Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagkatawag kay Isaias
6 Noong taon ng pagkamatay ni Haring Uzia, nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa napakataas na trono. Ang mahabang damit niya ay tumakip sa buong templo. 2 May mga makalangit na nilalang[a] sa gawing ulo niya. Ang bawat isa sa kanila ay may anim na pakpak: Ang dalawang pakpak ay nakatakip sa kanilang mukha, ang dalawa ay nakatakip sa kanilang paa, at ang dalawa ay ginagamit nila sa paglipad. 3 Sinasabi nila sa isaʼt isa:
“Banal, Banal, Banal, ang Panginoong Makapangyarihan! Ang kapangyarihan niyaʼy sumasakop sa buong mundo.”
4 Sa lakas ng tinig nila, nayanig ang mga pundasyon ng templo at napuno ng usok ang loob ng templo. 5 Sinabi ko, “Nakakaawa ako! Tiyak na mapapahamak ako, dahil akoʼy may makasalanang labi at naninirahan ako sa piling ng mga taong makasalanan din ang mga labi. At ngayon, nakita ko ang Hari, ang Panginoong Makapangyarihan.”
6 Pagkatapos, lumipad ang isa sa mga makalangit na nilalang papunta sa akin, may dala siyang baga na kinuha niya sa altar. 7 Inilapat niya ang baga sa aking bibig at sinabi, “Hinipo nito ang iyong bibig, at wala ka nang kasalanan dahil pinatawad ka na.” 8 Pagkatapos, narinig ko ang tinig ng Panginoon na nagsasabi, “Sino ang susuguin ko? Sino ang lalakad para sa amin?” Sumagot ako, “Narito po ako! Ako ang isugo ninyo.”
Ang Makapangyarihang Tinig ng Panginoon
29 Purihin ang Panginoon, kayong mga anak ng makapangyarihang Dios.[a]
Purihin siya sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan.
2 Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan.
Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya.
3 Ang tinig ng Panginoong Dios na makapangyarihan ay dumadagundong
na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan.
4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan at kagalang-galang.
5 Ang tinig ng Panginoon ay makakabali
at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay na mga puno ng sedro sa Lebanon.
6 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon
at ang bundok ng Hermon[b], na parang bisirong baka na tumatalon-talon.
7 Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat.
8 Ang tinig din ng Panginoon ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kadesh.
9 Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,[c]
at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan.
At ang lahat ng nasa templo ay sumisigaw,
“Ang Dios ay makapangyarihan!”
10 Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha.
Maghahari siya magpakailanman.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan,
at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan.
12 Kaya nga mga kapatid, hindi tayo dapat mamuhay ayon sa ating makasalanang pagkatao. 13 Sapagkat mamamatay kayo kapag namuhay kayo ayon sa inyong makasalanang pagkatao. Pero mabubuhay kayo kung susupilin ninyo ang inyong makasalanang pagkatao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 14 Ang mga taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios ay mga anak ng Dios. 15 At ang Espiritu na tinanggap ninyo ay hindi kayo inalipin upang muling matakot, sa halip ginawa kayong mga anak ng Dios. Ngayon, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, matatawag na ninyong “Ama” ang Dios. 16 Ang Banal na Espiritu at ang ating espiritu ay parehong nagpapatunay na tayoʼy mga anak ng Dios. 17 At bilang mga anak, mga tagapagmana tayo ng Dios at kasama ni Cristo na magmamana ng mga pagpapalang inilaan niya. Sapagkat kung magtitiis tayo kagaya ni Cristo noon, darating ang araw na pararangalan din tayong kasama niya.
Tungkol sa Muling Kapanganakan
3 May isang taong nagngangalang Nicodemus. Isa siya sa mga pinuno ng mga Judio at kabilang sa grupo ng mga Pariseo. 2 Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Guro, alam naming isa kayong tagapagturo na mula sa Dios, dahil walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo, maliban kung sumasakanya ang Dios.” 3 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios ang hindi ipinanganak na muli.”[a] 4 Nagtanong si Nicodemus, “Paanong maipapanganak muli ang isang taong matanda na? Hindi na siya pwedeng bumalik sa tiyan ng kanyang ina upang ipanganak muli.” 5 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios ang hindi ipinanganak sa pamamagitan ng tubig at Banal na Espiritu. 6 Ang ipinanganak sa pamamagitan ng tao ay may pisikal na buhay, ngunit ang ipinanganak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay nagkakaroon ng bagong buhay na espiritwal. 7 Kaya huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo na kailangang ipanganak kayong muli. 8 Ang hangin ay umiihip kung saan nito gusto. Naririnig natin ang ihip nito, ngunit hindi natin alam kung saan nanggagaling o saan pupunta. Ganoon din ang sinumang ipanganak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.” 9 Nagtanong si Nicodemus, “Paano pong mangyayari iyon?” 10 Sumagot si Jesus, “Isa kang tanyag na tagapagturo sa Israel, pero hindi mo ito alam? 11 Sinasabi ko sa iyo ang totoo, ipinapahayag namin ang nalalaman at nasaksihan namin, ngunit hindi ninyo tinatanggap. 12 Kung hindi kayo naniniwala sa mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa kaya kayo maniniwala sa mga sasabihin ko tungkol sa mga bagay sa langit? 13 Walang sinumang nakapunta sa langit maliban sa akin na Anak ng Tao na nagmula sa langit.”
14 Sinabi pa ni Jesus, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas na tanso sa ilang ay ganoon din naman, ako na Anak ng Tao ay dapat ding itaas,[b] 15 upang ang sinumang sumasampalataya sa akin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
16 “Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay niya ang kanyang Bugtong[c] na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat hindi sinugo ng Dios ang kanyang Anak dito sa mundo upang hatulan ng parusa ang mga tao, kundi upang iligtas sila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®