Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:113-128

113 Kinamumuhian ko ang mga taong hindi tapat sa inyo,
    ngunit iniibig ko ang inyong mga kautusan.
114 Kayo ang aking kanlungan at pananggalang;
    akoʼy umaasa sa inyong mga salita.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama,
    upang masunod ko ang mga utos ng aking Dios.
116 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kalakasan ayon sa inyong pangako
    upang ako ay patuloy na mabuhay;
    at huwag nʼyong hayaan na mabigo ako sa pag-asa ko sa inyo.
117 Tulungan nʼyo ako upang ako ay maligtas;
    at nang lagi kong maituon sa inyong mga tuntunin ang aking isipan.
118 Itinakwil nʼyo ang lahat ng lumayo sa inyong mga tuntunin.
    Sa totoo lang, ang kanilang panloloko ay walang kabuluhan.
119 Itinuturing nʼyo na parang basura ang lahat ng masasama rito sa mundo,
    kaya iniibig ko ang inyong mga turo.
120 Nanginginig ako sa takot sa inyo;
    sa hatol na inyong gagawin ay natatakot ako.

121 Ginawa ko ang matuwid at makatarungan,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan sa aking mga kaaway.
122 Ipangako nʼyong tutulungan nʼyo ako na inyong lingkod;
    huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.
123 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.
124 Gawin nʼyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal,
    at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
125 Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa,
    upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.
126 Panginoon, ito na ang panahon upang kayo ay kumilos,
    dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.
127 Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos,
    nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.
128 Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin,
    kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.

1 Samuel 19:8-17

Muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, at buong lakas na pinamunuan ni David ang mga tauhan niya sa pakikipaglaban. Sinalakay nila David nang buong lakas ang mga Filisteo kaya natalo ang mga ito at nagsitakas.

Isang araw, habang nakaupo si Saul sa kanyang bahay at may hawak na sibat, sinaniban na naman siya ng masamang espiritu na ipinadala ng Panginoon. Habang tumutugtog si David ng alpa, 10 sinubukang itusok ni Saul si David sa dingding sa pamamagitan ng pagsibat dito pero nakaiwas si David. Kinagabihan, tumakas si David.

11 Nagpadala naman ng mga tauhan si Saul para magmanman sa bahay ni David at para patayin ito kinaumagahan. Pero binalaan si David ng kanyang asawang si Mical, “Kung hindi ka tatakas ngayong gabi, papatayin ka bukas.” 12 Kaya tinulungan niyang makababa si David sa bintana, at tumakas si David. 13 Kumuha naman si Mical ng isang dios-diosan, at inihiga sa kama. Kinumutan niya ito, at binalot ng balahibo ng kambing ang ulo nito.

14 Nang dumating ang mga taong ipinadala ni Saul para hulihin si David, sinabi sa kanila ni Mical na may sakit ito at hindi kayang bumangon sa higaan. 15 Nang ibinalita nila ito kay Saul, pinabalik sila ni Saul para tingnan nila mismo si David, at sinabihan ng ganito, “Dalhin ninyo siya sa akin na nakahiga sa kanyang higaan para mapatay ko siya.” 16 Pero nang pumasok sila sa bahay ni David, nakita nila na ang nakahiga ay isang dios-diosan na may balahibo ng kambing sa ulo.

17 Sinabi ni Saul kay Mical, “Bakit mo ako niloko, at pinatakas ang aking kaaway?” Sumagot si Mical, “Sinabi niya sa akin na papatayin niya ako kapag hindi ko siya tinulungang makatakas.”

Marcos 6:45-52

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)

45 Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa bayan ng Betsaida, sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. 46 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siya sa isang bundok upang manalangin. 47 Nang gumabi na, nasa laot na ang bangka at siya na lang ang naiwan. 48 Nakita niyang hirap sa pagsagwan ang mga tagasunod niya, dahil salungat sila sa hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Lalampasan na lang sana niya sila, 49-50 pero nakita siya ng mga tagasunod niya na lumalakad sa ibabaw ng tubig. Natakot sila at nagsigawan, dahil akala nila ay multo siya. Pero nagsalita agad si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” 51 Sumakay siya sa bangka at biglang tumigil ang malakas na hangin. Namangha sila nang husto, 52 dahil hindi pa rin sila nakakaunawa kahit nakita na nila ang himalang ginawa ni Jesus sa tinapay. Ayaw nilang maniwala dahil matigas ang puso nila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®