Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 28

Panalangin ng Paghingi ng Tulong

28 Tumatawag ako sa inyo, Panginoon, ang aking Bato na kanlungan.
    Dinggin nʼyo ang aking dalangin!
    Dahil kung hindi, matutulad ako sa mga patay na nasa libingan.
Pakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo!
    Humingi ako sa inyo ng tulong,
    habang itinataas ang aking mga kamay sa harap ng inyong banal na templo.
Huwag nʼyo akong parusahan kasama ng masasama.
    Nagkukunwari silang mga kaibigan,
    pero ang plano palaʼy pawang kasamaan.
Gantihan nʼyo sila ayon sa kanilang mga gawa.
    Parusahan nʼyo sila ayon sa masama nilang gawa.
Binalewala nila ang inyong mga gawa.
    Gaya ng lumang gusali,
    gibain nʼyo sila at huwag nang itayong muli.
Purihin kayo, Panginoon,
    dahil pinakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo.
Kayo ang nagpapalakas at nag-iingat sa akin.
    Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso.
    Tinutulungan nʼyo ako,
    kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.
Kayo, Panginoon, ang kalakasan ng inyong mga mamamayan.
    Iniingatan nʼyo ang inyong haring hinirang.
Iligtas nʼyo po at pagpalain ang mga mamamayang pag-aari ninyo.
    Katulad ng isang pastol, bantayan nʼyo sila,
    at kalungin magpakailanman.

Ezekiel 18

Mamamatay ang Nagkasala

18 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ano ang ibig ninyong sabihin sa kasabihang ito sa Israel, ‘Ang mga magulang ay kumain ng maasim na ubas at ang asim nitoʼy matitikman pati ng kanilang mga anak?’

“Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi nʼyo na babanggitin ang kasabihang ito sa Israel. Makinig kayo! Akin ang lahat ng may buhay, maging ang buhay ng mga magulang o buhay ng mga anak. Ang taong nagkasala ang siyang mamamatay. Halimbawa, may isang taong matuwid na ginagawa kung ano ang tama. Hindi siya sumasamba sa mga dios-diosan ng Israel o kumakain ng mga inihandog sa mga dios-diosang ito sa mga sambahan sa mga bundok. Hindi siya sumisiping sa asawa ng iba o sa babaeng may buwanang dalaw. Hindi siya nang-aapi at ibinabalik niya ang mga isinangla ng mga nangungutang sa kanya. Hindi siya nagnanakaw, pinapakain niya ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang damit. Hindi siya nagpapatubo kapag nagpapahiram ng pera. Hindi rin siya gumagawa ng masama at wala siyang kinakampihan sa kanyang paghatol. Sinusunod niyang mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin. Ang taong ganito ay matuwid at patuloy na mabubuhay. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

10 “Pero kung may anak siyang lalaki na malupit at mamamatay-tao, o gumagawa ng sumusunod na masasamang gawain 11 na hindi ginawa ng kanyang ama: Kumakain siya ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan sa mga sambahan sa bundok at sumisiping sa asawa ng iba. 12 Nang-aapi ng mahihirap at nangangailangan. Nagnanakaw at hindi isinasauli ang isinangla ng mga nangutang sa kanya. Sumasamba sa mga dios-diosan, gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, 13 at nagpapatubo sa mga may utang sa kanya. Maliligtas kaya siya? Hindi! Mamamatay siya dahil sa mga ginawa niyang kasuklam-suklam at walang ibang dapat sisihin sa kamatayan niya kundi siya.

14 “Kung ang masamang taong ito ay may anak na lalaki at nakita niya ang lahat ng masamang ginawa ng kanyang ama pero hindi niya ito ginaya, 15 hindi siya sumamba sa mga dios-diosan ng Israel o kumain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosang ito sa mga sambahan sa bundok, hindi siya sumisiping sa hindi niya asawa, 16 hindi siya nang-aapi at hindi niya inaangkin ang mga garantiya ng mga umutang sa kanya, hindi siya nagnanakaw, pinapakain niya ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang damit, 17 hindi siya gumagawa ng masama at hindi nagpapatubo sa may utang sa kanya, tinutupad niya ang mga utos koʼt mga tuntunin, ang taong itoʼy hindi mamamatay dahil sa kasalanan ng kanyang ama. Patuloy siyang mabubuhay. 18 Pero ang kanyang ama ay mamamatay dahil mukha siyang pera, magnanakaw at gumagawa ng masama sa kanyang mga kababayan.

19 “Pero maaaring itanong ninyo kung bakit hindi dapat parusahan ang anak dahil sa kasalanan ng kanyang ama. Kung ang anak ay matuwid, gumagawa ng tama at sinusunod ang mga tuntunin ko, patuloy siyang mabubuhay. 20 Ang taong nagkasala ang siyang dapat mamatay. Hindi dapat parusahan ang anak dahil sa kasalanan ng kanyang ama at ang ama naman ay hindi dapat parusahan dahil sa kasalanan ng kanyang anak. Ang taong matuwid ay gagantimpalaan sa ginawa niyang kabutihan at ang taong masama ay parurusahan dahil sa ginawa niyang kasamaan.

21 “Ngunit kung ang taong masama ay magsisi sa lahat ng kasalanan niya at sumunod sa aking mga tuntunin at gumawa ng matuwid at tama, hindi siya mamamatay kundi patuloy na mabubuhay. 22 Hindi na siya mananagot sa lahat ng nagawa niyang kasalanan at dahil sa ginawa niyang matuwid, patuloy siyang mabubuhay. 23 Ako, ang Panginoong Dios ay hindi natutuwa kapag namamatay ang masama. Masaya ako kapag nagsisi siya at patuloy na mabuhay.

24 “Pero kung ang taong matuwid ay tumigil sa paggawa ng matuwid, nagpakasama at gumawa pa ng kasuklam-suklam gaya ng ginagawa ng mga taong masama, patuloy pa rin kaya siyang mabubuhay? Siyempre hindi! Kalilimutan na ang mga ginawa niyang matuwid. At dahil sa pagtataksil niya sa akin at sa mga ginawa niyang kasalanan, mamamatay siya.

25 “Pero baka naman sabihin ninyo, ‘Hindi tama ang ginagawa ng Panginoon.’ Makinig kayo, kayong mga mamamayan ng Israel! Ang ginagawa ko ba ang hindi tama o ang ginagawa ninyo ang hindi tama? 26 Kapag ang taong matuwid ay tumigil sa paggawa ng matuwid at magpakasama, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan. 27 Pero kung ang taong masama ay tumigil sa paggawa ng masama at gumawa ng matuwid at tama, maililigtas niya ang buhay niya. 28 Dahil inamin niya ang kasalanan niya at pinagsisihan ito, hindi siya mamamatay at patuloy na mabubuhay. 29 Ngunit baka sabihin ninyo mamamayan ng Israel, ‘Hindi tama ang ginagawa ng Panginoon!’ Mga mamamayan ng Israel, ang mga ginagawa ko ba ang hindi tama o ang ginagawa ninyo?”

30 “Kaya sinasabi ko sa inyo, mga mamamayan ng Israel, ako, ang Panginoong Dios, ako ang hahatol sa bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga ginawa. Kaya, magsisi na kayo! Talikuran na ninyo ang lahat ng inyong kasalanan para hindi kayo mapahamak. 31 Mga mamamayan ng Israel, bakit gusto ninyong mamatay? Tumigil na kayo sa paggawa ng kasalanan at baguhin na ang inyong pamumuhay. 32 Hindi ako natutuwa kapag may namamatay. Kaya magsisi na kayo para kayoʼy mabuhay! Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Gawa 9:32-35

Si Pedro sa Lyda at sa Jopa

32 Maraming lugar ang pinuntahan ni Pedro para dalawin ang mga pinabanal ng Dios. Pumunta rin siya sa Lyda. 33 Nakilala niya roon ang isang taong nagngangalang Eneas. Paralisado siya at hindi makabangon sa kanyang higaan sa loob ng walong taon. 34 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinagagaling ka ni Jesu-Cristo. Kaya bumangon ka at iligpit ang iyong higaan.” Agad namang bumangon si Eneas. 35 Nakita ng lahat ng naninirahan sa Lyda at sa Sharon na gumaling na si Eneas, at sumampalataya rin sila sa Panginoon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®