Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ni David.
101 Ako'y aawit tungkol sa katapatan at katarungan,
sa iyo, O Panginoon, aawit ako.
2 Aking susundin ang daang matuwid.
O kailan ka darating sa akin?
Ako'y lalakad sa loob ng aking bahay
na may tapat na puso.
3 Hindi ko ilalagay sa harapan ng aking mga mata
ang anumang hamak na bagay.
Kinapopootan ko ang gawa ng mga tumalikod;
hindi ito kakapit sa akin.
4 Ang suwail na puso ay hihiwalay sa akin,
hindi ako makakaalam ng masamang bagay.
5 Ang lihim na naninirang-puri sa kanyang kapwa
ay aking pupuksain.
Ang taong may mapagmataas na tingin at may palalong puso
ay hindi ko titiisin.
6 Ang mga mata ko'y itititig ko sa mga tapat sa lupain,
upang sila'y makatirang kasama ko.
Siya na lumalakad sa sakdal na daan
ay maglilingkod sa akin.
7 Walang taong gumagawa ng pandaraya
ang tatahan sa aking bahay;
walang taong nagsasalita ng kasinungalingan
ang mananatili sa aking harapan.
8 Tuwing umaga ay aking lilipulin
ang lahat ng masama sa lupain,
upang itiwalag ang lahat na manggagawa ng kasamaan
sa lunsod ng Panginoon.
Dinala ang Kaban sa Templo(A)
8 Pagkatapos(B) ay tinipon ni Solomon ang matatanda ng Israel at ang lahat ng puno ng mga lipi, ang mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng bayan ni Israel, sa harapan ni Haring Solomon sa Jerusalem, upang iakyat ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa lunsod ni David na siyang Zion.
2 Ang(C) lahat ng mamamayan sa Israel ay nagtipon kay Haring Solomon sa kapistahan, sa buwan ng Ethanim, na siyang ikapitong buwan.
3 At ang lahat ng matatanda sa Israel ay nagtipon, at binuhat ng mga pari ang kaban.
4 Kanilang iniakyat ang kaban ng Panginoon, ang toldang tipanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapan na nasa tolda; iniakyat ang mga ito ng mga pari at ng mga Levita.
5 Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagtipon sa kanyang harapan ay kasama niya sa harap ng kaban na nag-aalay ng napakaraming mga tupa at mga baka na di matuturingan o mabibilang man.
6 At ipinasok ng mga pari ang kaban ng tipan ng Panginoon sa kalalagyan nito, sa panloob na santuwaryo ng bahay, sa dakong kabanal-banalan, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.
7 Sapagkat nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin sa gawing ibabaw ng kaban, anupa't ang mga kerubin ay kumakanlong sa ibabaw ng kaban at sa mga pasanan niyon.
8 Ang mga pasanan ay napakahaba kaya't ang mga dulo ng mga pasanan ay nakikita mula sa dakong banal sa harap ng panloob na santuwaryo, ngunit hindi nakikita sa labas at nandoon ang mga iyon hanggang sa araw na ito.
9 Walang(D) anumang bagay sa kaban liban sa dalawang tapyas na bato na inilagay ni Moises doon sa Horeb, na kung saan ang Panginoon ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto.
10 Kapag(E) ang mga pari ay lumabas sa dakong banal, ang bahay ng Panginoon ay napupuno ng ulap,
11 kaya't ang mga pari ay hindi makatayo upang mangasiwa dahil sa ulap; sapagkat napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.
Nagsalita si Solomon(F)
12 Pagkatapos(G) ay nagsalita si Solomon, “Sinabi ng Panginoon na siya'y maninirahan sa makapal na kadiliman.
13 Ipinagtayo kita ng isang marangal na tahanan, isang dako na iyong tatahanan magpakailanman.”
14 Humarap ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, habang ang buong kapulungan ng Israel ay nakatayo.
15 At kanyang sinabi, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sa pamamagitan ng kanyang kamay ay tinupad ang ipinangako ng kanyang bibig kay David na aking ama, na sinasabi,
16 ‘Mula(H) nang araw na aking ilabas ang aking bayang Israel mula sa Ehipto, hindi pa ako pumili ng isang lunsod sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; ngunit aking pinili si David upang maghari sa aking bayang Israel.’
17 Nasa(I) puso ni David na aking ama ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
18 Ngunit sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, ‘Nasa iyong puso ang magtayo ng isang bahay para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na iyon ay nasa iyong puso.
19 Gayunma'y(J) hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang magiging anak mo ang siyang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.’
20 Ngayon ay tinupad ng Panginoon ang salitang kanyang sinabi, sapagkat ako'y bumangong kapalit ni David na aking ama, at nakaupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at nagtayo ako ng bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
21 At doo'y aking ipinaghanda ng isang lugar ang kaban na kinaroroonan ng tipan ng Panginoon na kanyang ginawa sa ating mga ninuno, nang kanyang ilabas sila sa lupain ng Ehipto.”
Ang Lebadura ng mga Fariseo at ni Herodes(A)
14 Noon ay nakalimutan ng mga alagad[a] na magdala ng tinapay maliban sa iisang tinapay na nasa bangka.
15 Kanyang(B) binalaan sila na sinabi, “Mag-ingat kayo, iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ang lebadura ni Herodes.”
16 At sinabi nila sa isa't isa, “Ito ay sapagkat wala tayong tinapay.”
17 Yamang batid ito ni Jesus, ay sinabi sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapan na wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nalalaman ni nauunawaan man? Tumigas na ba ang inyong mga puso?
18 Mayroon(C) kayong mga mata, ngunit hindi nakakakita? Mayroon kayong mga tainga, ngunit hindi nakakarinig? Hindi ba ninyo natatandaan?
19 Nang aking pagputul-putulin ang limang tinapay para sa limang libo, ilang kaing na punô ng mga pinagputul-putol ang inyong pinulot?” Sinabi nila sa kanya, “Labindalawa.”
20 “Nang pagputul-putulin ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang kaing na punô ng mga pinagputul-putol ang pinulot ninyo?” Sinabi nila sa kanya, “Pito.”
21 Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001