Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit sa Maharlikang Kasalan
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit; isang awit ng pag-ibig.
45 Kay gagandang pangungusap ang naroon sa isipan,
habang aking hinahabi ang awit sa haring mahal;
ang katulad ng dila ko ay panulat ng maalam,
panulat ng dalubhasang sumulat ng kasaysayan.
2 Sa lahat nga ng nilikha, makisig kang hindi hamak,
kapag nagtatalumpati'y pambihira kung mangusap;
ikaw nga ay pinagpala ng Diyos sa tuwi-t’wina.
6 Iyang(A) tronong tinanggap mo na kaloob ng Diyos,[a]
isang tronong magtatagal at hindi na matatapos;
matuwid kang maghahari sa bansa mong nasasakop.
7 Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi.
8 Sa damit mo'y nalalanghap, tatlong uri ng pabango,
mira, aloe saka kasia na buhat sa ibang dako;
inaaliw ka ng tugtog sa garing na palasyo mo.
9 O kay gagandang prinsesa ang katulong na dalaga,
samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna,
palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya.
1 Ito(A) ang pinakamagandang awit ni Solomon:
Ang Unang Awit
Babae:
2 Akong ito'y pinupupog, sinisiil mo ng halik;
ang dulot ng pag-ibig mo'y mainam pa sa alak.
3 Ang taglay mong halimuyak, saan kaya itutulad?
Simbango ng pangalan mong ang samyo'y malaganap,
kaya lahat ng dalaga ay iyo ngang nabibihag.
4 Ako ngayon ay narito, isama mo kahit saan,
at ako ay iyong dalhin sa silid mong pahingahan.
Tiyak akong liligaya ngayong ikaw ay narito,
ang nais ko ay madama ang alab ng pag-ibig mo;
pagsinta mo'y mas gusto ko kaysa alinmang inumin;
hindi ako nagkamali na ikaw nga ang ibigin.
5 Dalaga sa Jerusalem, ang ganda ko'y kayumanggi;
katulad ko'y mga toldang sa Kedar pa niyayari,
tulad ko ri'y mga tabing sa palasyo ng hari.
6 Huwag akong hahamakin nang dahil sa aking kulay,
pagkat itong aking balat ay nasunog lang sa araw.
Itong mga kapatid ko'y hindi ako kinalugdan,
nagkaisa silang ako'y pagbantayin ng ubasan.
Pinagyama't sininop ko ang nasabing pataniman,
anupa't ang sarili ay kusa kong napabayaan.
7 Itong aking pakiusap, O giliw kong minamahal,
sa akin ay sabihin mo, pastulan ng iyong kawan;
sa init ng katanghalian, pahingahan nila'y saan?
Sa akin ay ituro mo nang ako ay di maligaw.
Mangingibig:
8 Kung nais mong malaman, O babaing napakaganda,
ang dapat lang na gawin mo ay sundan ang mga tupa.
Ang kawan ng mga kambing ay doon mo alagaan
sa tabi ng mga tolda ng pastol ng aking kawan.
9 Saan ko ba itutulad ang gayuma mo, aking hirang?
Sa kabayo ng Faraon, anong ganda kung pagmasdan!
10 Mga pisnging malalambot, may balani, may pang-akit,
na lalo pang pinaganda ng pahiyas na naglawit.
Ang nililok na leeg mo, kung masdan ko'y anong rikit,
lalo na nga kung may kuwintas na doon ay nakasabit.
11 Ika'y aming igagawa ng kuwintas na gintong lantay,
palamuting ikakabit ay pilak na dinalisay.
Babae:
12 Habang siya'y nakahimlay, tila hari ang katulad,
ako nama'y magsasabog ng mabangong halimuyak.
13 Ang samyo ng aking mahal ay katulad nitong mira,
habang siya sa dibdib ko'y nakahilig na masaya.
14 Ang kawangis ng mahal ko'y isang kumpol ng bulaklak
sa ubasan ng En-gedi, magiliw kong pinamitas.
Mangingibig:
15 Maganda ka, aking sinta, ang mata mo'y mapupungay,
nagniningning, nang-aakit habang aking minamasdan.
Babae:
16 Makisig ka, aking mahal, anong kisig, anong inam,
magiging himlayan nati'y laging kulay na luntian.
17 At sedar ang siyang biga nitong ating tatahanan,
mga kisame ay pinong pili, kahoy na talagang maiinam.
1 Mula(A) kay Santiago, lingkod[a] ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo:
Ipinapaabot ko ang aking pagbati sa lahat ng mga hinirang ng Diyos[b] na nakikipamayan sa iba't ibang bansa.
Pananampalataya at Karunungan
2 Mga(B) kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. 3 Dapat ninyong malaman na nagiging matatag ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. 4 At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang.
5 Ngunit(C) kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat. 6 Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. 7 Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong 8 pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.