Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 78:1-7

Maskil ni Asaf.

78 O bayan ko, sa aking turo ay makinig;
    ikiling ninyo ang inyong mga tainga sa mga salita ng aking bibig.
Aking(A) bubuksan ang aking bibig sa isang talinghaga;
    ako'y magsasalita ng malalabong pananalita mula pa noong una,
mga bagay na aming narinig at nalaman,
    na sinabi sa amin ng aming mga magulang.
Ang mga iyon sa kanilang mga anak ay hindi namin ikukubli,
    kundi sasabihin sa darating na salinlahi,
ang maluluwalhating gawa ng Panginoon, at ang kanyang kalakasan,
    at ang kanyang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa.

Sa Jacob siya'y nagtatag ng patotoo,
    at sa Israel ay nagtalaga ng kautusan,
na kanyang iniutos sa aming mga magulang,
    upang sa kanilang mga anak ay kanilang ituro naman;
upang malaman ang mga iyon ng susunod na salinlahi,
    ng mga batang di pa ipinapanganak,
na magsisibangon at sasabihin ang mga iyon sa kanilang mga anak,
    upang kanilang ilagak ang kanilang pag-asa sa Diyos,
at hindi malimutan ang mga gawa ng Diyos,
    kundi ingatan ang kanyang mga utos;

Josue 5:10-12

10 Habang(A) ang mga anak ni Israel ay nagkakampo sa Gilgal ay kanilang isinagawa ang paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng buwan sa kinahapunan sa mga kapatagan ng Jerico.

11 Kinabukasan, pagkatapos ng paskuwa, nang araw ding iyon, kanilang kinain ang bunga ng lupain, ang mga tinapay na walang pampaalsa at ang sinangag na trigo.

12 At(B) ang manna ay huminto kinabukasan, pagkatapos na sila'y makakain ng bunga ng lupain; at hindi na nagkaroon pa ng manna ang mga anak ni Israel kundi kanilang kinain ang bunga ng lupain ng Canaan ng taong iyon.

Apocalipsis 8:6-9:12

Ang Pitong Trumpeta

At ang pitong anghel na may pitong trumpeta ay naghanda upang hipan ang mga trumpeta.

Hinipan(A) ng unang anghel ang kanyang trumpeta at umulan ng yelo at apoy na may halong dugo, at itinapon ang mga ito sa lupa. Ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punungkahoy ay nasunog, at ang lahat ng luntiang damo ay nasunog.

Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay itinapon sa dagat.

Ang ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo, namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na may buhay na nasa dagat at ang ikatlong bahagi ng mga barko ay nawasak.

10 Hinipan(B) ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo, at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig.

11 Ang(C) pangalan ng bituin ay Halamang Mapait at ang ikatlong bahagi ng tubig ay naging mapait at maraming tao ang namatay dahil sa tubig, sapagkat ito ay mapait.

12 Hinipan(D) ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta at tinamaan ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng bituin kaya't nagdilim ang ikatlong bahagi nila, at ang ikatlong bahagi ng maghapon ay hindi nagliwanag, at gayundin naman ang gabi.

13 At tumingin ako, at aking narinig ang isang agila, na lumilipad sa gitna ng himpapawid, na nagsasabi ng malakas na tinig, “Kahabag-habag, kahabag-habag, kahabag-habag ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga tunog ng mga trumpeta na malapit nang hipan ng tatlo pang anghel.”

At hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit at sa kanya'y ibinigay ang susi ng hukay ng di-matarok na kalaliman.

Binuksan(E) niya ang hukay ng di-matarok na kalaliman at umakyat ang usok mula sa hukay, na gaya ng usok ng isang malaking hurno at nagdilim ang araw at ang himpapawid dahil sa usok ng hukay.

At(F) naglabasan mula sa usok ang mga balang sa lupa at binigyan sila ng kapangyarihan, na gaya ng kapangyarihan ng mga alakdan sa lupa.

At(G) sinabi sa kanila na huwag pinsalain ang damo sa lupa, ni ang anumang luntian, ni ang anumang punungkahoy, kundi ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa kanilang mga noo.

Pinahintulutan silang huwag patayin ang mga ito, kundi pahirapan ng limang buwan at ang kanilang pahirap ay gaya ng pahirap ng alakdan kung kumakagat sa isang tao.

At(H) sa mga araw na iyon ay hahanapin ng mga tao ang kamatayan at sa anumang paraa'y hindi nila matatagpuan; at magnanasang mamatay at ang kamatayan ay tatakas sa kanila.

Ang(I) anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong inihanda para sa digmaan, at sa kanilang mga ulo ay mayroong gaya ng mga koronang ginto, at ang kanilang mga mukha ay gaya ng mga mukha ng mga tao.

Sila'y(J) may buhok na gaya ng buhok ng mga babae, at ang kanilang mga ngipin ay gaya ng sa mga leon.

At(K) sila'y may mga baluti, na gaya ng baluting bakal; at ang tunog ng kanilang mga pakpak ay gaya ng tunog ng mga karwahe at ng maraming kabayo na rumaragasa sa labanan.

10 Sila'y may mga buntot na gaya ng sa mga alakdan at may mga pantusok; at sa kanilang mga buntot ay naroroon ang kanilang kapangyarihan upang pinsalain ang mga tao ng limang buwan.

11 Sila'y may isang hari, ang anghel ng di-matarok na kalaliman; ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon,[a] at sa Griyego ay tinatawag siyang Apolyon.[b]

12 Ang unang kapighatian ay nakaraan na. Mayroon pang dalawang kapighatiang darating.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001