Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
7 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito ay pasisimulan kong gawing dakila ka sa paningin ng buong Israel, upang kanilang makilala na kung paanong ako'y kasama ni Moises ay gayon ako sa iyo.
8 Iyong uutusan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, na sinasabi, ‘Kapag kayo'y dumating sa tabi ng tubig ng Jordan ay tumigil kayo sa Jordan.’”
9 Sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, “Lumapit kayo at dinggin ninyo ang mga salita ng Panginoon ninyong Diyos.”
10 At sinabi ni Josue, “Sa ganito ay inyong makikilala na ang buháy na Diyos ay kasama ninyo, at walang pagsalang kanyang itataboy sa harapan ninyo ang mga Cananeo, Heteo, Heveo, Perezeo, Gergeseo, Amoreo, at ang Jebuseo.
11 Narito ang kaban ng tipan ng Panginoon ng buong lupa ay mauuna sa inyo sa Jordan.
12 Ngayon ay kumuha kayo ng labindalawang lalaki sa mga lipi ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.
13 Kapag ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng Panginoon, ang Panginoon ng buong lupa, ay tumuntong sa tubig ng Jordan, ang tubig ng Jordan ay hihinto sa pag-agos, maging ang tubig na bumababang mula sa itaas; at ang mga ito ay tatayo na isang bunton.”
14 At nangyari nang umalis ang bayan sa kanilang mga tolda upang tumawid sa Jordan, nasa unahan ng bayan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan.
15 Nang dumating sa Jordan ang mga may dala ng kaban, at ang mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ay nabasa sa gilid ng tubig, (sapagkat inaapawan ng Jordan ang lahat nitong pampang sa buong panahon ng pag-aani,)
16 ang tubig na bumababa mula sa itaas ay tumigil, at naging isang bunton na malayo sa Adam, ang bayang nasa tabi ng Zaretan, samantalang ang umaagos tungo sa dagat ng Araba, na Dagat ng Asin ay ganap na nahawi. At ang bayan ay tumawid sa tapat ng Jerico.
17 Ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon ay panatag na tumayo sa tuyong lupa sa gitna ng Jordan, samantalang ang buong Israel ay dumaan sa tuyong lupa hanggang sa nakatawid sa Jordan ang buong bansa.
IKALIMANG AKLAT
107 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat magpakailanman ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili.
2 Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon,
na kanyang tinubos mula sa kamay ng kaaway,
3 at tinipon mula sa mga lupain,
mula sa silangan at mula sa kanluran,
mula sa hilaga at mula sa timugan.
4 Sila'y nagsilaboy sa ilang, sa tapunang lugar,
na hindi natagpuan ang daan patungo sa isang bayang matitirahan;
5 gutom at uhaw,
ang kanilang kaluluwa ay nanghina.
6 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
7 Pinatnubayan naman niya sila sa matuwid na daan,
patungo sa isang bayang matatahanan.
33 Kanyang ginawang ilang ang mga ilog,
at tigang na lupa ang mga bukal ng tubig,
34 maalat na ilang ang mabungang lupain,
dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Kanyang ginawang mga lawa ng tubig ang ilang,
at mga bukal ang tuyong lupain.
36 At kanyang pinatitira roon ang gutom,
upang sila'y makapagtatag ng bayang matatahanan;
37 at sila'y maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan,
at magtamo ng mga saganang ani.
9 Natatandaan ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at paghihirap. Gumagawa kami araw at gabi upang huwag kaming maging pasanin sa kaninuman sa inyo. Ipinahayag namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos.
10 Kayo'y mga saksi, at pati ang Diyos, kung gaano kadalisay, matuwid at walang kapintasan ang inasal namin sa inyo na mga mananampalataya.
11 Gaya ng inyong nalalaman, pinakitunguhan namin kayong tulad ng isang ama sa kanyang mga anak,
12 na kayo'y pinangaralan at pinalakas ang loob ninyo, at nagpatotoo, upang kayo'y lumakad nang nararapat sa Diyos, na siyang tumawag sa inyo sa kanyang sariling kaharian at kaluwalhatian.
13 At kami ay patuloy na nagpapasalamat sa Diyos, na nang inyong tanggapin ang salita ng Diyos na inyong narinig sa amin ay inyong tinanggap iyon hindi bilang salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, ay bilang salita ng Diyos, na gumagawa naman sa inyo na sumasampalataya.
Babala Laban sa mga Eskriba at mga Fariseo(A)
23 Pagkatapos ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad,
2 na sinasabi, “Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay umuupo sa upuan ni Moises.
3 Kaya't gawin at sundin ninyo ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang mga ginagawa nila, sapagkat hindi nila ginagawa ang sinasabi nila.
4 Nagtatali sila ng mabibigat na pasanin at mahihirap dalhin,[a] at ipinapatong nila sa mga balikat ng mga tao; ngunit ayaw nila mismong galawin ang mga iyon ng kanilang daliri.
5 Ginagawa(B) nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang makita ng mga tao; sapagkat pinalalapad nila ang kanilang mga pilakteria,[b] at pinahahaba ang mga laylayan ng kanilang mga damit.
6 Gustung-gusto nila ang mararangal na lugar sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga,
7 at ang pagbibigay-galang sa kanila sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, ‘Rabi.’
8 Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabi, sapagkat iisa ang inyong guro, at kayong lahat ay magkakapatid.
9 At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong ama, siya na nasa langit.
10 Ni huwag kayong patawag na mga tagapagturo; sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo.
11 Ang(C) pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo.
12 Sinumang(D) nagmamataas ay ibababa at sinumang nagpapakababa ay itataas.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001