Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 14

Ang Kasamaan ng Tao(A)

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

14 “Wala(B) namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.
    Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa;
    walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala!

Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat;
    tinitingnan kung may taong marunong pa,
    na sa kanya'y gumagalang at sumasamba.
Silang lahat ay naligaw ng landas,
    at naging masasama silang lahat;
walang gumagawa sa kanila ng tama,
    wala ni isa man, wala nga, wala!

Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam,
    itong masasama, lahat na ba'y mangmang?
Itong aking baya'y pinagnanakawan
    at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!”

Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod.
Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak,
    ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.

Ang aking hinihiling nawa ay dumating,
    mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel.
Labis na magagalak ang bayang Israel,
    kapag muli silang pasaganain ni Yahweh.

Jeremias 4:1-10

Isang Panawagan Upang Magsisi

Ganito ang sabi ni Yahweh: “Mga taga-Israel, kung kayo'y manunumbalik at lalapit kayo sa akin; kung inyong tatalikuran ang mga diyus-diyosan at mananatili kayong tapat sa akin, magiging totoo at makatuwiran ang inyong panunumpa sa aking pangalan. Dahil dito'y hihilingin ng lahat ng bansa na sila'y aking pagpalain at pupurihin naman nila ako.”

Ganito(A) naman ang sabi ni Yahweh sa mga taga-Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: “Bungkalin ninyong muli ang napabayaang lupa; huwag ninyong ihasik ang binhi sa gitna ng dawagan. Tuparin ninyo ang inyong pangako sa akin, at italaga ang inyong buhay sa paglilingkod. Kung hindi, sisiklab ang aking poot dahil sa inyong mga nagawang kasamaan.”

Binantaang Sakupin ang Juda

Hipan ang trumpeta sa buong lupain!
    Isigaw nang malinaw at malakas:
“Mga taga-Juda at taga-Jerusalem,
    magsipasok kayo sa inyong mga kublihang lunsod.
Ituro ang daang patungo sa Zion!
    Magtago na kayo at huwag magpaliban!
Mula sa hilaga'y magpapadala si Yahweh
    ng lagim at pagkawasak.
Parang leong lumitaw ang magwawasak ng mga bansa.
Lumakad na siya upang wasakin ang Juda.
Ang mga lunsod nito'y duduruging lahat
    at wala nang maninirahan doon.
Magsuot kayo ng damit na panluksa, lumuha kayo at manangis,
    sapagkat ang poot ni Yahweh sa Juda'y hindi makakalimutan.”

Ang sabi ni Yahweh, “Sa araw na iyon, masisiraan ng loob at matatakot ang mga hari at mga pinuno, ang mga pari ay masisindak, at magugulat ang mga propeta.”

10 Pagkatapos ay sinabi ko, “Panginoong Yahweh! Nilinlang ninyo ang mga taga-Jerusalem! Sinabi ninyong iiral ang kapayapaan ngunit ngayon, isang tabak ang nakaamba sa kanila.”

2 Pedro 2:1-10

Mga Huwad na Guro

Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong tumubos sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak. At marami silang mahihikayat na sumunod sa kanilang kahalayan; at dahil dito, pati ang daan ng katotohanan ay malalapastangan. Sa kanilang kasakiman, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng kanilang aral na kathang-isip lamang. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at ang pupuksa sa kanila ay hindi natutulog.

Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sila'y itinapon sa impiyerno[a] kung saan sila'y iginapos sa kadiliman upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. Dahil(A) sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama. Sinumpa(B) [at tinupok][b] ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra upang maging babala sa masasama tungkol sa kanilang kasasapitan. Ngunit(C) iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid, na lubhang nabagabag ng mga kahalayang ginagawa ng masasama noong panahon niya. Naghirap ang kalooban ng matuwid na taong ito sa kasamaang nasasaksihan niya araw-araw habang siya'y nakatira doon. Kaya, alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paano paparusahan ang masasama hanggang sa araw na sila'y hatulan, 10 lalo na ang sumusunod sa mahahalay na pagnanasa ng katawan at ayaw kumilala sa maykapangyarihan.

Pangahas at mapagmataas ang mga huwad na gurong ito. Wala silang pakundangan sa mga tagalangit, at sa halip ay nilalapastangan pa nila ang mga ito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.