Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Dios ang Hukom
75 O Dios, nagpapasalamat kami sa inyo.
Nagpapasalamat kami dahil malapit kayo sa amin.
Ipinapahayag ng mga tao ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
2 Sinabi nʼyo O Dios, “May itinakda akong panahon ng paghatol at hahatol ako nang may katuwiran.”
3 Kapag yumanig ang mundo at ang mga taoʼy magkagulo sa takot,
ako ang magpapatibay ng pundasyon ng mundo.
4 Sinasabi ko sa mga hambog, “Huwag kayong magyabang”
at sa masasama, “Huwag ninyong ipagmalaki ang inyong kakayahan.
5 Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki na kayo ay nanalo at magpakumbaba na kayo.”
6 Dahil ang tagumpay ng taoʼy hindi nagmumula sa kung saan-saan,[a]
7 kundi sa Dios lamang.
Siya ang humahatol;
kung sino ang ibababa at kung sino ang itataas.
8 Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa na puno ng bumubulang matapang na alak na nagpapahiwatig ng kanyang galit.
Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom sa masasama hanggang sa huling patak.
9 Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag ang tungkol sa Dios ni Jacob,
aawit ako ng mga papuri para sa kanya.
10 Aalisin niya[b] ang kakayahan ng masasama,[c]
ngunit dadagdagan niya ang kapangyarihan ng matutuwid.
12 “Sasabihin ko pa sa iyo ang tungkol sa katawan ng Leviatan at kung gaano siya kalakas at kamakapangyarihan. 13 Sinong makakatuklap ng kanyang balat o makakatusok nito? 14 Sino ang makakapagpabuka ng kanyang bunganga? Ang mga ngipin niyaʼy nakakatakot. 15 Ang likod niyaʼy may makakapal na kaliskis na parang panangga na nakasalansan. 16-17 Sobrang dikit-dikit na ito na kahit ang hangin ay hindi makakalusot at walang makakatuklap nito. 18 Kapag sumisinga siya, may lumalabas na parang kidlat at ang kanyang mga mata ay mapula na parang bukang-liwayway. 19 Bumubuga siya ng apoy, 20 at umuusok ang ilong na ang usok ay parang nagmumula sa kumukulong palayok na may nagliliyab na panggatong. 21 Ang hininga niyaʼy makapagpapabaga ng uling dahil sa apoy na lumalabas sa kanyang bunganga. 22 Nasa leeg ang kanyang lakas, at ang makakita sa kanya ay kinikilabutan. 23 Kahit ang kanyang mga laman ay siksik at matitigas. 24 Matigas din ang puso niya, kasintigas ng gilingang bato. 25 Kapag siyaʼy tumayo, takot na takot pati ang mga makapangyarihang tao. 26 Walang espada, sibat, pana, o palasong makakapanakit sa kanya. 27 Para sa kanya ang bakal ay kasinlambot lang ng dayami at ang tanso ay para lang bulok na kahoy. 28 Hindi niya iniilagan ang mga pana. Ang mga batong tumatama sa kanyaʼy nagiging parang mga ipa lang. 29 Ang mga kahoy na ipinapalo ay parang mga dayami lang sa kanya. At pinagtatawanan lang niya ang mga humahagibis na sibat na isinisibat sa kanya. 30 Ang tiyan niyaʼy may mga kaliskis na matalim, na parang mga basag na bote. Kaya kapag gumagapang siya sa putik, nag-iiwan siya ng mga bakas. 31 Kinakalawkaw niya ang dagat hanggang bumula na parang kumukulong tubig sa palayok o kumukulong langis sa kaldero. 32 Ang tubig na kanyang dinadaanan ay bumubula, parang puting buhok kung tingnan. 33 Wala siyang katulad dito sa mundo. Isa siyang nilalang na walang kinatatakutan. 34 Minamaliit niya ang lahat ng mayayabang na hayop. Siya ang hari ng lahat ng mababangis na hayop sa gubat.”
Hinugasan ni Jesus ang Paa ng mga Tagasunod Niya
13 Bago sumapit ang Pista ng Paglampas ng Anghel, alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng pag-alis niya sa mundong ito upang bumalik sa Ama. Mahal na mahal niya ang kanyang mga tagasunod dito sa mundo, at ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa kanila hanggang sa katapusan.
2 Nang gabing iyon, naghapunan si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Inudyukan na ni Satanas si Judas Iscariote na anak ni Simon na traydurin si Jesus. 3 Alam ni Jesus na ang lahat ng kapangyarihan ay ibinigay sa kanya ng Ama. At alam din niyang galing siya sa Dios at babalik din sa Dios. 4 Tumayo si Jesus habang naghahapunan sila. Hinubad niya ang kanyang damit-panlabas at nagbigkis ng tuwalya sa baywang niya. 5 Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa isang planggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga tagasunod niya at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. 6 Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito, “Panginoon, huhugasan nʼyo po ba ang mga paa ko?” 7 Sumagot si Jesus, “Hindi mo naiintindihan ang ginagawa ko ngayon, pero maiintindihan mo rin sa bandang huli.” 8 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Hindi pwedeng kayo ang maghugas ng mga paa ko.” Sumagot si Jesus, “Kung ayaw mong hugasan ko ang paa mo, wala kang kaugnayan sa akin.” 9 Kaya sinabi ni Simon Pedro, “Kung ganoon Panginoon, hindi lang po ang mga paa ko ang hugasan nʼyo kundi pati na rin ang mga kamay at ulo ko!” 10 Pero sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang naligo na ay malinis na ang buong katawan, kaya hindi na siya kailangang hugasan pa, maliban sa mga paa niya. Malinis na nga kayo, pero hindi kayong lahat.” 11 (Sinabi ni Jesus na hindi lahat sila ay malinis dahil alam niya kung sino ang magtatraydor sa kanya.)
12 Nang mahugasan na ni Jesus ang mga paa nila, muli niyang isinuot ang kanyang damit-panlabas at bumalik sa hapag-kainan. Pagkatapos, tinanong niya sila, “Naintindihan nʼyo ba ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag nʼyo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon’, at tama kayo dahil iyan nga ang totoo. 14 Kung ako na Guro at Panginoon ninyo ay hinugasan ang inyong mga paa, dapat ay ganoon din ang gawin ninyo sa isaʼt isa. 15 Ginawa ko ito bilang halimbawa na dapat ninyong tularan. Kaya gawin din ninyo ang ginawa ko sa inyo. 16 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang alipin na mas higit sa kanyang amo; at wala ring isinugo na mas higit sa nagsugo sa kanya. 17 Ngayong alam nʼyo na ang mga bagay na ito, mapalad kayo kung gagawin nʼyo ang mga ito.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®