Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 33:12-22

12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos;
    mapalad ang bayang kanyang ibinukod.

13 Magmula sa langit, kanyang minamasdan
    ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
14 Nagmamasid siya at namamahala
    sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
15 Ang isip nila'y sa kanya nagmula
    walang nalilingid sa kanilang gawa.

16 Di(A) dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay,
    ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal;
17 kabayong pandigma'y di na kailangan,
    upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay;
    di makakapagligtas, lakas nilang taglay.

18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
    sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
    kahit magtaggutom sila'y binubuhay.

20 Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa;
    tulong na malaki at sanggalang siya.
21 Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa;
    sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.

22 Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,
    yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!

Exodo 19:16-25

16 Kinaumagahan(A) (B) ng ikatlong araw ay kumulog at kumidlat. Ang bundok ay nabalot ng makapal na ulap at narinig ang isang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa buong kampo. 17 Pinangunahan ni Moises ang mga tao papunta sa paanan ng bundok upang humarap sa Diyos. 18 Ang Bundok ng Sinai ay nababalot ng usok sapagkat bumabâ si Yahweh sa anyo ng apoy. Tumaas ang usok tulad ng usok ng isang pugon, at nayanig ang bundok. 19 Palakas nang palakas ang tunog ng tambuli. Nagsalita si Moises at sumagot sa kanya ang Diyos sa pamamagitan ng kulog. 20 Bumabâ si Yahweh sa tuktok ng Bundok ng Sinai at pinaakyat niya roon si Moises. 21 Sinabi niya, “Bumabâ ka at sabihin mo sa mga tao na huwag lalampas ng hangganan upang makita ako sapagkat marami ang mamamatay. 22 Pati ang mga paring lalapit sa akin ay kailangang maglinis ng kanilang sarili; kung hindi'y paparusahan ko sila.”

23 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Hindi po aakyat dito ang mga tao sapagkat pinalagyan na ninyo ng hangganan ang paligid ng bundok at itinuturing naming banal ang nakapaloob doon.”

24 Sinabi ni Yahweh, “Bumabâ ka at isama mo rito si Aaron. Ang mga pari at ang mga tao ay huwag mong palalampasin sa hangganan. Sinumang lumampas ay paparusahan ko.” 25 Bumabâ nga si Moises at sinabi ito sa mga tao.

Roma 8:14-17

14 Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat(A)(B) hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, “Ama, Ama ko!” 16 Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.