Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pag-akyat.
123 Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko,
O ikaw na sa kalangitan ay nakaupo sa trono!
2 Gaya ng mga mata ng mga alipin
na nakatingin sa kamay ng kanilang panginoon,
gaya ng mga mata ng alilang babae
na nakatingin sa kamay ng kanyang panginoong babae,
gayon tumitingin ang aming mga mata sa Panginoon naming Diyos,
hanggang sa siya'y maawa sa amin.
3 Maawa ka sa amin, O Panginoon, maawa ka sa amin,
sapagkat labis-labis na ang paghamak sa amin.
4 Ang aming kaluluwa'y lubos na napupuno
ng paglibak ng mga nasa kaginhawahan,
ng paghamak ng palalo.
16 Kaya't ang Panginoon ay naglagay ng mga hukom na nagligtas sa kanila sa kapangyarihan ng mga nanloob sa kanila.
17 Gayunma'y hindi nila pinakinggan ang kanilang mga hukom, kundi sila'y sumamba sa ibang mga diyos, at kanilang niyukuran ang mga iyon. Hindi nagtagal, sila'y lumihis sa daan na nilakaran ng kanilang mga ninuno na sumunod sa mga utos ng Panginoon; hindi sila sumunod sa kanilang halimbawa.
18 Tuwing maglalagay ng hukom ang Panginoon para sa kanila, ang Panginoon ay kasama ng hukom, at kanyang iniligtas sila sa kamay ng kanilang mga kaaway sa lahat ng mga araw ng hukom, sapagkat naawa ang Panginoon dahil sa kanilang daing, dahil sa mga nagpahirap at nang-api sa kanila.
19 Ngunit pagkamatay ng hukom, sila'y tumalikod at kumilos na mas masama pa kaysa kanilang mga ninuno. Sila'y sumunod sa ibang mga diyos pinaglingkuran at niyuyukuran ang mga ito. Hindi nila inihinto ang alinman sa kanilang mga gawa, ni ang kanilang mga pagmamatigas.
20 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa Israel; at kanyang sinabi, “Sapagkat sinuway ng bayang ito ang aking tipan na aking iniutos sa kanilang mga ninuno, at hindi dininig ang aking tinig.
21 Kaya't hindi ko na palalayasin sa harap nila ang alinman sa mga bansang iniwan ni Josue nang siya'y mamatay;
22 upang sa pamamagitan nila'y aking masubok ang Israel, kung kanilang susundin o hindi ang daan ng Panginoon upang lakaran nila, na gaya ng ginawa ng kanilang mga ninuno.”
23 Kaya't iniwan ng Panginoon ang mga bansang iyon, sila'y hindi niya agad pinalayas, ni ibinigay sila sa kamay ni Josue.
8 At ibinuhos ng ikaapat ang kanyang mangkok sa araw at pinahintulutan itong pasuin ng apoy ang mga tao.
9 At napaso ang mga tao sa matinding init, ngunit kanilang nilait ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nagsisi upang siya'y luwalhatiin.
10 Ibinuhos(A) naman ng ikalima ang kanyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kanyang kaharian. Kinagat ng mga tao ang kanilang mga dila dahil sa hirap,
11 at nilait nila ang Diyos ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nagsisi sa kanilang mga gawa.
12 Ibinuhos(B) ng ikaanim ang kanyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates at natuyo ang tubig nito, upang ihanda ang daraanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw.
13 At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon at mula sa bibig ng halimaw at mula sa bibig ng bulaang propeta ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka.
14 Sila'y mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda; pumupunta sa mga hari ng buong daigdig, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
15 (“Masdan(C) ninyo, ako'y dumarating na gaya ng magnanakaw. Mapalad ang nananatiling gising at nakadamit,[a] upang siya'y hindi lumakad na hubad at makita ang kanyang kahihiyan.”)
16 At(D) sila'y tinipon nila sa lugar na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.
17 Ibinuhos ng ikapitong anghel ang kanyang mangkok sa himpapawid at lumabas sa templo ang isang malakas na tinig, mula sa trono na nagsasabi, “Naganap na!”
18 At(E) nagkaroon ng mga kidlat, mga tinig, mga kulog, at malakas na lindol, na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng tao sa lupa, isang napakalakas na lindol.
19 Ang(F) dakilang lunsod ay nahati sa tatlo, at ang mga lunsod ng mga bansa ay bumagsak. Naalala ng Diyos ang dakilang Babilonia at binigyan niya ito ng kopa ng alak ng kabagsikan ng kanyang poot.
20 At(G) tumakas ang bawat pulo at walang mga bundok na matagpuan.
21 At(H) bumagsak sa mga tao ang ulan ng malalaking yelo na ang bigat ay halos isandaang libra[b] buhat sa langit, at nilait ng mga tao ang Diyos dahil sa salot na ulan ng yelo, sapagkat ang salot na ito ay lubhang nakakatakot.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001