Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 93

Ang Diyos ang Hari

93 Si Yahweh ay naghahari, na ang suot sa katawan
    ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan.
Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig,
    kahit ano ang gawin pa'y hindi ito mayayanig.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una,
    bago pa ang kasaysayan, ika'y likas na naro'n na.

Tumataas nga, O Yahweh, ang tubig ng mga ilog,
    lumalakas ang lagaslas habang sila'y umaagos;
    maingay na mga alon katulad ay pagkalabog.
Parang tubig na marami, ang buhos ay parang kulog,
    malakas pa kaysa alon ng dagat na mayro'ng unos;
    higit pa sa mga ito si Yahweh na dakilang Diyos.

Walang hanggan, O Yahweh, ang lahat ng tuntunin mo,
    sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.

Deuteronomio 11:1-17

Ang Pagpapala ng Pagsunod kay Yahweh

11 “Kaya nga, ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at sundin ninyong lagi ang lahat ng kanyang bilin, tuntunin, batas, at utos. Tandaan ninyo ngayon ang kanyang mga pagtutuwid sa inyo. Alam ninyo ito sapagkat nasaksihan mismo ninyo (hindi tulad ng inyong mga anak na hindi dumaan sa mga ito). Nakita ninyo ang kanyang kadakilaan at kapangyarihan, ang(A) mga kababalaghan, at lahat ng ginawa niya sa Faraon at sa buong Egipto. Nasaksihan(B) din ninyo ang ginawa niya sa buong hukbo ng Egipto pati sa kanilang mga karwahe't kabayo; nilunod sila ni Yahweh sa Dagat na Pula[a] nang kayo'y habulin nila. Hindi rin kaila sa inyo ang ginawa niya nang kayo'y nasa ilang hanggang makarating kayo sa lugar na ito. Nakita(C) ninyo ang ginawa niya kina Datan at Abiram, mga anak ni Eliab at apo ni Ruben. Pinabuka ni Yahweh ang lupa at ipinalamon sila nang buháy, pati na ang kanilang mga kasama at sambahayan, at lahat ng bagay na kaugnay ng kanilang ginawa. Kitang-kita ng inyong mga mata ang lahat ng mga kababalaghang ginawa ni Yahweh.

Ang mga Pagpapala sa Lupang Pangako

“Kaya't sundin ninyo ang lahat ng utos niya na ipinapaalala ko sa inyo ngayon upang magkaroon kayo ng lakas na sakupin at ariin ang lupaing papasukin ninyo. Dahil dito, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno, at sa kanilang magiging lahi—ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Ang lupaing titirhan ninyo ay hindi tulad ng lupaing iniwan ninyo sa Egipto. Doon, ang hinahasikan ninyo ay kailangang patubigan at diligin tulad ng hardin. 11 Ngunit ang lupaing pupuntahan ninyo ay laging inuulan, maraming burol at malawak ang mga kapatagan. 12 Ang lupaing iyon ay palaging inaalagaan at binabantayan ng Diyos ninyong si Yahweh.

13 “Kaya(D) nga, kung susundin lamang ninyo ang utos na sinasabi ko sa inyo ngayon: Ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at paglingkuran nang buong puso't kaluluwa, 14 sa tamang panahon ay pauulanin niya sa lupaing iyon, at magiging sagana kayo sa pagkain, inumin at langis. 15 Pananatilihin niyang sariwa ang damo para sa inyong mga alagang hayop upang kayo'y sumagana sa lahat ng bagay. 16 Ngunit mag-ingat kayo! Huwag kayong padadaya. Huwag kayong sasamba ni maglilingkod sa mga diyus-diyosan. 17 Kapag tinalikuran ninyo si Yahweh, kapopootan niya kayo. Isasara niya ang langit at hindi ito pauulanin. Kapag nangyari ito, mamamatay ang inyong mga pananim, at malilipol kayo sa mabuting lupaing ibinigay niya sa inyo.

1 Timoteo 6:13-16

13 Iniuutos(A) ko sa iyo, sa harapan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa harapan ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo sa harap ni Poncio Pilato, 14 sundin mong mabuti nang may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo. 15 Siya'y darating sa panahong itinakda ng mapagpala at makapangyarihang Diyos, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang walang kamatayan, at nananatili sa liwanag na di matitigan. Walang taong nakakita, o makakakita sa kanya. Sa kanya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Amen.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.