Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 100

Awit ng Pagpupuri

Isang Awit ng Pasasalamat.

100 Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;
    lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!

O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
    tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
    lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,
    umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal;
    purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!

Napakabuti(A) ni Yahweh,
    pag-ibig niya'y walang hanggan,
    pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!

Jeremias 23:1-8

Ang Pag-asang Darating

23 Paparusahan ni Yahweh ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito ay magkawatak-watak at mamatay. Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga pinunong nangangalaga sa kanyang bayan: “Pinapangalat ninyo at ipinagtabuyan ang aking kawan. Hindi ninyo sila binantayan kaya kayo'y paparusahan ko dahil sa inyong ginawang ito. Ako na ang magtitipon sa mga nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang tinubuang lupa, at sila'y muling darami. Hihirang ako ng mga tagapangunang magmamalasakit at mangangalaga sa kanila. Hindi na sila muli pang daranas ng takot at pag-aalala, at wala nang maliligaw kahit isa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

“Nalalapit(A) na ang araw,” sabi ni Yahweh, “na pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David, isang hari na mamamahala ng buong karunungan. Paiiralin niya sa buong lupain ang katarungan at katuwiran. Magiging ligtas ang Juda sa panahon ng kanyang pamamahala, at ang Israel ay mapayapang mamumuhay. Ito ang pangalang itatawag sa kanya: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’”

Ang sabi ni Yahweh, “Tiyak na darating ang panahon na ang mga tao'y hindi na manunumpa nang ganito: ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[a] na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto.’ At sa halip, sasabihin nila, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[b] na nagpalaya at nanguna sa mga Israelita mula sa lupain sa hilaga at sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Babalik sila sa sariling lupa at doon muling mamumuhay.’”

Mateo 20:17-28

Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus ng Kanyang Kamatayan(A)

17 Nang nasa daan na sila papuntang Jerusalem, ibinukod ni Jesus ang labindalawang alagad at sinabi sa kanila, 18 “Pupunta tayo sa Jerusalem. Doo'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan siya ng kamatayan 19 at ibibigay sa mga Hentil. Siya'y kukutyain, hahagupitin at ipapako sa krus ngunit muli siyang bubuhayin ng Diyos sa ikatlong araw.”

Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(B)

20 Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang dalawa niyang anak na lalaki. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus upang sabihin ang kanyang kahilingan.

21 “Ano ang gusto mo?” tanong ni Jesus.

Sumagot siya, “Kapag naghahari na po kayo, paupuin ninyo sa inyong tabi ang dalawa kong anak, isa sa kanan at isa sa kaliwa.”

22 “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Jesus sa kanila. “Kaya ba ninyong tiisin ang hirap na malapit ko nang danasin?”

“Opo,” tugon nila.

23 At sinabi ni Jesus, “Daranasin nga ninyo ang hirap na titiisin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga upuang iyo'y para sa pinaglalaanan ng aking Ama.”

24 Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 25 Dahil(C) dito, pinalapit ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay itinataas ang kanilang sarili bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. 26 Hindi(D) ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, 27 at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, ay dapat maging alipin ninyo. 28 Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.”