Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
“Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
at sumasama ka sa mga mangangalunya.
19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.
22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”
20 At sinabi sa kanya ni Absalom na kanyang kapatid, “Nakasama mo ba ang kapatid mong si Amnon? Ngayo'y tumahimik ka, kapatid ko. Siya'y iyong kapatid; huwag mong damdamin ang bagay na ito.” Kaya't si Tamar ay nanatili na isang babaing malungkot sa bahay ng kanyang kapatid na si Absalom.
21 Ngunit nang mabalitaan ni Haring David ang lahat ng mga bagay na ito, siya'y galit na galit.
22 Ngunit si Absalom ay hindi nagsalita ng mabuti o masama kay Amnon, sapagkat kinapopootan ni Absalom si Amnon dahil hinalay niya ang kanyang kapatid na si Tamar.
Naghiganti si Absalom
23 Pagkalipas ng dalawang buong taon, si Absalom ay mayroong mga tagagupit ng tupa sa Baal-hazor na malapit sa Efraim at inanyayahan ni Absalom ang lahat ng mga anak na lalaki ng hari.
24 Pumunta si Absalom sa hari, at sinabi niya, “Ang iyong lingkod ay may mga tagagupit ng mga tupa. Hinihiling ko sa iyo na ang hari at ang kanyang mga lingkod ay sumama sa iyong lingkod.”
25 Ngunit sinabi ng hari kay Absalom, “Huwag, anak ko. Huwag mo kaming papuntahing lahat, baka maging pabigat kami sa iyo.” Kanyang pinilit siya, subalit hindi siya sumama, ngunit ibinigay niya ang kanyang basbas.
26 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, “Kung hindi, hinihiling ko sa iyo na pasamahin mo sa amin ang aking kapatid na si Amnon.” At sinabi ng hari sa kanya, “Bakit siya sasama sa iyo?”
27 Ngunit pinilit siya ni Absalom, kaya't kanyang pinasama sa kanya si Amnon at ang lahat ng mga anak ng hari.
28 Iniutos ni Absalom sa kanyang mga lingkod, “Tandaan ninyo ngayon, kapag ang puso ni Amnon ay masaya na dahil sa alak, at kapag sinabi ko sa inyo, ‘Saktan ninyo si Amnon,’ ay patayin nga ninyo siya. Huwag kayong matakot; hindi ba ako ang nag-uutos sa inyo? Kayo'y magpakalakas at magpakatapang.”
29 Ginawa ng mga lingkod ni Absalom kay Amnon kung ano ang iniutos ni Absalom. Nang magkagayo'y tumindig ang lahat ng mga anak ng hari, at sumakay ang bawat lalaki sa kanyang mola at tumakas.
30 Samantalang sila'y nasa daan, may balitang nakarating kay David na sinasabing, “Pinatay ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari, at walang nalabing isa man sa kanila.”
31 Nang magkagayo'y tumindig ang hari at pinunit ang kanyang mga suot, at humiga sa lupa; at ang lahat niyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya ay pinunit ang kanilang mga damit.
32 Ngunit si Jonadab na anak ni Shimeah na kapatid ni David ay sumagot at nagsabi, “Huwag akalain ng aking panginoon na kanilang pinatay ang lahat ng mga binatang anak ng hari, sapagkat si Amnon lamang ang pinatay. Sapagkat sa utos ni Absalom, ito ay itinakda na, mula nang araw na kanyang halayin ang kanyang kapatid na si Tamar.
33 Ngayon nga'y huwag itong damdamin ng aking panginoong hari na akalaing ang lahat ng mga anak ng hari ay patay na; sapagkat si Amnon lamang ang patay.”
Si Absalom ay Tumakas sa Geshur
34 Ngunit si Absalom ay tumakas. Nang ang kabataang nagbabantay ay nagtaas ng kanyang mga mata, at tumingin at nakita niya ang maraming taong dumarating mula sa daang Horonaim sa gilid ng bundok.
35 Sinabi ni Jonadab sa hari, “Ang mga anak ng hari ay dumating na; ayon sa sinabi ng inyong lingkod, ay gayon nga.”
36 Pagkatapos niyang makapagsalita, ang mga anak ng hari ay nagdatingan, at inilakas ang kanilang tinig at umiyak; ang hari at ang lahat niyang mga lingkod ay mapait na umiyak.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
8 Nang mga araw na iyon, nang magkaroong muli ng napakaraming tao na walang makain, tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila,
2 “Nahahabag ako sa maraming tao sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at walang makain.
3 Kung sila'y pauuwiin kong nagugutom sa kanilang mga bahay, mahihilo sila sa daan at ang iba sa kanila ay nanggaling pa sa malayo.”
4 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Paanong mapapakain ninuman ang mga taong ito ng tinapay dito sa ilang?”
5 At sila'y tinanong niya, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito.”
6 Inutusan niya ang maraming tao na umupo sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ihain. At inihain nila ang mga ito sa maraming tao.
7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda at nang mabasbasan ang mga ito, sinabi niya na ihain din ang mga ito.
8 Sila'y kumain at nabusog. At may lumabis na mga piraso, pitong kaing na puno.
9 Sila'y may mga apat na libo; at kanyang pinaalis na sila.
10 At agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta siya sa lupain ng Dalmanuta.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001