Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 80

Dalangin para Tulungan ng Dios ang Bansa

80 O Pastol ng Israel, pakinggan nʼyo kami.
    Kayo na nangunguna at pumapatnubay sa angkan ni Jose na parang mga tupa.
    Kayo na nakaupo sa inyong trono sa gitna ng mga kerubin,
    ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,
sa lahi ni Efraim, ni Benjamin at ni Manase.
    Ipakita nʼyo po ang inyong kapangyarihan;
    puntahan nʼyo kami para iligtas.
O Dios, ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
    Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
Panginoong Dios na Makapangyarihan,
    hanggang kailan ang galit ninyo sa mga panalangin ng inyong mga mamamayan?
Pinuno nʼyo kami ng kalungkutan, at halos mainom na namin ang aming mga luha.
Pinabayaan nʼyong awayin kami ng mga kalapit naming bansa
    at pinagtatawanan kami ng aming mga kaaway.
O Dios na Makapangyarihan,
    ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
    Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
Katulad namin ay puno ng ubas,
    na kinuha nʼyo sa Egipto at itinanim sa lupaing pinalayas ang mga nakatira.
Nilinis nʼyo ang lupaing ito at ang puno ng ubas ay nag-ugat
    at lumaganap sa buong lupain.
10 Nalililiman ng mga sanga nito ang mga bundok at ang malalaking puno ng sedro.
11 Umabot ang kanyang mga sanga hanggang sa Dagat Mediteraneo at hanggang sa Ilog ng Eufrates.
12 Ngunit bakit nʼyo sinira, O Dios, ang bakod nito?
    Kaya ninanakaw ng mga dumadaan ang mga bunga nito.
13 At kinain din ito ng mga baboy-ramo at iba pang hayop sa gubat.
14 O Dios na Makapangyarihan, bumalik na kayo sa amin.
    Mula sa langit, kami ay inyong pagmasdan.
    Alalahanin nʼyo ang inyong mga mamamayan,
15 na tulad ng puno ng ubas na inyong itinanim sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
    Alalahanin nʼyo kami na inyong mga anak na pinatatag nʼyo para sa inyong kapurihan.
16 O Dios, para kaming mga puno ng ubas na pinutol at sinunog.
    Tiningnan nʼyo kami nang may galit, at nilipol.
17 Ngunit ngayon, tulungan nʼyo kami na inyong mga hinirang na maging malapit sa inyo at palakasin kami para sa inyong kapurihan,
18 at hindi na kami tatalikod sa inyo.
    Ibalik sa amin ang mabuting kalagayan,
at sasambahin namin kayo.
19 O Panginoong Dios na Makapangyarihan,
    ibalik nʼyo sa amin ang mabuting kalagayan!
    Ipakita sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.

Isaias 65:17-25

17 “Makinig kayo! Gagawa ako ng bagong langit at bagong lupa. Ang dating langit at lupa ay kakalimutan na. 18 Kaya magalak kayo at magdiwang ng walang hanggan sa aking gagawin. Sapagkat ang Jerusalem ay gagawin kong kagalakan ng mga tao, at ang kanyang mga mamamayan ay magbibigay din ng kagalakan. 19 Magagalak ako sa Jerusalem at sa kanyang mga mamamayan. Hindi na maririnig doon ang iyakan at paghingi ng tulong o mga pagdaing. 20 Doon ay walang mamamatay na sanggol o bata pa. Ang sinumang mamamatay sa gulang na 100 taon ay bata pa, at ang mamamatay nang hindi pa umaabot sa 100 taon ay ituturing na pinarusahan ko. 21 Sa mga panahong iyon, magtatayo ang aking mga mamamayan ng mga bahay at titirhan nila ito. Magtatanim sila ng mga ubas at sila rin ang aani ng mga bunga nito. 22 Hindi na ang mga kaaway nila ang makikinabang sa kanilang mga bahay at mga tanim. Sapagkat kung papaanong ang punongkahoy ay nabubuhay nang matagal, ganoon din ang aking mga mamamayan at lubos nilang pakikinabangan ang kanilang pinaghirapan. 23 Hindi sila magtatrabaho nang walang pakinabang at ang kanilang mga anak ay hindi daranas ng kamalasan. Sapagkat silaʼy mga taong pinagpapala ng Panginoon. At ang kanilang mga anak ay kasama nilang pinagpala. 24 Bago pa sila manalangin o habang silaʼy nananalangin pa lang, sasagutin ko na sila. 25 Sa mga araw na iyon magkasamang kakain ang asong lobo at mga tupa, pati mga leon at mga baka ay kakain ng damo. At ang mga ahas ay hindi na manunuklaw. Wala nang mamiminsala o gigiba sa aking banal na bundok ng Zion. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Juan 14:18-31

18 “Hindi ko kayo iiwan ng walang kasama;[a] babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lang at hindi na ako makikita ng mga tao sa mundo, pero makikita nʼyo ako. At dahil buhay ako, mabubuhay din kayo. 20 Sa araw na iyon, malalaman ninyo na ako nga ay nasa aking Ama, at kayo ay nasa akin, at ako ay nasa inyo.

21 “Ang sinumang tumatanggap at sumusunod sa mga utos ko ang siyang nagmamahal sa akin. At ang nagmamahal sa akin ay mamahalin din ng aking Ama. Mamahalin ko rin siya, at ipapakilala ko ang aking sarili sa kanya.” 22 Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit sa amin lang po kayo magpapakilala at hindi sa lahat?” 23 Sumagot si Jesus, “Ang nagmamahal sa akin ay susunod sa aking salita. Mamahalin siya ng aking Ama at mananahan kami sa kanya. 24 Ngunit ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi sumusunod sa aking mga salita. At ang mga salitang narinig nʼyo ay hindi nanggaling sa akin kundi sa Amang nagsugo sa akin.

25 “Sinasabi ko ang mga bagay na ito habang kasama nʼyo pa ako. 26 Pero kapag nakaalis na ako, ang Tagatulong na walang iba kundi ang Banal na Espiritu ang ipapadala ng Ama bilang kapalit ko. Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala sa inyo ng lahat ng mga sinabi ko sa inyo.

27 “Huwag kayong mabagabag, at huwag kayong matakot, dahil iniiwan ko sa inyo ang kapayapaan. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. 28 Narinig nʼyo ang sinabi ko na aalis ako pero babalik din sa inyo. Kung mahal nʼyo ako, ikasisiya nʼyo ang pagpunta ko sa Ama, dahil mas dakila ang Ama kaysa sa akin. 29 Sinasabi ko ito ngayon sa inyo bago pa man mangyari upang sumampalataya kayo sa akin[b] kapag nangyari na ito. 30 Hindi na ako magsasalita nang matagal dahil dumarating na si Satanas na siyang naghahari sa mundong ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin. 31 Ngunit upang malaman ng lahat na mahal ko ang aking Ama, ginagawa ko ang iniuutos niya sa akin. Halina kayo, umalis na tayo rito.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®