Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
31 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong kasunduan sa mga taga-Israel at taga-Juda. 32 At hindi ito katulad ng unang kasunduan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno noong pinatnubayan ko sila sa paglabas sa Egipto. Kahit na akoʼy parang asawa nila, hindi nila tinupad ang una naming kasunduan.”
33 Sinabi pa ng Panginoon, “Ito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa mga mamamayan ng Israel pagdating ng araw na iyon: Itatanim ko sa isipan nila ang utos ko, at isusulat ko ito sa mga puso nila. 34 Hindi na nila kailangan pang turuan ang mga kababayan o kapatid nila na kilalanin ang Panginoon. Sapagkat kikilalanin nila akong lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila. Sapagkat patatawarin ko ang kasamaan nila at lilimutin ko na ang mga kasalanan nila.”
Paghingi ng Kapatawaran sa Dios
51 O Dios, kaawaan nʼyo po ako
ayon sa inyong tapat na pagmamahal.
At ayon sa inyong labis na pagmamalasakit sa akin,
ang lahat ng pagsuway ko ay inyong pawiin at akoʼy patawarin.
2 Hugasan nʼyo ako, at linisin nʼyo nang lubos sa aking kasamaan,
3 dahil inaamin ko ang aking mga pagsuway,
at lagi kong iniisip ang aking mga kasalanan.
4 Tanging sa inyo lamang ako nagkasala.
Gumawa ako ng masama sa inyong paningin.
Kaya makatarungan kayo sa inyong pagbibintang sa akin.
Karapat-dapat lang na hatulan nʼyo ako.
5 Akoʼy makasalanan at masama mula pa noong akoʼy isinilang,
kahit noong ipinaglilihi pa lang ako.
6 Ang nais nʼyo ay isang pusong tapat,
kung kayaʼt ipagkaloob nʼyo sa aking kaloob-looban ang karunungan.
7 Linisin at hugasan nʼyo ako sa aking mga kasalanan
upang lubusang luminis ang pusoʼt kaluluwa ko.[a]
8 Ipadama nʼyo sa akin ang kasiyahan at kaligayahan
upang sa aba kong kalagayan, muling mapasaakin ang kagalakan.
9 Kalimutan nʼyo ang aking mga kasalanan,
at pawiin ang lahat kong kasamaan.
10 Ilikha nʼyo ako ng busilak na puso, O Dios,
at bigyan ako ng bagong espiritu na matapat.
11 Huwag po akong itaboy palayo sa inyong piling,
at ang inyong Banal na Espiritu sa akin ay huwag nʼyo po sanang bawiin.
12 Sanaʼy ibalik sa akin ang kagalakang naramdaman ko noong iniligtas nʼyo ako,
at bigyan nawa ako ng masunuring espiritu.
9 Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay?
Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
10 Buong puso akong lumalapit sa inyo;
kaya tulungan nʼyo akong huwag lumihis sa inyong mga utos.
11 Ang salita nʼyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.
12 Purihin kayo Panginoon!
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
13 Paulit-ulit kong sinasabi ang mga kautusang ibinigay ninyo.
14 Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan,
higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.
15 Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayan
at iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.
16 Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,
at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.
5 Ganoon din naman, hindi si Cristo ang nagparangal sa sarili niya na maging punong pari kundi ang Dios. Sapagkat sinabi sa kanya ng Dios,
“Ikaw ang Anak ko, at ngayon ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.”[a]
6 At sinabi pa ng Dios sa ibang bahagi ng Kasulatan,
“Ikaw ay pari magpakailanman, tulad ng pagkapari ni Melkizedek.”[b]
7 Noong namumuhay pa si Jesus sa mundong ito, umiiyak siyang nananalangin at nagmamakaawa sa Dios na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig naman siya dahil lubos siyang naging masunurin. 8 At kahit Anak siya mismo ng Dios, natutunan niya ang pagiging masunurin sa pamamagitan ng mga pagtitiis na dinanas niya. 9 Naging ganap siya at pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan[c] ng lahat ng sumusunod sa kanya. 10 Kaya itinalaga siya ng Dios na maging punong pari tulad ng pagkapari ni Melkizedek.
May mga Griegong Naghanap kay Jesus
20 May mga Griego ring pumunta sa Jerusalem upang sumamba sa Dios sa kapistahan. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Betsaida sa probinsya ng Galilea. Sinabi nila sa kanya, “Gusto po sana naming makita si Jesus.” 22 Pinuntahan ni Felipe si Andres at sinabi sa kanya ang kahilingan ng mga Griego. Pagkatapos, pinuntahan nila si Jesus at ipinaalam ang kahilingan. 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Dumating na ang oras upang dakilain ako na Anak ng Tao. 24 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, malibang mamatay ang isang butil ng trigong itinanim sa lupa, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, tutubo ito at mamumunga nang marami. 25 Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang hindi nanghihinayang sa buhay niya sa mundong ito alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ang sinumang gustong maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung nasaan ako naroon din dapat siya. Ang sinumang naglilingkod sa akin ay pararangalan ng Ama.”
Ipinahiwatig ni Jesus ang Kanyang Kamatayan
27 Sinabi pa ni Jesus, “Nababagabag ako ngayon. Sasabihin ko ba sa Ama na iligtas niya ako sa nalalapit na paghihirap? Hindi, dahil ito ang dahilan ng pagpunta ko rito.” 28 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa Ama, “Ama, ipakita nʼyo ang inyong kadakilaan.” Isang tinig mula sa langit ang sumagot, “Ipinakita ko na sa pamamagitan mo, at muli ko itong ipapakita.”
29 Nang marinig ng mga taong naroon ang tinig, sinabi nila, “Kumulog!” Pero sinabi naman ng iba, “Kinausap siya ng isang anghel.” 30 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig hindi para sa akin kundi para sa kapakanan ninyo. 31 Dumating na ang paghatol sa mga tao sa mundo. Malulupig na si Satanas na siyang naghahari sa mundong ito. 32 At kapag itinaas na ako mula sa lupa, ilalapit ko ang lahat ng tao sa akin.” 33 (Sinabi ito ni Jesus upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.)
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®