Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 102:1-17

Panalangin ng Isang Nababagabag na Kabataan

Panalangin ng isang dumaranas ng hirap at humihingi ng tulong kay Yahweh.

102 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
    lingapin mo ako sa aking pagdaing.
O huwag ka sanang magkubli sa akin,
    lalo sa panahong may dusa't bigatin.
Kapag ako'y tumawag, ako'y iyong dinggin
    sa sandaling iyo'y agad mong sagutin.

Nanghihina akong usok ang katulad,
    damdam ko sa init, apoy na maningas.
Katulad ko'y damong natuyo sa parang,
    pati sa pagkai'y di ako ganahan.
Kung ako'y tumaghoy ay ubod nang lakas,
    yaring katawan ko'y buto na at balat.
Tulad ko'y mailap na ibon sa ilang,
    para akong kuwago sa dakong mapanglaw;
ang aking katulad sa hindi pagtulog,
    ibon sa bubungang palaging malungkot.
Sa buong maghapon, ang kaaway ko, nililibak ako, kinukutyang todo;
    gamit sa pagsumpa'y itong pangalan ko.

Pagkain ko'y abo at hindi tinapay,
    luha'y hinahalo sa aking inuman.
10 Dahil sa galit mo, aking Panginoon,
    dinaklot mo ako't iyong itinapon.
11 Ang buhay kong taglay ay parang anino;
    katulad ko ngayo'y natuyo nang damo.

12 Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,
    di ka malilimot ng buong kinapal.
13 Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion,
    pagkat dumating na ang takdang panahon,
    sa kalagayan niya ay dapat tumulong.
14 Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod
    bagama't nawasak at gumuhong lubos.

15 Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,
    maging mga hari sa buong sinukob.
16 Itatayong muli ni Yahweh ang Zion,
    kaluwalhatian niya'y mahahayag doon.
17 Daing ng mahirap ay iyong papakinggan,
    di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan.

Exodo 13:17-22

Ang Haliging Apoy at Ulap

17 Nang payagan na ng Faraon ang mga Israelita, hindi sa daan patungong Filistia sila pinaraan ng Diyos kahit na iyon ang pinakamalapit. Ayaw niyang ang mga Israelita'y mapasubo agad sa labanan, baka magbago pa sila ng isip at magbalik sa Egipto. 18 Kaya, sila'y pinaligid niya sa ilang, patungong Dagat na Pula;[a] sila'y handang-handang makipaglaban. 19 Ang(A) mga buto ni Jose ay dinala ni Moises sa kanilang pag-alis bilang pagtupad sa kahilingan nito. Ang sinabi noon ni Jose, “Tiyak na ililigtas kayo ni Yahweh; pag-alis ninyo rito'y dalhin ninyo ang aking mga buto.”

20 Umalis sila ng Sucot at tumigil muna sa Etam bago pumasok ng ilang. 21 Sa kanilang paglalakbay araw-gabi, patuloy silang pinapatnubayan ni Yahweh: kung araw ay sa pamamagitan ng haliging ulap at kung gabi'y sa pamamagitan naman ng haliging apoy na tumatanglaw sa kanila. 22 Laging(B) nasa unahan nila ang haliging ulap kung araw at ang haliging apoy kung gabi.

Mga Gawa 7:17-40

17 “Nang sumapit ang panahon para tuparin ng Diyos ang kanyang pangako kay Abraham, maraming-marami(A) na ang mga Israelita sa Egipto. 18 Sa panahong iyon, hindi na kilala ng hari [ng Egipto][a] si Jose. 19 Dinaya at pinahirapan ng hari ang ating mga ninuno at sapilitan niyang ipinatapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. 20 Noon(B) ipinanganak si Moises, isang batang kinalulugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa kanilang tahanan, 21 at(C) nang siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at pinalaking parang sariling anak. 22 Tinuruan siya sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio, at siya'y naging dakila sa salita at sa gawa.

23 “Nang(D) si Moises ay apatnapung taon na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita upang tingnan ang kanilang kalagayan. 24 Nakita niyang inaapi ng isang Egipcio ang isa sa kanila, kaya't ipinagtanggol niya ito, at napatay niya ang Egipciong iyon. 25 Akala ni Moises ay mauunawaan ng kanyang mga kababayan na sila'y ililigtas ng Diyos sa pamamagitan niya. Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, may nakita siyang dalawang Israelitang nag-aaway, at sinikap niyang sila'y pagkasunduin. Sabi niya, ‘Mga kaibigan, pareho kayong Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Subalit tinabig siya ng lalaking nananakit at pinagsabihan ng ganito: ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin? 28 Nais mo rin ba akong patayin gaya ng ginawa mo kahapon doon sa Egipcio?’ 29 Nang(E) marinig ito ni Moises, siya'y tumakas at nanirahan sa lupain ng Midian. Doon ay nagkaroon siya ng dalawang anak na lalaki.

30 “Makalipas(F) ang apatnapung taon, samantalang si Moises ay nasa ilang na di-kalayuan sa Bundok ng Sinai, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa isang nagliliyab na mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita, at nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, narinig niya ang tinig ng Panginoon, 32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi makatingin. 33 Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal ang lupang kinatatayuan mo. 34 Nakita ko ang paghihirap ng aking bayan sa Egipto; narinig ko ang kanilang daing, at bumabâ ako upang sila'y iligtas. Halika't isusugo kita sa Egipto.’

35 “Itinakwil(G) nila ang Moises na ito nang kanilang sabihin, ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin?’ Ngunit ang Moises ding iyon ang isinugo ng Diyos upang mamuno at magligtas sa kanila, sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. 36 Sila(H) ay inilabas niya mula sa Egipto sa pamamagitan ng mga himalang ginawa niya roon, sa Dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apatnapung taon. 37 Siya(I) rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Ang Diyos ay pipili ng isa sa inyo at gagawing propetang tulad ko.’ 38 Siya(J) ang kasama sa kapulungan ng mga Israelita sa ilang at ng anghel na nagsalita sa kanya at sa ating mga ninuno sa Bundok ng Sinai. Siya ang tumanggap ng mga salitang nagbibigay-buhay mula sa Diyos upang ibigay sa atin.

39 “Ngunit hindi siya sinunod ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at mas gusto pa nilang magbalik sa Egipto. 40 Sinabi(K) pa nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin, sapagkat hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin mula sa lupain ng Egipto.’