Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Samuel 17:1

Si David at si Goliat

17 Tinipon ng mga Filisteo ang mga sundalo nila sa Soco na sakop ng Juda para makipagdigma. Nagkampo sila sa Efes Damim, sa gitna ng Soco at Azeka.

1 Samuel 17:4-11

Ngayon, may isang mahusay at matapang na mandirigmang taga-Gat na ang pangalan ay Goliat. Lumabas siya sa kampo ng mga Filisteo, at lumapit sa kampo ng mga Israelita. May siyam na talampakan[a] ang kanyang taas. Tanso ang helmet niya at tanso rin ang kanyang panangga sa dibdib na tumitimbang ng 60 kilo. Tanso rin ang nakabalot sa kanyang binti at hita, at may tansong sibat na nakasukbit sa kanyang balikat. Ang hawakan naman ng kanyang sibat ay mabigat at makapal; ang dulo nitoʼy tumitimbang ng pitong kilo. Nasa unahan naman niya ang tagapagdala ng kanyang kalasag.

Huminto si Goliat at sumigaw sa mga Israelita, “Kailangan nʼyo pa ba ng buong hukbo para makipaglaban? Ako ang Filisteo at kayo ang mga utusan ni Saul. Pumili na lang kayo ng isang taong kakatawan sa inyo na lalaban sa akin. Kung mapapatay niya ako, magpapaalipin kami sa inyo; pero kung mapapatay ko siya, magpapaalipin kayo at maglilingkod sa amin. 10 Ngayon, hinahamon ko kayo! Papuntahin ninyo rito ang makikipaglaban sa akin.” 11 Nang marinig ito ni Saul at ng mga Israelita, natakot sila nang husto.

1 Samuel 17:19-23

19 Naroon sila ngayon sa Lambak ng Elah at nakikipaglaban sa mga Filisteo kasama ni Saul at ng iba pang mga Israelita.” 20 Kaya kinabukasan, madaling-araw pa lang ay bumangon na si David at inihanda ang mga pagkaing dadalhin niya. Iniwan niya ang mga tupa sa isang pastol at siyaʼy umalis ayon sa iniutos ni Jesse. Nang dumating siya sa kampo ng mga Israelita, palabas na ang mga sundalong nagsisigawan para makipaglaban. 21 Maya-maya, magkaharap na ang mga Israelita at mga Filisteo na handa nang maglaban. 22 Iniwan ni David ang mga dala-dala niya sa tagapag-asikaso ng mga kailangan ng hukbo, at tumakbo siya sa lugar ng labanan at kinamusta ang mga kapatid niya. 23 Habang kinakausap niya sila, lumabas si Goliat, ang mahusay na mandirigma na taga-Gat, at pumunta sa unahan ng mga Filisteo, at hinamon na naman niya ang mga Israelita. Narinig ito ni David.

1 Samuel 17:32-49

32 Pagdating ni David, sinabi niya kay Saul, “Wala po ni isa man sa atin ang dapat na panghinaan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako na po na inyong lingkod ang makikipaglaban sa kanya.” 33 Sumagot si Saul, “Hindi mo kayang makipaglaban sa kanya. Bata ka pa, habang siyaʼy mandirigma na mula pa sa kanyang pagkabata.” 34 Pero sumagot si David, “Matagal na po akong nagbabantay sa mga tupa ng aking ama. Kung may leon o oso na tatangay sa mga tupa, 35 tinutugis ko po ito at binubugbog, at kinukuha ang tupa. Kung lalaban ito hinuhuli ko ito sa leeg[a] at hinahampas hanggang sa mamatay. 36 Nagawa ko po ito sa mga leon at oso, at gagawin ko rin ito sa Filisteong iyon na hindi nakakakilala sa Dios dahil hinahamon po niya ang mga sundalo ng buhay na Dios. 37 Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga leon at oso ang siya ring magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong iyon.”

Sinabi ni Saul kay David, “Sige, lumakad ka na. Patnubayan ka sana ng Dios.” 38 Ibinigay niya at ipinasuot kay David ang mga kasuotan niyang pandigma – ang tansong helmet at panangga sa dibdib. 39 Pagkatapos, isinukbit ni David ang espada ni Saul at sinubukang lumakad. Ngunit, dahil hindi pa siya sanay na gumamit ng mga ito, sinabi niya kay Saul, “Hindi po ako makikipaglaban na suot ang mga ito, hindi po ako sanay.” Kaya hinubad niya ang lahat ng ito. 40 Pagkatapos, kinuha niya ang kanyang tungkod, pumulot ng limang makikinis na bato sa sapa at inilagay sa balat na lalagyan. Dala-dala ang kanyang tirador, lumapit siya kay Goliat.

41 Lumapit si Goliat kay David na pinangungunahan ng tagapagdala niya ng armas. 42 Nang makita niyang binatilyo lamang si David, magandang lalaki at may mamula-mulang pisngi, hinamak niya ito. 43 Sinabi niya kay David, “Aso ba ako at patpat iyang dala-dala mo?” At isinumpa niya si David sa ngalan ng kanyang mga dios. 44 Sinabi pa niya, “Lumapit ka rito at ipapakain ko ang bangkay mo sa mga ibon at sa mababangis na hayop!” 45 Sumagot si David, “Makikipaglaban ka sa akin na ang dalaʼy espada, sibat, at punyal, pero lalabanan kita sa pangalan ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng hukbo ng Israel na iyong hinahamon. 46 Sa araw na ito ibibigay ka sa akin ng Panginoon. Papatayin at pupugutan kita ng ulo. Ngayong araw ding ito, ang mga bangkay ng mga kasama mong Filisteo ay ipapakain ko sa mga ibon at mababangis na hayop, at malalaman ng buong mundo na may Dios ang Israel. 47 Malalaman ng lahat ng nagkakatipon dito na kayang iligtas ng Panginoon ang kanyang bayan kahit na walang espada o sibat. Sapagkat ang Panginoon ang makikipaglaban at ibibigay niya kayong lahat sa amin.”

48 Habang lumalapit si Goliat sa kanya, patakbo naman siyang sinalubong ni David. 49 Kumuha siya ng bato sa kanyang lalagyan at tinirador sa noo si Goliat. Tumama ito at bumaon sa noo ni Goliat at natumba siya nang padapa sa lupa.

1 Samuel 17:57-18:5

57 Nang bumalik si David sa kampo nila matapos niyang mapatay si Goliat, dinala siya ni Abner kay Saul. Bitbit pa niya ang ulo ni Goliat. 58 Tinanong siya ni Saul, “Kanino kang anak, binata?” Sumagot si David, “Anak po ako ng inyong lingkod na si Jesse na taga-Betlehem.”

Ang Pagkakaibigan ni David at Jonatan

18 Matapos makipag-usap ni David kay Saul, nakilala niya ang anak nitong si Jonatan. Naging matalik silang magkaibigan at mahal na mahal ni Jonatan si David gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David sa kanilang bahay. Sumumpa si Jonatan kay David na magiging magkaibigan sila sa habang panahon dahil mahal niya si David gaya ng kanyang sarili. At bilang patunay ng kanyang pangako, hinubad niya ang kanyang balabal at ibinigay kay David, kasama ang kanyang pamigkis, espada, pana at sinturon.

Napagtagumpayan ni David ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Saul, kaya siyaʼy ginawa nitong pinuno ng buong hukbo. Nagustuhan ito ng mga mamamayan pati na rin ng mga opisyal ni Saul.

1 Samuel 18:10-16

10-11 Kinabukasan, pinasukan si Saul ng masamang espiritu na ipinadala ng Dios, at umasta siya na parang baliw sa loob ng kanilang bahay. Tumutugtog si David ng alpa gaya ng ginagawa niya bawat araw. May hawak noon na sibat si Saul, at dalawang beses niyang sinibat si David. Ang balak niyaʼy itusok si David sa dingding, pero nakailag si David at nakatakas. 12 Natatakot si Saul kay David dahil sinasamahan ito ng Panginoon samantalang siya namaʼy pinabayaan na ng Panginoon. 13 Kaya para malayo sa kanya si David, ginawa niya itong kumander ng 1,000 sundalo, at pinamunuan ito ni David nang buong lakas sa digmaan.

14 Nagtagumpay si David sa lahat ng ginagawa niya dahil kasama niya ang Panginoon. 15 Nang malaman ni Saul kung gaano katagumpay si David, lalo pa siyang natakot. 16 Pero lalo namang napamahal ang buong Israel at Juda kay David, dahil pinamumunuan niya sila sa mga labanan.

Salmo 9:9-20

Panginoon, kayo ang kanlungan ng mga inaapi,
    at kublihan sa panahon ng kahirapan.
10 Sa inyo nagtitiwala ang nakakakilala sa inyo,
    dahil hindi nʼyo itinatakwil ang mga lumalapit sa inyo.

11 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon na hari ng Jerusalem!
    Ihayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa!
12 Hindi niya nakakalimutan ang panawagan ng mga pinahihirapan;
    pinaghihigantihan niya ang mga nagpapahirap sa kanila.

13 Panginoon, tingnan nʼyo po ang pagpapahirap sa akin ng aking mga kaaway.
    Maawa kayo sa akin, at iligtas nʼyo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang masabi ko sa lahat ng tao sa pintuan ng Zion,[a] ang inyong mga ginawa,
    at akoʼy magagalak at magpupuri dahil sa inyong pagliligtas.

15 Nangyari mismo sa kanilang bansa ang plinano nilang masama.
    At sila mismo ang nahuli sa sarili nilang bitag.
16 Ipinakita ng Panginoon kung sino siya sa pamamagitan ng paghatol niya ng matuwid.
    At ang masasama ay napahamak,
    dahil na rin sa kanilang ginawang masama.
17 Mamamatay ang taong masasama sa lahat ng bansa,
    dahil itinakwil nila ang Dios.
18 Ang mga dukha ay hindi laging pababayaan,
    at ang pag-asa ng mga mahihirap ay hindi na mawawala kailanman.

19 O Panginoon, huwag nʼyong pabayaang manaig ang kakayahan ng mga tao,
    tipunin nʼyo sa inyong presensya at hatulan ang mga taong hindi kumikilala sa inyo.
20 Turuan nʼyo silang matakot Panginoon,
    at nang malaman nilang silaʼy mga tao lamang.

Salmo 133

Pagsasamahang may Pagkakaisa

133 Napakagandang tingnan ang mga mamamayan ng Dios na namumuhay nang may pagkakaisa.
Itoʼy parang mamahaling langis na ibinuhos sa ulo ni Aaron na dumaloy sa kanyang balbas at kwelyo ng damit.
Katulad din ito ng hamog sa Bundok ng Hermon na umaabot sa Bundok ng Zion.
    At dito sa Zion ay nangako ang Panginoon na magbibigay nang pagpapala, at itoʼy ang buhay na walang hanggan.

2 Corinto 6:1-13

Bilang mga katuwang sa gawain ng Dios, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong balewalain ang biyaya ng Dios na inyong natanggap. Sapagkat sinabi ng Dios,

    “Dininig kita sa tamang panahon,
    at tinulungan kita sa araw ng kaligtasan.”

Kaya makinig kayo! Ngayon na ang tamang panahon! Ngayon na ang araw ng kaligtasan.

Hindi kami gumagawa ng kahit ano na ikatitisod ng ibang tao, para hindi mapintasan ang paglilingkod namin sa Dios. Sa lahat ng aming ginagawa, sinisikap naming ipakita na kami ay totoong mga lingkod ng Dios. Tinitiis namin anumang hirap, pasakit, at kagipitan. Nakaranas kami ng pambubugbog, pagkakakulong, at panggugulo ng mga tao. Nagsikap kami nang husto, at kung minsan ay wala pang tulog at wala ring pagkain. Pinatunayan namin sa lahat na kami ay mga tunay na lingkod ng Dios sa pamamagitan ng aming malinis na pamumuhay, kaalaman, pagtitiyaga, kagandahang-loob, sa pamamagitan ng patnubay ng Banal na Espiritu sa amin, sa tapat na pag-ibig at pananalita, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios. Ang matuwid naming pamumuhay ang aming sandata na panlaban at pananggalang sa kaaway. Bilang mga lingkod ng Dios, naranasan naming parangalan at siraan ng kapwa, purihin ng iba at laitin ng iba. Pawang katotohanan ang aming mga sinasabi, ngunit itinuturing kaming mga sinungaling. Kami ay tanyag, ngunit hindi kinikilala; lagi kaming nasa bingit ng kamatayan, ngunit buhay pa rin hanggang ngayon. Dinidisiplina kami ng Dios pero hindi pinapatay. 10 May mga nagpapalungkot sa amin, ngunit lagi pa rin kaming masaya. Mahirap lang kami, ngunit marami kaming pinapayaman. Kung tungkol sa mga bagay dito sa mundo, wala kaming masasabing amin, ngunit ang totoo, kami ang nagmamay-ari sa lahat ng mga bagay.

11 Mga taga-Corinto, naging tapat kami sa aming pananalita sa inyo, dahil mahal na mahal namin kayo. 12 Hindi kami nagkulang sa pagmamahal sa inyo. Kayo ang nagkulang sa pagmamahal sa amin. 13 Nakikiusap ako sa inyo tulad ng isang ama sa kanyang mga anak: Mahalin ninyo ako tulad ng pagmamahal ko sa inyo.

Marcos 4:35-41

Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon(A)

35 Kinagabihan, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” 36 Kaya iniwan ng mga tagasunod niya ang mga tao at sumakay na rin sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus. May mga bangka ring sumunod sa kanila. 37 Habang naglalayag sila, biglang lumakas ang hangin. Hinampas ng malalaking alon ang bangka nila at halos mapuno na ito ng tubig. 38 Si Jesus ay nasa hulihan ng bangka at natutulog ng nakaunan. Ginising siya ng mga tagasunod niya, “Guro, malulunod na tayo! Balewala lang ba ito sa inyo?” 39 Kaya bumangon si Jesus at pinatigil ang hangin at mga alon. Sinabi niya, “Tigil! Kumalma kayo!” Tumigil nga ang hangin at kumalma ang dagat. 40 Tinanong niya ang mga tagasunod niya, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananampalataya sa akin?” 41 Takot na takot sila at nag-usap-usap, “Sino kaya ang taong ito na kahit ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®