Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 139:1-6

Lubos ang Kaalaman at Paglingap ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

139 Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
    ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
    kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
    ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y
    alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
    ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay,
    di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.

Mga Awit 139:13-18

13 Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha,
    sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
14 Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
    ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;
    sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
15 Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
    sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
16     Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
    pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,
    matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
17 Tunay,(A) Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip,
    ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
18 kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin,
    sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.

1 Samuel 1:1-18

Si Elkana at ang Kanyang Pamilya

Sa Ramataim-zofim, isang bayan sa kaburulan ng Efraim ay may nakatirang lalaki na nagngangalang Elkana. Siya'y anak ni Jeroham at apo ni Elihu na mula sa sambahayan ni Tohu at mula sa angkan ni Zuf na Efrateo. Dalawa ang asawa ni Elkana, sina Ana at Penina. May mga anak si Penina ngunit si Ana ay wala. Taun-taon, pumupunta si Elkana sa Shilo upang sumamba at mag-alay ng mga handog kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Naglilingkod doon bilang mga pari ni Yahweh ang mga anak ni Eli na sina Hofni at Finehas. Tuwing maghahandog si Elkana, binibigyan niya ng tig-iisang bahagi si Penina at ang mga anak nito. Ngunit mga natatanging bahagi ang ibinibigay niya kay Ana sapagkat mahal na mahal niya ito bagama't[a] hindi ipinahintulot ni Yahweh na ito'y magkaanak. Si Ana ay palaging kinukutya ni Penina dahil hindi niloob ni Yahweh na magkaroon siya ng anak. Ito'y ginagawa ni Penina taun-taon, tuwing pupunta sila sa bahay ni Yahweh. Labis naman itong dinaramdam ni Ana kaya't napapaiyak siya at hindi makakain. Kaya't nilalapitan siya ni Elkana at tinatanong, “Ana, bakit umiiyak ka na naman at ayaw mong kumain? Bakit ka nalulungkot? Hindi pa ba ako higit kaysa sa sampung anak na lalaki para sa iyo?”

Nanalangin si Ana

Minsan, matapos silang kumain sa Shilo, malungkot na pumunta si Ana at nanalangin sa bahay ni Yahweh. Nagkataong nakaupo sa may pintuan ng bahay ni Yahweh ang paring si Eli. 10 Buong pait na lumuluha si Ana at taimtim na nanalangin kay Yahweh. 11 Ganito(A) ang kanyang panalangin: “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, kung papakinggan ninyo ang inyong abang lingkod at inyo pong kahahabagan, kung hindi ninyo ako pababayaan, sa halip ay pagkakalooban ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo at habang buhay na siya'y nakalaan sa inyo; hindi ko ipapaputol ang kanyang buhok.”

12 Habang nananalangin si Ana, ang bibig niya'y pinagmamasdan ni Eli. 13 Gumagalaw ang kanyang mga labi ngunit hindi naririnig ang kanyang tinig sapagkat siya'y nananalangin lamang sa sarili. Dahil dito, inakala ni Eli na siya'y lasing. 14 Kaya, lumapit ito at sinabi sa kanya, “Tama na 'yang paglalasing mo! Tigilan mo na ang pag-inom ng alak at magpakatino ka na!”

15 “Hindi po ako lasing,” sagot ni Ana. “Ni hindi po ako tumitikim ng alak. Ang damdamin ko po'y naghihirap at idinudulog ko kay Yahweh ang aking kalagayan. 16 Huwag po sana ninyong isipin na ang inyong lingkod ay masamang babae. Ipinapahayag ko lamang ang matinding paghihirap ng aking damdamin.”

17 Dahil dito, sinabi ni Eli, “Ipanatag mo ang iyong sarili at umuwi ka na. Ang Diyos ng Israel ang tutugon sa iyong kahilingan.”

18 Sumagot si Ana, “Magkatotoo po sana ang inyong sinabi tungkol sa akin.” Pagkasabi niyon, bumalik sa kanilang tinutuluyan at kumaing wala na ang bigat ng kanyang kalooban.

Mga Gawa 25:1-12

Naghabol si Pablo sa Emperador

25 Dumating si Festo sa lalawigang pangangasiwaan niya at pagkaraan ng tatlong araw, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea. Lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio, at idinulog ang kanilang reklamo laban kay Pablo. Dahil may balak silang tambangan at patayin si Pablo, nagmakaawa sila sa gobernador na ipatawag ito sa Jerusalem. Sumagot si Festo, “Si Pablo'y nakabilanggo sa Cesarea at babalik ako roon sa madaling panahon. Pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno, kung totoong may kasalanan siya, saka ninyo siya isakdal.”

Nagpalipas pa si Festo ng walo o sampung araw sa Jerusalem, saka bumalik sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at nag-utos na iharap sa kanya si Pablo. Pagdating ni Pablo, pinaligiran siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem. Nagharap sila ng maraming mabibigat na paratang laban sa kanya, ngunit hindi nila napatunayan ang mga iyon. Sinabi ni Pablo bilang pagtatanggol sa sarili, “Wala akong ginawang labag sa Kautusan ng mga Judio, ni laban sa Templo, o sa Emperador.”

Nais ni Festo na pagbigyan ang mga Judio, kaya't tinanong niya si Pablo, “Nais mo bang pumunta sa Jerusalem upang doon kita litisin?”

10 Sumagot si Pablo, “Naririto ako sa harap ng hukuman ng Emperador; dito ako dapat litisin. Wala akong nagawang pagkakasala sa mga Judio at iyan ay nalalaman ninyo. 11 Kung ako ay lumabag sa batas o nakagawa ng anumang bagay na dahil dito'y dapat akong parusahan ng kamatayan, hindi ako tututol. Ngunit kung walang katotohanan ang mga paratang nila sa akin, hindi ako dapat ibigay sa kanila. Sa Emperador ako dudulog.”

12 Sumangguni si Festo sa kanyang mga tagapayo, at pagkatapos ay sinabi, “Yamang sa Emperador mo gustong dumulog, sa Emperador ka pupunta.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.