Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 18:5-9

At ang hari ay nag-utos kina Joab, Abisai, at Itai, “Pakitunguhan ninyong may kaawaan ang kabataang si Absalom, alang-alang sa akin.” At narinig ng buong bayan nang nagbilin ang hari sa lahat ng punong-kawal tungkol kay Absalom.

Kaya't lumabas ang hukbo sa kaparangan laban sa Israel; at ang labanan ay naganap sa gubat ng Efraim.

Ang hukbo ng Israel ay natalo doon ng mga lingkod ni David, at nagkaroon ng malaking patayan doon sa araw na iyon na may dalawampung libong katao.

Ang labanan ay kumalat sa ibabaw ng buong lupain; at ang gubat ay lumamon ng mas maraming tao sa araw na iyon kaysa sa tabak.

Nakasagupa ni Absalom ang mga lingkod ni David. Si Absalom ay nakasakay sa kanyang mola, at ang mola ay nagdaan sa ilalim ng mayabong na mga sanga ng isang malaking ensina. Ang kanyang ulo ay nasabit sa ensina, at siya'y naiwang nakabitin sa pagitan ng langit at lupa, samantalang ang molang nasa ilalim niya ay nagpatuloy.

2 Samuel 18:15

15 Sampung kabataang lalaki na tagadala ng sandata ni Joab ang pumalibot kay Absalom at kanilang pinatay siya.

2 Samuel 18:31-33

31 At ang Cusita ay dumating; at sinabi ng Cusita, “Mabuting balita para sa aking panginoong hari! Sapagkat iniligtas ka ng Panginoon sa araw na ito mula sa kamay ng lahat ng naghimagsik laban sa iyo.”

32 Sinabi ng hari sa Cusita, “Ligtas ba ang kabataang si Absalom?” At sumagot ang Cusita, “Ang mga kaaway ng aking panginoong hari, at ang lahat ng naghimagsik laban sa iyo upang gawan ka ng masama ay maging gaya nawa ng kabataang iyon.”

33 [a] Nabagbag ang damdamin ng hari at umakyat siya sa silid na nasa ibabaw ng pintuang-bayan, at umiyak. Habang siya'y humahayo ay sinasabi niya, “O anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Ako na sana ang namatay sa halip na ikaw, O Absalom, anak ko, anak ko!”

Mga Awit 130

Awit ng Pag-akyat.

130 Mula sa kalaliman, O Panginoon, ako sa iyo'y dumaing!
    Panginoon, tinig ko'y pakinggan!
    Mga pandinig mo'y makinig sa tinig ng aking mga karaingan!

Kung ikaw, Panginoon, ay magtatala ng mga kasamaan,
    O Panginoon, sino kayang makakatagal?
Ngunit sa iyo'y may kapatawaran,
    upang ikaw ay katakutan.
Ako'y naghihintay sa Panginoon, naghihintay ang aking kaluluwa,
    at sa kanyang salita ako ay umaasa;
sa Panginoon ay naghihintay ang aking kaluluwa,
    higit pa kaysa bantay sa umaga;
    tunay na higit pa kaysa bantay sa umaga.

O Israel, umasa ka sa Panginoon!
    Sapagkat sa Panginoon ay may tapat na pagmamahal,
    at sa kanya ay may saganang katubusan.
Ang(A) Israel ay tutubusin niya,
    mula sa lahat niyang pagkakasala.

Efeso 4:25-5:2

25 Kaya't(A) pagkatapos itakuwil ang kasinungalingan, ang bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo'y mga bahagi ng isa't isa.

26 Magalit(B) kayo ngunit huwag magkasala; huwag hayaang lubugan ng araw ang inyong galit,

27 at huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo.

28 Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi magtrabaho at gumawa siya sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay ng mabuting bagay, upang siya'y may maibahagi sa nangangailangan.

29 Anumang masamang salita ay hindi dapat lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuti lamang para sa ikatitibay,[a] ayon sa pangangailangan, upang ito ay makapagbigay ng biyaya sa mga nakikinig.

30 At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Diyos, na sa pamamagitan niya kayo'y tinatakan para sa araw ng pagtubos.

31 Lahat ng pait, galit, poot, pag-aaway, at paninirang-puri ay inyong alisin, pati lahat ng kasamaan,

32 at(C) maging mabait kayo sa isa't isa, mga mahabagin, nagpapatawad sa isa't isa, gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo.

Lumakad sa Liwanag

Kaya kayo'y tumulad sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal,

at(D) lumakad kayo sa pag-ibig, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa atin at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang handog at alay sa Diyos upang maging samyo ng masarap na amoy.

Juan 6:35

35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw.

Juan 6:41-51

41 Kaya't ang mga Judio ay nagbulung-bulungan tungkol sa kanya sapagkat kanyang sinabi, “Ako ang tinapay na bumabang galing sa langit.”

42 Kanilang sinabi, “Hindi ba ito'y si Jesus, ang anak ni Jose, na kilala natin ang kanyang ama at ina? Paano niya nasasabi, ‘Ako'y bumabang galing sa langit?’”

43 Sumagot si Jesus sa kanila, “Huwag kayong magbulung-bulungan.

44 Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin; at siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw.

45 Nasusulat(A) sa mga propeta, ‘At tuturuan silang lahat ng Diyos.’ Ang bawat nakarinig at natuto sa Ama ay lumalapit sa akin.

46 Hindi dahil sa mayroong nakakita sa Ama maliban sa kanya na mula sa Diyos. Siya ang nakakita sa Ama.

47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.

48 Ako ang tinapay ng buhay.

49 Kumain ng manna sa ilang ang inyong mga ninuno, at sila'y namatay.

50 Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang sinumang makakain nito ay hindi mamatay.

51 Ako ang tinapay na buháy na bumabang galing sa langit. Kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailanman, at ang tinapay na aking ibibigay sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001