Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
2 Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
3 Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
4 Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.
5 Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
6 Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.
7 Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
8 Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
Ang Kakisigan ni Absalom
25 Walang lalaki sa Israel na hinahangaan sa kakisigan tulad ni Absalom; walang maipipintas sa kanya mula ulo hanggang paa. 26 Buhok pa lamang nito na minsan lamang gupitin sa loob ng isang taon ay mahigit nang tatlong kilo. 27 Siya'y may anak na tatlong lalaki at isang napakagandang dalaga na Tamar ang pangalan.
Pinatawag ng Hari si Absalom
28 Dalawang buong taon na nanatili si Absalom sa Jerusalem, na hindi man lang siya nakita ng hari. 29 Minsa'y ipinatawag niya si Joab upang suguin sa hari, ngunit hindi ito pumayag. Ipinatawag niyang muli ito, ngunit hindi rin siya sinunod. 30 Kaya't sinabi ni Absalom sa kanyang mga alipin, “Alam ninyong may karatig akong bukid ni Joab na may tanim na sebada. Puntahan ninyo ito at sunugin.” Sinunog nga ng mga alipin ang bukid na iyon.
31 Nagpunta agad si Joab kay Absalom at sinabi, “Bakit sinunog ng mga alipin mo ang aking bukid?”
32 Sumagot si Absalom, “Dalawang beses kitang pinakiusapang dalhin sa hari ang aking kahilingan sa kanya, ngunit hindi mo ako pinansin. Bakit mo pa ako kinuha sa Gesur? Mabuti pang hindi na ako umalis doon! Dalhin mo ako sa hari ngayon din at kung ako'y may kasalanan, handa akong mamatay.” 33 Nang marinig niya ito, nagpunta si Joab sa hari at matapos nilang mag-usap, si Absalom ay ipinatawag. Humarap naman ito sa hari at buong pagpapakumbabang nagbigay-galang. At hinagkan siya ng hari.
Magtulungan sa mga Pasanin
6 Mga kapatid, kung may isa sa inyo na mahulog sa pagkakasala, kayong pinapatnubayan ng Espiritu ang magtuwid sa kanya. Subalit gawin ninyo iyon nang mahinahon, at mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. 2 Magtulungan kayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa. Sa gayong paraan ay matutupad[a] ninyo ang kautusan ni Cristo. 3 Kung inaakala ninyong kayo'y nakakahigit sa iba, subalit hindi naman, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 4 Suriin ng bawat isa ang kanyang gawa. Sa gayon, ang kanyang kagalakan ay nakabatay sa kanyang gawa. Huwag na niyang ihambing pa iyon sa gawa ng iba, 5 sapagkat ang bawat isa ay dapat magdala ng kanyang sariling dalahin.
6 Ang mga tinuturuan ng salita ng Diyos ay dapat magbahagi ng lahat ng magagandang bagay sa mga nagtuturo.
7 Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. 8 Ang nagtatanim para sa sarili niyang laman ay aani ng pagkabulok mula sa laman. Ngunit ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan. 9 Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.