Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ng mga Anak ni Kora.
84 Napakaganda ng tahanan mo,
O Panginoon ng mga hukbo!
2 Ang kaluluwa ko'y nananabik, oo, nanghihina
para sa mga bulwagan ng Panginoon;
ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan
sa buháy na Diyos.
3 Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay,
at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya,
na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay,
O Panginoon ng mga hukbo, sa mga dambana mo,
Hari ko, at Diyos ko.
4 Mapalad silang naninirahan sa bahay mo,
na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah)
5 Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo;
na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso.
6 Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca,
ay ginawa nila itong dako ng mga bukal;
kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan.
7 Sila'y humahayo sa lakas at lakas,
ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion.
8 O Panginoong Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin,
pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah)
9 Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos,
tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis!
10 Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan
ay mabuti kaysa isang libo saanman.
Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos,
kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagkat ang Panginoong Diyos ay araw at kalasag,
siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan.
Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng Panginoon
sa mga nagsisilakad nang matuwid.
12 O Panginoon ng mga hukbo,
mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo!
Ang Karunungan ni Solomon
29 Binigyan ng Diyos si Solomon ng karunungan, at ng di masukat na pang-unawa at kalawakan ng pag-iisip, gaya ng buhanging nasa tabing-dagat,
30 kaya't ang karunungan ni Solomon ay higit pa kaysa karunungan ng lahat ng tao sa silangan at kaysa lahat ng karunungan ng Ehipto.
31 Sapagkat(A) higit siyang pantas kaysa lahat ng mga tao; higit na pantas kaysa kay Etan na Ezrahita, kay Heman, kay Calcol, at kay Darda, na mga anak ni Mahol. At ang kanyang katanyagan ay kumalat sa lahat ng mga bansang nakapalibot.
32 Nagsalita(B) rin siya ng tatlong libong kawikaan; at ang kanyang mga awit ay isang libo at lima.
33 Siya'y nagsalita tungkol sa mga punungkahoy, mula sa sedro na nasa Lebanon hanggang sa isopo na sumisibol sa pader. Siya'y nagsalita rin tungkol sa mga hayop, at sa mga ibon, sa mga gumagapang at sa mga isda.
34 At naparoon ang mga taong mula sa lahat ng bayan upang makinig sa karunungan ni Solomon, mula sa lahat ng hari sa daigdig na nakabalita ng kanyang karunungan.
11 Bukod dito, alam ninyo ang panahon, na ngayo'y oras na upang magising kayo sa pagkakatulog. Sapagkat ngayon ay higit na malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo'y sumampalataya nang una.
12 Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. Kaya't iwaksi na natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng liwanag.
13 Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho.
14 Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001