Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 84

Pananabik sa Templo ng Dios

84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
Gustong-gusto kong pumunta roon!
    Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
    Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
    O Dios na buhay.
Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
    kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
    lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
    at nananabik na makapunta sa inyong templo.
Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
    iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
Panginoong Dios na Makapangyarihan,
    Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[c] namin,
    ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
    O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[d]
    O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
    Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
    Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.

Ezra 6:1-16

Pumayag si Haring Darius sa Muling Pagpapatayo ng Templo

Kaya nag-utos si Haring Darius na saliksikin ang mga kasulatang nakatago sa lalagyan ng mga kayamanan doon sa Babilonia. Ngunit sa matatag na lungsod ng Ecbatana, na sakop ng lalawigan ng Media, nakita ang isang nakarolyong kasulatan na may nakasulat na:

“Ang kasulatang ito ay nagpapaalala na sa unang taon ng paghahari ni Cyrus, nag-utos siya na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem kung saan iniaalay ang mga handog. Dapat matibay ang pundasyon nito. At dapat 90 talampakan ang taas at 90 talampakan din ang luwang nito. Ang bawat tatlong patong ng malalaking bato nito ay papatungan ng isang troso. Ang lahat ng gastos ay kukunin sa pondo ng kaharian. Ang mga kagamitang ginto at pilak sa templo ng Dios na dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia ay dapat ibalik sa lalagyan nito sa templo ng Jerusalem.”

Kaya nagpadala si Haring Darius ng mensahe kay Tatenai, na gobernador ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates, kay Shetar Bozenai, at sa mga kapwa nila opisyal sa lalawigang iyon:

“Lumayo kayo riyan sa templo ng Dios. Huwag na ninyong pakialaman ang pagpapatayo nito. Pabayaan nʼyo na lang ang gobernador at ang iba pang mga tagapamahala ng mga Judio sa pagpapatayo nito sa dati nitong kinatatayuan.

“Iniuutos ko rin na tulungan nʼyo ang mga tagapamahala ng mga Judio na mabayaran agad ang lahat ng gastusin para hindi maabala ang pagtatrabaho nila. Kunin nʼyo ang bayad sa pondo ng kaharian na nanggagaling sa mga buwis ng lalawigan ninyo. Dapat nʼyong bigyan araw-araw ang mga pari sa Jerusalem ng mga pangangailangan nila gaya ng batang toro, lalaking tupa, at batang lalaking tupa bilang handog na sinusunog para sa Dios ng kalangitan,[a] pati na rin trigo, asin, katas ng ubas, at langis. Dapat hindi kayo pumalya sa pagbibigay, 10 para makapag-alay sila ng mga handog na makakalugod sa Dios ng kalangitan, at maipanalangin nila ako at ang mga anak ko.

11 “Iniuutos ko rin na ang sinumang hindi tutupad nito ay tutuhugin ng kahoy na tinanggal sa bahay niya, at ang bahay niya ay gigibain hanggang sa wala nang bahagi nito ang maiwang nakatayo.[b] 12 Nawaʼy ang Dios na pumili sa Jerusalem bilang lugar kung saan siya sasambahin, ang siyang lumipol sa kahit sinong hari o kayaʼy bansa na hindi tutupad sa utos na ito at gigiba ng templong ito sa Jerusalem.

“Ako, si Darius, ang nag-utos nito. Dapat itong tuparin.”

Itinalaga ang Templo

13 Tinupad nila Tatenai na gobernador, Shetar Bozenai, at ng mga kasama nila ang utos ni Haring Darius. 14 Kaya patuloy na nagtrabaho ang mga tagapamahala ng mga Judio habang pinapalakas sila ng mga mensahe ng mga propeta na sina Hageo at Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang templo ayon sa utos ng Dios ng Israel na ipinatupad nina Cyrus, Darius, at Artaserses, na magkakasunod na mga hari ng Persia. 15 Natapos ang templo nang ikatlong araw ng ika-12 buwan, na siyang buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Darius.

16 Masayang nagdiwang sa pagtatalaga ng templo ng Dios ang mamamayan ng Israel – ang mga pari, mga Levita, at ang iba pang bumalik galing sa pagkabihag.

Marcos 11:15-19

Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(A)

15 Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo. 16 Pinagbawalan niya ang mga taong may paninda na dumaan sa templo. 17 Pagkatapos, pinangaralan niya ang mga tao roon. Sinabi niya, “Hindi baʼt sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay magiging bahay-panalanginan ng lahat ng bansa’?[a] Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan.”[b]

18 Nabalitaan ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan ang ginawa ni Jesus. Kaya humanap sila ng paraan upang mapatay siya. Pero natatakot sila sa kanya dahil hangang-hanga ang mga tao sa kanyang mga turo.

19 Kinagabihan, umalis si Jesus sa Jerusalem kasama ang mga tagasunod niya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®