Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 12:2-6

Tunay(A) na ang Diyos ang aking kaligtasan,
    sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
    siya ang aking tagapagligtas.
Malugod kayong sasalok ng tubig sa balon ng kaligtasan.”

Sasabihin ninyo sa araw na iyon:
“Magpasalamat kayo kay Yahweh, siya ang inyong tawagan;
    ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa,
    ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
    ibalita ninyo ito sa buong daigdig.
Mga taga-Zion, sumigaw kayo at umawit nang buong galak,
    sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal na Diyos ng Israel.”

Amos 6:1-8

Ang Pagkawasak ng Israel

Kahabag-habag kayong namumuhay na maginhawa sa Zion,

    at kayong naninirahang matiwasay sa Bundok ng Samaria,
kayo na kinikilala sa Israel,
    ang bansang pinili at nilalapitan ng mga nangangailangan!
Tingnan ninyo ang lunsod ng Calne;
    puntahan ninyo ang tanyag na lunsod ng Hamat,
    at ang Gat, na lunsod ng mga Filisteo.
Nakakahigit ba sila kaysa Juda at Israel?
    Mas malaki ba ang lupaing sakop nila kaysa inyo?
Gusto ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong kapahamakan,
    ngunit sa ginagawa ninyo'y lalong nalalapit ang araw ng karahasan.

Kahabag-habag kayo na nahihiga sa magagarang kama na yari sa garing,
    at nagpapahinga sa malalapad na himlayan,
habang nagpapakabusog sa mga piling tupa at pinatabang guya.
Lumilikha pa kayo ng mga walang kabuluhang awitin sa saliw ng alpa;
    tulad ni David, gumagawa kayo ng mga instrumento para sa inyong musika.
Sa malalaking mangkok na kayo umiinom ng alak,
    at mamahaling pabango ang ipinapahid sa katawan,
    ngunit hindi kayo nagdadalamhati sa pagkawasak ng Israel!
Kaya nga't kayo ang unang magiging bihag;
    matitigil na ang inyong mga handaan at pagdiriwang.

Mariing ipinahayag ng Panginoong Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
“Namumuhi ako sa labis na kapalaluan ng Israel!
    Hindi ako nalulugod sa kanilang mga tanggulan.
    Ibibigay ko sa kaaway ang buong lunsod at ang lahat ng bagay na naroon.”

2 Corinto 8:1-15

Paano Dapat Magbigay ang Isang Cristiano?

Mga(A) kapatid, nais naming malaman ninyo ang ipinakitang kagandahang-loob ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia. Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukás ang palad sa pagbibigay. Sila'y kusang-loob na nagbigay, hindi lamang sa abot ng kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito sapagkat mahigpit nilang ipinakiusap sa amin na sila'y bigyan ng pagkakataong makatulong sa mga kapatid na nangangailangan, at higit pa sa inaasahan namin. Ibinigay nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos ay sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos. Kaya't pinakiusapan namin si Tito, dahil siya ang nagsimula ng gawaing ito, na kayo'y tulungan niya hanggang sa malubos ang pagkakawanggawa ninyong ito. Masagana kayo sa lahat ng bagay: sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin.[a] Sikapin ninyong maging masagana rin sa pagkakawanggawang ito.

Hindi sa inuutusan ko kayo. Sinasabi ko lamang sa inyo ang pagsisikap ng iba upang masubok ang katapatan ng inyong pag-ibig. Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman ay naging dukha upang maging mayaman kayo sa pamamagitan ng kanyang pagiging dukha.

10 Kaya ito ang payo ko: mas mabuting ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-iipon ng kaloob na sinimulan ninyo noon pang isang taon. Kayo ang nanguna, hindi lamang sa pagsasagawa nito kundi maging sa paghahangad. 11 Kaya't tapusin na ninyo ito! Ang sigasig ninyo noon sa paghahangad ay tumbasan ninyo ng sigasig na tapusin ang bagay na ito. Magbigay kayo ayon sa inyong makakaya. 12 Sapagkat kung may hangaring magbigay, tatanggapin ng Diyos ang inyong kaloob ayon sa inyong makakaya at hindi ayon sa hindi ninyo kaya.

13 Hindi sa ibig kong guminhawa ang iba at mabigatan naman kayo. 14 Ang ibig ko ay matulungan ninyo ang isa't isa. Masagana kayo ngayon; marapat lamang na tulungan ninyo ang mga nangangailangan. Kung kayo naman ang mangailangan at sila'y sumagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ninyo. 15 Tulad(B) ng nasusulat,

“Ang kumuha ng marami ay hindi lumabis,
    at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.