Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagpapahayag ng Kasalanan ng Taong Nahihirapan
39 Sinabi ko sa aking sarili,
“Ang ugali koʼy aking babantayan, sa pagsasalita, ang magkasalaʼy iiwasan.
Pipigilan ko ang aking mga labi habang malapit ako sa masasamang tao.”
2 Kaya tumahimik ako at walang anumang sinabi kahit mabuti,
ngunit lalong nadagdagan ang sakit ng aking kalooban.
3 Akoʼy tunay na nabahala,
at sa kaiisip koʼy lalo akong naguluhan,
kaya nang hindi ko na mapigilan ay sinabi ko,
4 “Panginoon, paalalahanan nʼyo ako na may katapusan at bilang na ang aking mga araw,
na ang buhay ko sa mundoʼy pansamantala lamang.
Paalalahanan nʼyo akong sa mundo ay lilisan.
5 Kay ikli ng buhay na ibinigay nʼyo sa akin.
Katumbas lang ng isang saglit para sa inyo.
Itoʼy parang hangin lamang na dumadaan,
6 o kayaʼy parang anino na nawawala.
Abala siya sa mga bagay na wala namang kabuluhan.
Nagtitipon siya ng kayamanan, ngunit kapag siyaʼy namatay,
hindi na niya alam kung sino ang makikinabang.
7 At ngayon, Panginoon, ano pa ang aasahan ko?
Kayo lang ang tanging pag-asa ko.
8 Iligtas nʼyo ako sa lahat kong kasalanan,
at huwag nʼyong hayaang pagtawanan ako ng mga hangal.
9 Akoʼy mananahimik at hindi na ibubuka pa ang aking bibig,
dahil nanggaling sa inyo ang pagdurusa kong ito.
10 Huwag nʼyo na akong parusahan.
Akoʼy parang mamamatay na sa dulot nʼyong kahirapan.
11 Dinidisiplina nʼyo ang tao kapag siya ay nagkakasala.
Katulad ng anay, inuubos nʼyo rin ang kanilang mga pinahahalagahan.
Tunay na ang buhay ng tao ay pansamantala lamang.[a]
12 “Panginoon, dinggin nʼyo ang dalangin ko.
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong sa inyo.
Huwag nʼyo sanang balewalain ang aking mga pag-iyak.
Dahil dito sa mundo akoʼy dayuhan lamang,
gaya ng aking mga ninuno, sa mundo ay lilisan.
13 Huwag na kayong magalit sa akin,
upang akoʼy maging masaya bago ako mamatay.”
12 “Pero saan nga ba matatagpuan ang karunungan at pang-unawa? 13 Hindi alam ng tao kung saan ito matatagpuan. Hindi ito matatagpuan dito sa lupa. 14 Hindi rin ito matatagpuan sa ilalim ng dagat. 15 Hindi rin ito nabibili ng purong ginto o pilak. 16 Ang halaga nito ay hindi matutumbasan ng ginto o ng alin mang mamahaling bato gaya ng onix o safiro. 17 Higit pa ito sa ginto o kristal. Hindi ito maipagpapalit sa gintong alahas. 18 Ang halaga nitoʼy higit pa sa koral, jasper, o rubi. 19 Hindi ito mapapantayan ng mamahaling batong topaz na mula sa Etiopia[a] at hindi rin mababayaran ng purong ginto.
20 “Kaya saan matatagpuan ang karunungan at pang-unawa? 21 Walang nilalang na makakakita nito kahit na ang mga ibon. 22 Kahit na ang lugar ng kapahamakan na siyang lugar ng mga patay, sabi-sabi lang ang kanilang nalaman tungkol dito. 23 Dios lang ang nakakaalam kung saan matatagpuan ang karunungan. 24 Sapagkat nakikita niya kahit ang pinakamalayong bahagi ng mundo at ang lahat ng nasa ilalim ng langit. 25 Noong pinalakas niya ang hangin, at sinukat kung gaano karaming ulan ang dapat bumuhos, 26 itinakda na niya kung saan ito papatak, at kung saan tatama ang kulog at kidlat. 27 Sa ganito niya ipinakita ang karunungan at kahalagahan ng mga ito. Nasubukan na niya ito at napatunayan. 28 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, ‘Ang pagkatakot sa Panginoon at ang paglayo sa kasamaan ay siyang karunungan at pagkaunawa.’ ”
Ang mga Pagpapalang Tinanggap Noon ni Job
29 Nagpatuloy sa pagsasalita si Job, 2 “Kung maibabalik ko lang sana ang mga nagdaang araw noong kinakalinga pa ako ng Dios, 3 noong tinatanglawan pa niya ang aking daan habang lumalakad ako sa dilim. 4 Noong akoʼy nasa mabuti pang kalagayan, ang Dios ay matalik kong kaibigan, at pinagpapala niya ang sambahayan ko. 5 Pinapatnubayan pa ako noon ng Dios na Makapangyarihan, at magkakasama pa kami ng mga anak ko. 6 Ang mga baka ko nooʼy nagbibigay sa akin ng maraming gatas at mula sa mga tanim kong olibo ay umaani ako ng napakaraming langis. 7 Kapag pumupunta ako sa pintuang bayan at sumasama sa mga pinuno ng lungsod sa tuwing may pagpupulong sila, 8 tumatabi ang mga kabataang lalaki kapag nakita nila ako, at ang matatandaʼy tumatayo para magbigay galang sa akin. 9 Tumatahimik kahit ang mga pinuno 10 at ang mararangal na tao kapag nakikita nila ako.
Ang Ikapitong Selyo
8 Nang tanggalin ng Tupa ang ikapitong selyo, tumahimik ang langit ng mga kalahating oras. 2 Pagkatapos, nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Dios. Ang bawat isa sa kanilaʼy binigyan ng trumpeta.
3 May isa pang anghel na lumapit sa altar, dala ang isang gintong lalagyan ng insenso. Binigyan siya ng maraming insenso para maisama niya sa mga dalangin ng lahat ng mga pinabanal[a] ng Dios at maihandog sa gintong altar sa harap ng trono. 4 Mula sa kamay ng anghel ay pumailanlang sa harap ng Dios ang usok ng insenso kasama ang mga panalangin ng mga pinabanal. 5 Pagkatapos, kumuha ang anghel ng mga baga sa altar at pinuno ang lalagyan ng insenso, at inihagis sa lupa. At bigla namang kumidlat, kumulog, umugong at lumindol.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®