Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 98

Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo

98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
    pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
    walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
    sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
    tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!

Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
    si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
    at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
    magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.

Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
    umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
    umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.

Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
    taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.

Isaias 42:5-9

Ang(A) Diyos na si Yahweh ang lumikha ng kalangitan,
    nilikha rin niya ang lupa at nagbigay-buhay sa lahat ng bagay dito sa daigdig,
kaya't sinabi ng Diyos na si Yahweh sa kanyang lingkod,
“Akong(B) si Yahweh ang tumawag sa iyo sa katuwiran,
    binigyan kita ng kapangyarihan upang pairalin ang katarungan sa daigdig.
Sa pamamagitan mo ay gagawa ako ng kasunduan sa lahat ng tao,
    at sa pamamagitan mo'y dadalhin ko ang liwanag sa lahat ng bansa.
Ikaw ang magbubukas sa mga mata ng mga bulag
    at magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman.
Ako si Yahweh; 'yan ang aking pangalan;
    walang makakaangkin ng aking karangalan;
    ang papuri'y sa akin, hindi sa diyus-diyosan.
Ang mga dating pahayag ko ay natupad na.
Mga bagong bagay ang sasabihin ko ngayon bago pa mangyari ang mga ito.”

Mga Gawa 10:34-43

Nangaral si Pedro

34 At(A) nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang nauunawaan na walang itinatangi ang Diyos. 35 Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit tagasaan mang bansa. 36 Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na siyang Panginoon ng lahat! 37 Alam ninyo ang pangyayaring naganap sa buong lupain ng mga Judio, na nagsimula sa Galilea pagkatapos na ipangaral ni Juan ang mensahe tungkol sa bautismo. 38 Alam ninyo ang tungkol kay Jesus na taga-Nazaret at kung paanong pinili siya ng Diyos at pinuspos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan. Alam din ninyo na pumunta siya sa iba't ibang dako upang gumawa ng kabutihan sa mga tao at pagalingin ang lahat ng pinapahirapan ng diyablo. Nagawa niya ang mga ito sapagkat kasama niya ang Diyos.

39 “Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila; siya ay ipinako nila sa krus[a]. 40 Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang ipakita ang sarili, 41 hindi sa lahat ng tao, kundi sa amin na mga pinili ng Diyos bilang mga saksi na nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya'y muling mabuhay. 42 Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay. 43 Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.