Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ni David.
28 Sa iyo, O Panginoon, ako'y nananawagan,
aking malaking bato, sa aki'y huwag magbingi-bingihan,
baka kung ikaw sa akin ay tumahimik lamang,
ako'y maging gaya nila na bumababa sa Hukay.
2 Pakinggan mo ang tinig ng aking karaingan,
habang ako'y dumaraing ng tulong sa iyo,
habang aking itinataas ang aking mga kamay
sa dako ng kabanal-banalang santuwaryo.
3 Huwag mo akong agawing kasama ng masasama,
na kasama ng mga taong kasamaan ang ginagawa,
na nagsasalita ng kapayapaan sa kanilang mga kapwa,
gayong ang nasa kanilang mga puso ay masamang pakana.
4 Ayon(A) sa kanilang gawa, sila'y iyong pagbayarin,
at ayon sa kasamaan ng kanilang mga gawain.
Gantihan mo sila ng ayon sa gawa ng kanilang mga kamay;
ang karampatang ganti sa kanila'y ibigay.
5 Sapagkat ang mga gawa ng Panginoon, ay hindi nila pinapahalagahan,
ni ang mga gawa ng kanyang mga kamay,
kanyang ibabagsak sila at hindi na sila itatayo kailanman.
6 Ang Panginoon ay purihin!
Sapagkat narinig niya ang tinig ng aking mga daing.
7 Ang Panginoon ang aking lakas at aking kalasag;
sa kanya ang aking puso ay nagtitiwala,
kaya't ako'y natutulungan, at ang aking puso ay nagagalak,
at sa pamamagitan ng aking awit ako sa kanya'y nagpapasalamat.
8 Ang Panginoon ang lakas ng kanyang bayan,
siya ang nagliligtas na kanlungan ng kanyang pinahiran.
9 Iligtas mo ang iyong bayan, at ang iyong pamana ay basbasan,
maging pastol ka nila, at buhatin mo sila magpakailanman.
Ang Dalawang Pastol
4 Ganito ang sabi ng Panginoon kong Diyos: “Ikaw ay maging pastol ng kawan na papatayin.
5 Pinapatay sila ng mga bumili sa kanila at hindi napaparusahan, at silang nagbibili sa kanila ay nagsasabi, ‘Purihin ang Panginoon, ako'y yumaman;’ at ang kanilang sariling mga pastol ay hindi naaawa sa kanila.
6 Sapagkat hindi na ako maaawa sa naninirahan sa lupaing ito, sabi ng Panginoon. Narito, pababagsakin ko ang bawat isa sa kamay ng kanyang kapwa, at bawat isa sa kamay ng kanyang hari; at kanilang dudurugin ang lupain, at wala akong ililigtas mula sa kanilang kamay.”
7 At aking pinastol ang kawan na papatayin, pati ang mga kawawa na nasa kawan. Nagdala ako ng dalawang tungkod; ang isa'y tinawag kong Kabutihang Loob, at ang isa'y tinawag kong Pagkakaisa at pinapanginain ko ang kawan.
8 Sa loob ng isang buwan ay pinatay ko ang tatlong pastol. Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagsawa sa kanila at ang kanilang kaluluwa ay nasuklam din sa akin.
9 Kaya't sinabi ko, “Hindi na ako ang magpapanginain sa inyo. Ang mamamatay ay mamatay; ang mahihiwalay ay mahiwalay; at ang mga naiwan ay lamunin ang laman ng isa't isa.”
10 Hinawakan ko ang aking tungkod na Kabutihang Loob, at binali ko ito upang sirain ang aking tipan na aking ginawa sa lahat ng mga bayan.
11 Kaya't ito ay nawalan ng bisa nang araw na iyon, at ang mga kaawa-awang kawan na nagmamasid sa akin ay nakaalam na iyon ay salita ng Panginoon.
12 At(A) (B) sinabi ko sa kanila, “Kung inaakala ninyong mabuti, ibigay ninyo sa akin ang aking sahod. Ngunit kung hindi, inyo na iyon.” Sa gayo'y kanilang tinimbang bilang aking sahod ang tatlumpung pirasong pilak.
13 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa akin, “Ihagis mo sa magpapalayok”—ang mainam na halaga na inihalaga ko sa kanila. Kaya't aking kinuha ang tatlumpung pirasong pilak at inihagis ito sa magpapalayok sa bahay ng Panginoon.
14 Nang magkagayo'y binali ko ang aking pangalawang tungkod na Pagkakaisa, upang aking sirain ang pagkakapatiran ng Juda at Israel.
15 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Magdala kang muli ng mga kasangkapan ng isang walang kabuluhang pastol.
16 Sapagkat, narito, ako ngayo'y maglalagay ng isang pastol sa lupain na hindi nagmamalasakit sa mga nawawala, ni hahanapin man ang naliligaw, ni pagagalingin ang mga pilay; ni pakakainin ang mga malusog kundi kanyang lalamunin ang laman ng matataba at lulurayin pati ang kanilang mga kuko.
17 Kahabag-habag ang walang kabuluhang pastol
na nag-iiwan ng kawan!
Ang tabak ay darating sa kanyang kamay
at sa kanyang kanang mata!
Matutuyo ang kanyang kamay,
at ang kanyang kanang mata ay lubos na magdidilim!”
Ang Pagsasaya sa Langit
19 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malakas na tinig ng napakaraming tao sa langit, na nagsasabi,
“Aleluia!
Ang kaligtasan, at kaluwalhatian, at kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos.
2 Sapagkat(A) tunay at matuwid ang kanyang mga paghatol;
hinatulan niya ang tanyag na mahalay na babae[a]
na nagpasama sa daigdig sa pamamagitan ng kanyang pakikiapid,
at ipinaghiganti ng Diyos[b] ang dugo ng kanyang mga alipin[c] laban sa babae.”[d]
3 At(B) sa ikalawang pagkakataon ay kanilang sinabi,
“Aleluia!
At ang usok ng babae[e] ay pumailanglang magpakailanpaman.”
4 At nagpatirapa ang dalawampu't apat na matatanda at ang apat na nilalang na buháy, at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono, na nagsasabi,
“Amen. Aleluia!”
Ang Hapunan ng Kasalan ng Kordero
5 At(C) lumabas ang isang tinig sa trono, na nagsasabi,
“Purihin ninyo ang ating Diyos,
kayong lahat na mga alipin niya,
at kayong natatakot sa kanya,
mga hamak at dakila.”
6 Narinig(D) ko ang gaya ng isang tinig ng napakaraming tao, gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng dagundong ng malalakas na kulog na nagsasabi,
“Aleluia!
Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
7 Tayo'y magalak at tayo'y magpakasaya
at ibigay natin sa kanya ang kaluwalhatian,
sapagkat dumating na ang kasal ng Kordero,
at inihanda na ng kanyang magiging asawa ang kanyang sarili.
8 At sa kanya'y ipinagkaloob na magsuot
ng pinong lino, makintab at malinis;”
sapagkat ang pinong lino ay ang matutuwid na gawa ng mga banal.
9 At(E) sinabi ng anghel[f] sa akin, “Isulat mo: Mapapalad ang mga inanyayahan sa hapunan ng kasalan ng Kordero.” At sinabi niya sa akin, “Ito ang mga tunay na salita ng Diyos.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001