Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
2 Tunay(A) na ang Diyos ang aking kaligtasan,
sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
siya ang aking tagapagligtas.
3 Malugod kayong sasalok ng tubig sa balon ng kaligtasan.”
4 Sasabihin ninyo sa araw na iyon:
“Magpasalamat kayo kay Yahweh, siya ang inyong tawagan;
ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa,
ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
5 Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ibalita ninyo ito sa buong daigdig.
6 Mga taga-Zion, sumigaw kayo at umawit nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal na Diyos ng Israel.”
Ang Kapahamakan ng Israel
4 Pakinggan ninyo ito, kayong sumisikil sa mga nangangailangan,
at kayong umaapi sa mga dukha.
5 Ang sabi ninyo sa inyong sarili,
“Inip na inip na kaming matapos ang mga araw ng pagdiriwang.
Hindi tuloy namin maipagbili ang aming mga inani.
Kailan ba matatapos ang Sabbath,
para maipagbili namin ang mga trigo?
Tataasan namin ang halaga, gagamit kami ng madayang takalan,
at dadayain namin sa timbang ang mga mamimili.
6 Bibilhin namin upang maging alipin ang mga mahihirap sa halagang isang pilak,
at ang mga nangangailangan ay sa halagang katumbas ng isang pares na sandalyas.
At ipagbibili namin ang ipa ng trigo.”
7 Sumumpa si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
“Hindi ko na mapapatawad ang masasama nilang gawa.
8 Magkakaroon ng lindol sa lupa at mananangis ang bawat isa.
Mayayanig ang buong bayan; tataas-bababâ ito na tulad ng Ilog Nilo.”
9 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoong Yahweh,
“Lulubog ang araw sa katanghaliang-tapat,
at magdidilim sa buong maghapon.
10 Ang iyong kapistahan ay gagawin kong araw ng kapighatian;
at ang masasayang awitin ninyo'y magiging panaghoy.
Pipilitin ko kayong magsuot ng panluksa,
at mapipilitan kayong mag-ahit ng ulo.
Matutulad kayo sa magulang na nagdadalamhati, dahil sa pagkamatay ng kaisa-isang anak.
Ang araw na iyon ay magiging mapait hanggang sa wakas.”
11 Sinabi ng Panginoong Yahweh,
“Darating din ang araw na papairalin ko sa lupain ang taggutom.
Magugutom sila ngunit hindi sa pagkain; mauuhaw sila ngunit hindi sa tubig,
kundi sa pakikinig ng aking mga salita.
12 Mula sa hilaga papuntang timog,
mula sa silangan hanggang sa kanluran,
hahanapin nila ang salita ni Yahweh,
subalit iyon ay hindi nila matatagpuan.
Tulong sa mga Kapatid na Nangangailangan
9 Hindi na kailangang sumulat pa ako sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga kapatid sa iglesya. 2 Alam kong handa na kayong tumulong, kaya't ipinagmamalaki ko kayo sa mga taga-Macedonia. Ang sabi ko'y handa na kayong mga taga-Acaya noon pang nakaraang taon, at dahil dito'y lalo silang sumigla sa pagtulong. 3 Kaya't pinapapunta ko riyan ang mga kapatid na ito upang mapatunayang tama ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo, at nang maihanda na ninyo ang inyong tulong, gaya ng sinabi ko. 4 Kung hindi, kung may mga taga-Macedonia na sumama sa akin at makita nilang hindi pala kayo handa, baka mapahiya ako at pati kayo. 5 Kaya't pinakiusapan ko ang mga kapatid na mauna riyan, upang maihanda ang tulong na ipinangako ninyo. Sa gayon, makikita na talagang kusang-loob ang pagbibigay ninyo at hindi sapilitan.
6 Ito ang ibig kong sabihin: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim ng marami ay aani ng marami. 7 Ang(A) bawat isa'y dapat magbigay ayon sa kanyang pasya, maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang may kagalakan. 8 Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang sumagana kayo para sa mabubuting gawa. 9 Tulad(B) ng nasusulat,
“Siya'y masaganang nagbibigay sa mga dukha;
ang kanyang kabutihan ay walang hanggan.”
10 Ang(C) Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob. 11 Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay upang mas marami ang inyong matulungan. Sa gayon, lalong darami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong tulong na dadalhin namin sa kanila. 12 Ang paglilingkod ninyo upang tumulong sa mga kapatid ay hindi lamang makakatugon sa kanilang pangangailangan, kundi magiging dahilan pa ng nag-uumapaw na pagpapasalamat nila sa Diyos. 13 Ang bukas-palad ninyong pagbibigay sa kanila at sa lahat ang siyang magpapatunay na matapat ninyong sinusunod ang Magandang Balita ni Cristo. Dahil diyan, magpupuri sila sa Diyos. 14 Kaya't buong pagmamahal nila kayong ipapanalangin, dahil sa di-masukat na kagandahang-loob ng Diyos sa inyo. 15 Salamat sa Diyos dahil sa kanyang kaloob na walang kapantay!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.