Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagtitiwala sa Panginoon sa Oras ng Paghihirap
130 Panginoon, sa labis kong paghihirap akoʼy tumatawag sa inyo.
2 Dinggin nʼyo po ang aking pagsusumamo.
3 Kung inililista nʼyo ang aming mga kasalanan,
sino kaya sa amin ang matitira sa inyong presensya?[a]
4 Ngunit pinapatawad nʼyo kami, upang matuto kaming gumalang sa inyo.
5 Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo,
at umaasa sa inyong mga salita.
6 Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.
7 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon,
dahil siyaʼy mapagmahal at laging handang magligtas.
8 Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan.
Si David at si Jonatan
20 Tumakas si David mula sa Nayot sa Rama, at pumunta kay Jonatan at nagtanong, “Ano ba ang kasalanang nagawa ko sa iyong ama at gusto niya akong patayin?” 2 Sumagot si Jonatan, “Hindi ka mamatay! Sigurado akong wala siyang pinaplanong ganyan. Maliit man o malaking bagay, ipinapaalam ng ama ko sa akin lahat ng gagawin niya. Kung binabalak ka niyang patayin, ipinaalam na sana niya ito sa akin. Kaya hindi totoo yan.” 3 Pero sinabi ni David, “Alam na alam ng iyong ama ang tungkol sa pagkakaibigan natin kaya minabuti niya na huwag nang ipaalam sa iyo ang plano niyang pagpatay sa akin, dahil baka masaktan ka lang. Pero tinitiyak ko sa iyo, at sa harap ng presensya ng Panginoon na buhay, na nasa panganib ang buhay ko.” 4 Sinabi ni Jonatan, “Kung anuman ang gusto mo, gagawin ko.” 5 Kaya sinabi ni David, “Bukas ay Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[a] at gaya ng nakagawian, dapat akong kumain kasama ng iyong ama. Pero hayaan mo akong makaalis at magtago sa bukid hanggang sa gabi ng ikatlong araw. 6 Kung hahanapin ako ng iyong ama, sabihin mo sa kanya na humingi ako ng pahintulot sa iyo na umuwi sa amin sa Betlehem para makasama ko ang buong pamilya ko sa paghahandog na ginagawa nila taun-taon. 7 Kapag hindi siya nagalit, ibig sabihin akoʼy wala sa panganib. Pero kapag nagalit siya, alam mo nang binabalak niya akong patayin. 8 Kaya kung maaari, tulungan mo ako, gawin mo sa akin ang kabutihang ito, ayon sa napagkasunduan natin sa harap ng presensya ng Panginoon. Pero kung nagkasala man ako, ikaw na ang pumatay sa akin. Bakit mo pa ako ibibigay sa iyong ama?” 9 Sumagot si Jonatan, “Hindi iyan mangyayari! Kung nalalaman ko na may balak ang aking ama na patayin ka, ipapaalam ko agad sa iyo.” 10 Nagtanong si David, “Paano ko malalaman kung galit o hindi ang iyong ama?” 11 Sinabi ni Jonatan, “Sumama ka sa akin sa bukid.” Kaya nagpunta sila roon.
12 Sinabi ni Jonatan kay David, “Nangangako ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel, na bukas sa ganito ring oras, o sa susunod na araw, makikipag-usap ako sa aking ama, at kung mabuti ang pakitungo niya tungkol sa iyo, ipapaalam ko sa iyo. 13 Pero kung may balak ang aking ama na patayin ka, at hindi ko ito ipinaalam sa iyo para makatakas ka, sanaʼy parusahan ako nang matindi ng Panginoon. Ngayon, samahan ka sana ng Panginoon gaya ng ginawa niya noon sa aking ama. 14 At ipakita mo sana ang pagmamahal mo sa akin habang akoʼy nabubuhay pa gaya ng pagmamahal ng Panginoon sa atin. At kung patay na ako, 15 ipagpatuloy mo pa rin ang pagmamahal sa pamilya ko, kahit pa patayin ng Panginoon ang lahat ng kaaway mo.”
16 Kaya gumawa si Jonatan ng kasunduan sa pamilya ni David, at sinabi niya, “Ibigay ka sana ng Panginoon sa iyong mga kaaway, kapag hindi ka tumupad sa kasunduan natin[b].” 17 At pinasumpa ulit ni Jonatan si David ng pagmamahal sa kanya dahil mahal na mahal niya si David gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. 18 Pagkatapos, sinabi niya kay David, “Bukas ay Pista ng Pagsisimula ng Buwan at malalaman nila na wala ka roon dahil bakante ang upuan mo. 19 Sa makalawa, bago gumabi, pumunta ka sa dati mong pinagtaguan sa bukid. Maghintay ka roon sa may bato ng Ezel. 20 Darating ako at papana ng tatlong beses sa gilid ng bato na parang may pinapana ako. 21 Pagkatapos, uutusan ko ang isang bata na hanapin ang palaso. Kung sasabihin ko sa kanya na nasa gilid niya ang mga palaso, lumabas ka. Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng presensya ng Panginoon na buhay, na wala kang dapat katakutang panganib. 22 Pero kung sasabihin ko sa bata na nasa banda pa roon ang mga palaso, nangangahulugan ito na kailangan mong tumakas dahil pinapatakas ka ng Panginoon. 23 Tungkol sa sumpaan natin, alalahanin mo na ang Panginoon ang ating saksi magpakailanman.”
24 Kaya nagtago si David sa bukid, at nang dumating ang Pista ng Pagsisimula ng Buwan, umupo si Haring Saul para kumain. 25 Doon siya umupo sa dati niyang inuupuan sa tabi ng dingding. Si Jonatan naman ay naupo sa tapat niya at si Abner sa tabi niya. Pero bakante ang upuan ni David.
Ang Pagtutulungan ng mga Cristiano
8 Ngayon mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang ginawa ng mga iglesya sa Macedonia dahil sa biyaya ng Dios sa kanila. 2 Kahit na dumaranas sila ng maraming pagsubok, masayang-masaya pa rin sila. Kaya nga naging lubos silang mapagbigay sa kabila ng kanilang matinding kahirapan. 3 Makapagpapatotoo ako sa inyo na kusang-loob silang nagbigay at higit pa nga sa kanilang makakaya. 4 Sapagkat sila na mismo ang paulit-ulit na nakiusap sa amin na bigyan sila ng pagkakataong makatulong sa mahihirap na mga mananampalataya.[a] 5 At higit pa nga sa aming inaasahan ang kanilang ginawa, dahil una sa lahat, inialay nila ang kanilang mga sarili sa Panginoon at sa amin, ayon sa kalooban ng Dios. 6 Dahil sa kanilang ginawa ay pinakiusapan namin si Tito na bumalik sa inyo, at tapusin ang inumpisahan niyang pangongolekta ng inyong tulong para sa mga kapatid sa Judea. 7 Kayong mga nasa Corinto ay nangunguna sa lahat ng bagay – malakas ang inyong pananampalataya, magaling kayong magturo, marami kayong alam, masipag sa paglilingkod sa Dios, at malaki ang inyong pag-ibig sa amin. Kaya gusto namin na manguna rin kayo sa pagbibigay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®