Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 93

Ang Diyos ang Hari

93 Si Yahweh ay naghahari, na ang suot sa katawan
    ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan.
Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig,
    kahit ano ang gawin pa'y hindi ito mayayanig.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una,
    bago pa ang kasaysayan, ika'y likas na naro'n na.

Tumataas nga, O Yahweh, ang tubig ng mga ilog,
    lumalakas ang lagaslas habang sila'y umaagos;
    maingay na mga alon katulad ay pagkalabog.
Parang tubig na marami, ang buhos ay parang kulog,
    malakas pa kaysa alon ng dagat na mayro'ng unos;
    higit pa sa mga ito si Yahweh na dakilang Diyos.

Walang hanggan, O Yahweh, ang lahat ng tuntunin mo,
    sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.

Genesis 9:8-17

Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, “Ako'y nakikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, 10 gayon din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo—sa mga ibon, pati sa maaamo't maiilap na hayop na kasama ninyo sa barko. 11 Ito ang aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma'y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.” 12 Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: 13 Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo. 14 Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari, maaalala ko ang walang hanggang tipan na ginawa ko sa inyo at sa lahat ng may buhay sa balat ng lupa.”

17 At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang tanda ng aking pangako sa lahat ng nabubuhay sa lupa.”

Mga Gawa 27:39-44

Ang Pagkawasak ng Barko

39 Nang mag-umaga na, nakatanaw sila ng lupa, ngunit hindi nila alam kung anong lugar iyon. Napansin nila ang isang look na may dalampasigan, at binalak nilang igawi doon ang barko kung maaari. 40 Kaya't pinutol nila ang tali ng mga angkla at iniwanan ang mga ito sa dagat. Kinalag din nila ang mga tali ng timon at itinaas ang layag sa unahan upang ang barko'y itulak ng hangin papunta sa dalampasigan. 41 Ngunit nasadsad ang barko sa parteng mababaw. Bumaon ang unahan ng barko kaya't hindi makaalis. Samantala, ang hulihan naman ay nawasak dahil sa kahahampas ng malalakas na alon.

42 Binalak ng mga kawal na patayin ang mga bilanggo upang walang makalangoy at makatakas. 43 Subalit nais ng kapitan ng mga kawal na iligtas si Pablo kaya pinagbawalan nito ang mga kawal. Sa halip, pinatalon niya sa tubig ang lahat ng marunong lumangoy upang makarating sa pampang. 44 Ang iba'y inutusan niyang sumunod na nakahawak sa mga tabla o piraso ng barko. At sa gayon, kaming lahat ay nakarating sa dalampasigan.