Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagtitiwala kay Yahweh
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
11 Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan,
kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman:
“Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan,
2 sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang,
upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman.
3 Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa,
kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?”
4 Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo,
doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono,
at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao,
walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito.
5 Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri;
sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi.
6 Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao;
at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso.
7 Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod;
sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod.
13 Iniutos ni Solomon sa buong Israel ang sapilitang pagtatrabaho ng 30,000 kalalakihan. 14 Ipinadadala(A) niya sa Lebanon ang mga ito, 10,000 bawat pangkat. Isang buwan sila sa Lebanon, at dalawang buwan sa kani-kanilang tahanan. Si Adoniram ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawang ito. 15 Si Solomon ay may walumpung libong tagatibag ng mga bato sa bundok at pitumpung libong tagahakot ng mga ito. 16 Umabot sa 3,300 naman ang mga kapatas na namamahala sa mga manggagawa. 17 Sa utos ng hari, nagtatabas sila ng malalaking bato upang gamiting pundasyon ng Templo. 18 Katulong din ng mga tauhan ni Solomon at ni Hiram ang mga taga-Biblos sa pagtibag ng bato at pagputol ng kahoy na ginamit sa pagtatayo ng Templo.
Tagubilin sa Mag-asawa
21 Pasakop kayo sa isa't isa bilang tanda ng inyong paggalang kay Cristo.
22 Mga(A) babae, pasakop kayo sa sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. 23 Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siya ang Tagapagligtas nito. 24 Kung paanong nasasakop ni Cristo ang iglesya, gayundin naman, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang sariling asawa.
25 Mga(B) lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya 26 upang ialay ito sa Diyos, matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas sa tubig at sa salita. 27 Ginawa niya ito upang ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili na nasa kagandahan nito, walang anumang dungis ni kulubot man, banal at walang anumang kapintasan. 28 Gayundin naman, dapat mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. 29 Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan. Sa halip, ito'y kanyang pinapakain at inaalagaan, tulad ng ginagawa ni Cristo sa iglesya. 30 Tayo nga'y mga bahagi ng kanyang katawan. 31 Gaya(C) ng sinasabi sa kasulatan, “Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at silang dalawa ay magiging isa.” 32 Mayroon ditong malalim na hiwaga, at sinasabi ko na ito'y tumutukoy sa kaugnayan ni Cristo sa iglesya. 33 Subalit ito'y para din sa inyo: kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng inyong sarili; mga babae, igalang ninyo ang inyong asawa.
Tagubilin sa mga Magulang at mga Anak
6 Mga(D) anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang, [alang-alang sa Panginoon,][a] sapagkat ito ang nararapat. 2 “Igalang(E) mo ang iyong ama at ina.” Ito ang unang utos na may kalakip na pangako: 3 “Magiging maganda at mahaba ang iyong buhay sa lupa.”
4 Mga(F) magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at aral ng Panginoon.
Katuruan para sa mga Alipin at mga Amo
5 Mga(G) alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa nang may buong katapatan, takot at paggalang, na parang si Cristo ang siya ninyong pinaglilingkuran. 6 Gawin ninyo iyan, may nakakakita man o wala, hindi upang mapuri ng mga tao kundi dahil kayo'y mga lingkod ni Cristo at buong pusong sumusunod sa kalooban ng Diyos. 7 Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. 8 Sapagkat alam ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, maging siya man ay alipin o malaya.
9 Mga(H) amo, maging mabait kayo sa inyong mga alipin at huwag silang pagbabantaan. Huwag ninyong kalilimutan na kayo'y parehong alipin ng iisang Panginoon na nasa langit, at pantay ang kanyang pagtingin sa inyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.