Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
12 Purihin si Yahweh, mga taga-Jerusalem!
Purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Zion!
13 Pagkat mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang anak mo't mga lingkod, pinagpala niyang lahat.
14 Ginagawang mapayapa ang iyong hangganan,
sa kaloob niyang trigo, bibigyan kang kasiyahan.
15 Kapag siya'y nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
16 Singkapal ng damit-tupa mga yelong pumapatak,
para itong alikabok na sa lupa'y nalalaglag.
17 Mga yelong buo-buo, sinlaki ng munting bato,
lumalagpak, na ang lamig di matiis kahit sino.
18 Ang yelo ay natutunaw, sa isa lang niyang utos,
umiihip ang hangin at ang tubig ay umaagos.
19 Kay Jacob niya ibinigay ang lahat ng tagubilin,
ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel.
20 Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin si Yahweh!
Mga Tagubilin ni David tungkol sa Templo
28 Tinipon ni David sa Jerusalem ang lahat ng mga pinuno ng Israel, lahat ng pinuno ng mga lipi, lahat ng namamahala ng mga pangkat na naglilingkod sa hari, ang mga pinuno ng mga libu-libo at mga pinuno ng mga daan-daan. Tinawag din niya ang mga katiwala ng mga ari-arian, at ng mga kawan ng hari, at ng mga anak niya, lahat ng mga may tungkulin sa palasyo, lahat ng matatapang na lalaki, at lahat ng mahuhusay na mandirigma.
2 Nang(A) naroon na ang lahat, tumayo siya at nagsalita, “Mga kapatid at mga kababayan, matagal ko nang minimithi na magtayo ng isang permanenteng tahanan para sa Kaban ng Tipan na siyang tuntungan ng Diyos nating si Yahweh. Inihanda ko na ang lahat ng kailangan upang maitayo ito. 3 Ngunit sinabi sa akin ng Diyos na hindi ako ang magtatayo ng Templo para sa kanya sapagkat ako'y isang mandirigma at may bahid ng maraming dugo ang aking kamay. 4 Subalit sa sambahayan ng aking ama, ako ang pinili ni Yahweh, ang Diyos ng Israel upang maghari sa bansang ito magpakailanman. Ang pinili niyang mangunguna ay si Juda, at nagmula sa lipi nito ang pamilya ng aking ama. Sa amin namang pamilya, ako ang kanyang itinalaga para maging hari ng buong Israel. 5 Binigyan ako ni Yahweh ng maraming anak at mula sa kanila, si Solomon ang pinili niya upang umupo sa trono ng Israel, ang kaharian ni Yahweh. 6 Ang sabi niya sa akin, ‘Ang iyong anak na si Solomon ang magtatayo ng aking Templo, sapagkat siya ang pinili kong maging anak, at ako naman ang magiging ama niya. 7 Patatatagin ko ang kanyang kaharian magpakailanman kung patuloy niyang susundin ang aking mga utos at tuntunin gaya ng ginagawa niya ngayon.’ 8 Kaya nga, sa harapan ng buong Israel na bayan ni Yahweh, at ng Diyos na ngayo'y nakikinig, inaatasan ko kayo na sundin ninyong mabuti ang kautusan ng Diyos ninyong si Yahweh upang manatiling sa inyo ang masaganang lupaing ito at maipapamana naman ninyo sa inyong mga salinlahi magpakailanman.
9 “At ikaw naman, Solomon, anak ko, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at paglingkuran mo siya nang buong puso at pag-iisip, sapagkat sinisiyasat ni Yahweh ang ating damdamin at nauunawaan ang ating binabalak at iniisip. Kung lalapit ka sa kanya, tatanggapin ka niya. Ngunit kung tatalikuran mo siya, itatakwil ka niya magpakailanman. 10 Alalahanin mong ikaw ang pinili ni Yahweh upang magtayo ng kanyang banal na Templo. Magpakatatag ka at gawin mo ito nang may paninindigan.”
10 Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit dapat maging maingat ang bawat nagtatayo, 11 sapagkat wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo. 12 May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak, o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo, o dayami. 13 Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom sapagkat mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon. 15 Ngunit kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy.
16 Hindi(A) ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? 17 Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.