Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
113 Purihin si Yahweh!
Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
2 Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
magmula ngayo't magpakailanman,
3 buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
4 Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.
5 Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
na sa kalangitan doon nakaluklok?
6 Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.
7 Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
kanyang itinataas, kanyang nililingap.
8 Sa mga prinsipe ay isinasama,
sa mga prinsipe nitong bayan niya.
9 Ang babaing baog pinagpapala niya,
binibigyang anak para lumigaya.
Purihin si Yahweh!
30 Nainggit si Raquel sa kanyang kapatid sapagkat hindi siya magkaanak. Sinabi niya kay Jacob, “Mamamatay ako kapag hindi pa tayo nagkaanak.”
2 Nagalit si Jacob at sinabi kay Raquel, “Bakit, Diyos ba ako na pumipigil sa iyong panganganak?”
3 Kaya't sinabi ni Raquel, “Kung gayon, sipingan mo ang alipin kong si Bilha upang magkaanak ako sa pamamagitan niya.”
4 At pinasiping niya kay Jacob ang kanyang aliping si Bilha. 5 Nagdalang-tao ito at nanganak ng lalaki. 6 “Panig sa akin ang hatol ng Diyos,” sabi ni Raquel. “Dininig niya ang aking dalangin at pinagkalooban ako ng anak na lalaki.” Kaya Dan[a] ang ipinangalan niya rito. 7 Muling nagdalang-tao si Bilha at nanganak ng isa pang lalaki. 8 Sinabi ni Raquel, “Naging mahigpit ang labanan naming magkapatid, ngunit ako ang nagtagumpay.” Kaya, tinawag niyang Neftali[b] ang bata.
9 Nang mapag-isip-isip ni Lea na hindi na siya nanganganak, ibinigay naman niya kay Jacob si Zilpa, 10 at nagkaanak ito ng lalaki. 11 “Mapalad ako,” sabi ni Lea, “kaya, Gad[c] ang ipapangalan ko sa kanya.” 12 Si Zilpa'y muling nagdalang-tao at nagkaanak ng isa pang lalaki. 13 Sinabi ni Lea, “Masayang-masaya ako! Masaya ang itatawag sa akin ng mga babae.” Kaya't tinawag niyang Asher[d] ang bata.
14 Anihan na noon ng trigo. Samantalang naglalakad sa kaparangan, si Ruben ay nakakita ng bunga ng mondragora at dinala niya ito kay Lea na kanyang ina. “Bigyan mo naman ako ng mondragorang dala ng iyong anak,” pakiusap ni Raquel kay Lea.
15 Sinagot siya ni Lea, “Hindi ka pa ba nasisiyahang nakuha mo ang aking asawa, at ngayo'y gusto mo pang kunin pati mondragora ng aking anak?”
Sinabi ni Raquel, “Bigyan mo ako ng mondragora, sa iyo na si Jacob ngayong gabi.”
16 Gabi na nang dumating noon si Jacob galing sa kaparangan. Sinalubong agad siya ni Lea at sinabi, “Sa akin ka sisiping ngayong gabi; si Raquel ay binigyan ko ng mondragorang dala ng aking anak para sa karapatang ito.” Nagsiping nga sila nang gabing iyon, 17 at dininig ng Diyos ang dalangin ni Lea. Nagdalang-tao siya at ito ang panlimang anak nila ni Jacob. 18 Kaya't sinabi ni Lea, “Ginantimpalaan ako ng Diyos sapagkat ipinagkaloob ko sa aking asawa ang aking alipin;” at pinangalanan niyang Isacar[e] ang kanyang anak. 19 Muling nagdalang-tao si Lea, at ito ang pang-anim niyang anak. 20 Kaya't ang sabi niya, “Napakainam itong kaloob sa akin ng Diyos! Ngayo'y pahahalagahan na ako ng aking asawa, sapagkat anim na ang aming anak.” Ang anak niyang ito'y tinawag naman niyang Zebulun.[f] 21 Di nagtagal, nagkaanak naman siya ng babae, at ito'y tinawag niyang Dina.
22 Sa wakas, nahabag din ang Diyos kay Raquel at dininig ang kanyang dalangin. 23 Nagdalang-tao siya at nagkaanak ng isang lalaki. Kaya't sinabi niya, “Tinubos din ako ng Diyos sa aking kahihiyan at niloob na ako'y magkaanak.” 24 At tinawag niyang Jose[g] ang kanyang anak sapagkat sinabi niyang “Sana'y bigyan ako ni Yahweh ng isa pa.”
Ang Kaluwalhatiang Sasaatin
18 Para(A) sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw. 19 Sapagkat nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. 20 Nabigo(B) ang sangnilikha, hindi dahil sa kagustuhan nito, kundi dahil itinulot iyon ng Diyos. Gayunman, nagbigay rin siya ng pag-asa 21 na ang lahat ng nilikha ay pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. 22 Alam nating hanggang ngayo'y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak. 23 At(C) hindi lamang ang sangnilikha, kundi tayong mga tumanggap na ng Espiritu bilang unang kaloob mula sa Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang pagpapalaya sa ating mga katawan. 24 Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya? 25 Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong tiyaga.
26 Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat, kaya't ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, at dumaraing sa paraang hindi natin kayang sambitin. 27 At ang Diyos na siyang nakakasaliksik sa puso ng tao, ang siyang nakakaalam kung ano ang kalooban ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, ayon sa kalooban ng Diyos.
28 Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya,[a] silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang magiging kanya at ang mga ito'y pinili niya upang maging katulad ng kanyang Anak. Sa gayon, siya ang naging panganay sa lahat ng maraming magkakapatid. 30 Ang mga pinili niya noon pang una ay kanyang tinawag; at ang mga tinawag ay kanya ring pinawalang-sala, at ang mga pinawalang-sala ay kanyang binahaginan ng kanyang kaluwalhatian.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.