Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios
107 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
2 Sabihin ninyo ito, kayo na iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.
3 Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga.
4 May mga taong naglakbay sa ilang;
hindi nila makita ang daan papuntang lundsod na maaari nilang tirhan.
5 Silaʼy nagutom at nauhaw at halos mamatay na.
6 Sa kanilang kahirapan, tumawag sila sa Panginoon,
at iniligtas niya sila sa kagipitan.
7 At pinatnubayan niya sila papunta sa lungsod na matitirahan.
8 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
9 Dahil pinaiinom niya ang mga nauuhaw,
at pinakakain ang mga nagugutom.
10 May mga taong ibinilanggo at kinadenahan na nakaupo sa napakadilim na piitan.
11 Nabilanggo sila dahil nagrebelde sila sa mga sinabi ng Kataas-taasang Dios at hindi sumunod sa kanyang mga payo.
12 Kaya pinahirapan niya sila sa kanilang mabigat na trabaho.
Nabuwal sila ngunit walang sinumang sumaklolo.
13 Sa kanilang kagipitan, silaʼy tumawag sa Panginoon,
at silaʼy kanyang iniligtas.
14 Pinutol niya ang kanilang mga kadena
at silaʼy kinuha niya sa napakadilim na piitan.
15 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
16 Dahil giniba niya ang mga pintuang tanso
at binali ang mga rehas na bakal.
15 Kahit na itinakwil at inusig ka, at walang nagpahalaga sa iyo, gagawin kitang dakila magpakailanman at ikaliligaya ito ng lahat ng salinlahi. 16 Aalagaan ka ng mga bansa at ng kanilang mga hari katulad ng sanggol na pinapasuso ng kanyang ina. Sa ganoon, malalaman mo na ako ang Panginoon, ang iyong Tagapagligtas at Tagapagpalaya, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob. 17 Papalitan ko ang mga kagamitan ng iyong templo. Ang mga tanso ay papalitan ko ng ginto, ang mga bakal ay papalitan ko ng pilak, at ang mga bato ay papalitan ko ng bakal. Iiral sa iyo ang kapayapaan at katuwiran. 18 Wala nang mababalitaang pagmamalupit sa iyong lupain. Wala na ring kapahamakan na darating sa iyo. Palilibutan ka ng kaligtasan na parang pader, at magpupuri sa akin ang mga pumapasok sa iyong pintuan.
19 “Hindi na ang araw ang magiging liwanag mo sa umaga at hindi na ang buwan ang tatanglaw sa iyo sa gabi, dahil ako, ang Panginoon, ang iyong magiging liwanag magpakailanman. Ako, na iyong Dios, ang iyong tanglaw.[a] 20 Ako ang iyong magiging araw at buwan na hindi na lulubog kahit kailan. At mawawala na ang iyong mga pagtitiis. 21 Ang lahat mong mamamayan ay magiging matuwid, at sila na ang magmamay-ari ng lupain ng Israel magpakailanman. Ginawa ko silang parang halaman na itinanim ko para sa aking karangalan. 22 Kakaunti sila, pero dadami sila. Mga kapus-palad sila, pero sila ay magiging makapangyarihang bansa. Ako, ang Panginoon, ang gagawa nito pagdating ng takdang panahon.”
Si Jesus ang Ilaw ng Mundo
12 Muling nagsalita si Jesus sa mga tao, “Ako ang ilaw ng mundo. Ang sumusunod sa akin ay hindi na mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw na nagbibigay-buhay.” 13 Nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Ikaw lang naman ang nagpapatotoo tungkol sa sarili mo, kaya hindi ka paniniwalaan.” 14 Sumagot si Jesus, “Kahit na nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, ang sinasabi ko ay totoo, dahil alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit kayo, hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humahatol kayo ayon sa pamamaraan ng tao, pero ako ay hindi humahatol kaninuman. 16 Kung hahatol man ako ay tama ang hatol ko, dahil hindi ako humahatol nang mag-isa kundi ako at ang Amang nagsugo sa akin. 17 Hindi baʼt nakasulat sa Kautusan ninyo na kapag tugma ang patotoo ng dalawang saksi, nangangahulugang totoo ang kanilang sinasabi? 18 Nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin.” 19 Nagtanong ang mga Pariseo, “Nasaan ba ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi nʼyo ako kilala o ang aking Ama. Kung kilala sana nʼyo ako, makikilala nʼyo rin ang aking Ama.”
20 Ang mga itoʼy sinabi ni Jesus nang nangangaral siya sa templo, malapit sa lalagyan ng mga kaloob. Pero walang nagtangkang dumakip sa kanya dahil hindi pa dumarating ang oras niya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®