Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 21:4-9

Ang Tansong Ahas

Mula sa Bundok ng Hor, naglakbay ang mga Israelita na dumaan sa daan na papunta sa Dagat na Pula para makaikot sila sa lupain ng Edom. Pero nagsawa ang mga tao sa kanilang paglalakbay, kaya nagreklamo sila sa Dios at kay Moises. Sinabi nila, “Bakit ba pinalabas mo pa kami sa Egipto para mamatay lang dito sa disyerto? Walang pagkain at tubig dito! At hindi na kami makakatiis sa nakakasawang ‘manna’ na ito!”

Kaya pinadalhan sila ng Panginoon ng mga makamandag na ahas at pinagkakagat sila, at marami ang nangamatay sa kanila. Pumunta ang mga tao kay Moises at sinabi, “Nagkasala kami nang magsalita kami laban sa Panginoon at sa iyo. Ipanalangin ninyo sa Panginoon na tanggalin niya sa amin ang mga ahas na ito.” Kaya ipinanalangin ni Moises ang mga tao.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Gumawa ka ng tansong ahas at ilagay ito sa dulo ng isang tukod. Ang sinumang nakagat ng ahas na titingin sa tansong ahas na ito ay hindi mamamatay.” Kaya gumawa si Moises ng tansong ahas at inilagay niya ito sa dulo ng isang tukod. At ang mga nakagat ng ahas na tumingin sa tansong ahas ay hindi nga namatay.

Salmo 107:1-3

Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios

107 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
Sabihin ninyo ito, kayo na iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.
Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga.

Salmo 107:17-22

17 May mga naging hangal dahil sa kanilang likong pamumuhay,
    at silaʼy naghirap dahil sa kanilang kasalanan.
18 Nawalan sila nang gana sa kahit anong pagkain at malapit nang mamatay.
19 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
    at iniligtas niya sila.
20 Sa kanyang salita silaʼy nagsigaling
    at iniligtas niya sila sa kamatayan.
21 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
    dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
22 Dapat silang mag-alay ng handog ng pasasalamat sa kanya
    at ihayag ang kanyang mga ginawa nang may masayang pag-aawitan.

Efeso 2:1-10

Binuhay Kayo Kasama ni Cristo

Noong una, itinuring kayong mga patay ng Dios dahil sa mga pagsuway ninyo at mga kasalanan. Namuhay kayong gaya ng mga taong makamundo. Sakop kayo noon ng kapangyarihan ni Satanas, ang hari ng mga espiritung naghahari sa mundo. At siya rin ang espiritung kumikilos sa puso ng mga taong ayaw sumunod sa Dios. Dati, namuhay din tayong katulad nila. Namuhay tayo ayon sa pagnanasa ng laman at sinunod natin ang masasamang hilig ng katawan at pag-iisip. Sa kalagayan nating iyon, kasama rin sana nila tayo na nararapat parusahan ng Dios.

Ngunit napakamaawain ng Dios at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin, na kahit itinuring tayong patay dahil sa mga kasalanan natin, muli niya tayong binuhay kasama ni Cristo. (Kaya naligtas tayo dahil lamang sa biyaya ng Dios.) At dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, binuhay tayo ng Dios mula sa mga patay kasama ni Cristo, para maghari tayong kasama niya sa kaharian sa langit. Ginawa niya ito para maipakita niya sa lahat, sa darating na panahon, ang hindi mapapantayang kasaganaan ng biyaya niya at kabutihan na ibinigay niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Dahil sa biyaya ng Dios, naligtas kayo nang sumampalataya kayo kay Cristo. Kaloob ito ng Dios, at hindi galing sa inyo. Hindi ito nakasalalay sa mabubuti ninyong gawa, para walang maipagmalaki ang sinuman. 10 Nilikha tayo ng Dios; at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, binigyan niya tayo ng bagong buhay, para gumawa tayo ng kabutihan na noon paʼy itinalaga na ng Dios na gawin natin.

Juan 3:14-21

14 Sinabi pa ni Jesus, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas na tanso sa ilang ay ganoon din naman, ako na Anak ng Tao ay dapat ding itaas,[a] 15 upang ang sinumang sumasampalataya sa akin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.

16 “Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay niya ang kanyang Bugtong[b] na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat hindi sinugo ng Dios ang kanyang Anak dito sa mundo upang hatulan ng parusa ang mga tao, kundi upang iligtas sila. 18 Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hahatulan ng kaparusahan, ngunit ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, dahil hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Dios. 19 Hinatulan sila dahil dumating ang Anak ng Dios bilang ilaw dito sa mundo, ngunit mas ginusto nilang manatili sa dilim kaysa sa lumapit sa kanya na nagbibigay-liwanag, dahil masama ang mga ginagawa nila. 20 Ang taong gumagawa ng masama ay ayaw sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, dahil ayaw niyang malantad ang kanyang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa liwanag, upang malaman ng lahat na ang mabubuti niyang gawa ay nagawa niya sa tulong ng Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®