghihina,
at ang mga matuwid ay minamahal niya.
9 Iniingatan niya ang mga dayuhan,
tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.
10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
18 Nang makita ni Naomi na desidido si Ruth na sumama sa kanya, tumahimik na lang siya. 19 Kaya nagpatuloy silang dalawa sa paglalakbay hanggang sa nakarating sila sa Betlehem. Ang lahat ng taoʼy nabigla sa kanilang pagdating. Sinabi ng mga babae, “Si Naomi ba talaga ito?”
20 Sinabi ni Naomi sa kanila, “Huwag nʼyo na akong tawaging Naomi,[a] kundi tawagin ninyo akong Mara,[b] dahil pinapait ng Makapangyarihang Dios ang buhay ko. 21 Pag-alis ko rito ay nasa sa akin ang lahat, pero ibinalik ako ng Panginoon nang walang-wala. Kaya huwag na ninyo akong tawaging Naomi, dahil pinahirapan ako ng Makapangyarihang Panginoon.”
22 Nagsisimula pa lang ang anihan ng sebada[c] nang dumating si Naomi sa Betlehem kasama ang manugang niyang si Ruth na Moabita.
Ang Pagsamba Rito sa Lupa at Doon sa Langit
9 May mga tuntunin ang unang kasunduan tungkol sa pagsamba at may sambahang gawa ng tao. 2 Itong Toldang Sambahan na ginawa nila ay may dalawang silid. Ang unang silid ay ang Banal na Lugar, kung saan naroon ang ilawan, ang mesa, at ang tinapay na handog sa Dios. 3 Ang ikalawang silid ay ang Pinakabanal na Lugar. 4 Naroon ang gintong altar na pinagsusunugan ng insenso at ang Kahon ng Kasunduan na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kahon ang lalagyang ginto na may lamang “manna”, ang tungkod ni Aaron na nagkasibol, at ang malapad na mga bato kung saan nakaukit ang mga utos ng Dios. 5 Sa ibabaw ng Kahon ay may mga kerubin na nagpapahiwatig ng presensya ng Dios, at nilililiman ng mga pakpak nito ang lugar na iyon kung saan pinapatawad ng Dios ang mga kasalanan ng tao. Ngunit hindi namin ito maipapaliwanag nang detalyado sa ngayon.
6 Ganoon ang pagkakaayos sa loob ng Toldang Sambahan. At araw-araw pumapasok ang mga pari sa unang silid ng Tolda para gampanan ang tungkulin nila. 7 Ngunit ang punong pari lang ang nakakapasok sa Pinakabanal na Lugar at minsan lang sa isang taon. At sa tuwing papasok siya rito, naghahandog siya ng dugo para sa sarili niyang mga kasalanan at sa mga kasalanang nagawa ng mga tao nang hindi nila nalalaman. 8 Sa ginagawa nilang ito, ipinapakita ng Banal na Espiritu na hindi makakapasok sa Pinakabanal na Lugar ang karaniwang tao hanggaʼt naroon pa ang dating Toldang Sambahan. 9 Ang Toldang iyon ay larawan lang ng kasalukuyang panahon. Sapagkat ang mga handog at kaloob na iniaalay doon ng mga tao ay hindi nakapaglilinis ng kanilang konsensya. 10 Ang mga ginagawa nilang itoʼy nauukol lang sa mga pagkain at inumin at mga seremonya ng paglilinis. Mga tuntuning panlabas lamang ito na ipinapatupad hanggang sa dumating ang bagong pamamaraan ng Dios.
11 Ngunit dumating na si Cristo na punong pari ng bagong pamamaraan na higit na mabuti kaysa sa dati. Pumasok siya sa mas dakila at mas ganap na Tolda na hindi gawa ng tao, at wala sa mundong ito. 12 Minsan lang pumasok si Cristo sa Pinakabanal na Lugar. At hindi dugo ng kambing o ng guya[a] ang dala niya kundi ang sarili niyang dugo. At sa pamamagitan ng kanyang dugo, tinubos niya tayo sa mga kasalanan natin magpakailanman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®