Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin para Parusahan ng Diyos ang Masasama
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam.[a]
58 Tama ba ang hatol ng mga pinuno?
Ang hatol ba ninyo'y pantay at totoo?
2 Hindi! Pagkat ang inyong binabalangkas
pawang karahasa't gawaing di tama.
3 Iyang masasama sa mula't mula pa,
mula sa pagsilang ay sinungaling na.
4 Sila'y makamandag, ahas ang kaparis,
katulad ay kobrang ang tainga ay may takip;
5 itong mga tawak at salamangkero,
di niya dinirinig, hindi pansin ito.
6 Bungiin ang ngipin nila, O Panginoon,
alisin ang pangil niyong mga leon.
7 Itapon mo silang katulad ng tubig,
sa daa'y duruging parang mga yagit.
8 Parang mga susô, sa dumi magwakas,
batang di nabuhay sa sangmaliwanag.
9 Puputulin silang hindi nila batid,
itatapon ng Diyos sa tindi ng galit;
bagaman buháy pa'y iyon na ang sinapit.
10 Ang mga matuwid nama'y magagalak kung ang masasama'y parusahang ganap;
pagkakita nila sa dugong dumanak, hindi mangingiming doon na tumahak.
11 Saka sasabihin ng mga nilalang, “Ang mga matuwid ay gantimpalaan;
tunay ngang may Diyos, na hukom ng lahat!”
Ang Taksil na Israel
3 Sinabi ni Yahweh, “Kapag ang isang babae ay pinalayas at hiniwalayan ng kanyang asawa, at siya'y mag-asawa ng ibang lalaki, hindi na siya dapat tatanggapin ng unang asawa. Ang ganito'y magpaparumi sa lupain. Subalit ikaw, Israel, kay rami mong kinasama, at ngayo'y ibig mong magbalik sa akin! 2 Tumingin ka sa tuktok ng mga burol; may lugar ba roong hindi mo dinungisan ng iyong kahalayan? Para kang babaing nagbebenta ng sarili na naghihintay ng manliligaw sa mga tabing-daan. Tulad mo'y Arabong nag-aabang ng biktima sa ilang. Dahil sa mahalay mong pamumuhay, ang lupain ay nadungisan. 3 Para kang babaing bayaran, wala ka nang kahihiyan! Dahil dito'y pinigil ko ang ulan at hindi pumatak kahit sa panahon ng tagsibol.
4 “At ngayo'y sinasabi mong ako ang iyong ama na umiibig sa iyo mula pa sa pagkabata, 5 at hindi magtatagal ang galit sa iyo. Ito'y pansamantala lamang. Iyan ang sinasabi mo, Israel, ngunit ang iyong ginagawa ay pawang kasamaan.”
Isang Panawagan Upang Magsisi
6 Noong(A) panahon ni Haring Josias, sinabi sa akin ni Yahweh: “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Umaakyat siya sa bawat burol at nakikipagtalik sa lilim ng mayayabong na punongkahoy. 7 Akala ko'y babalik siya sa akin matapos gawin iyon. Ngunit hindi, at sa halip ay nakita pa ito ng kapatid niyang taksil na si Juda. 8 Nakita rin ng Juda nang pinalayas at hiwalayan ko ang Israel dahil sa pagtataksil sa akin at pagiging masamang babae. Ngunit hindi man lamang natakot ang taksil ding Juda. Naging masama rin siyang babae. 9 Ito'y hindi niya ikinahiya, bagkus ay dinumihan ang lupain nang mangalunya siya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga bato at punongkahoy. 10 At pagkatapos ng lahat ng ito, nagkunwari ang taksil na Juda na bumabalik sa akin ngunit ito'y hindi taos sa kanyang puso. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”
11 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh na kahit tumalikod sa kanya ang Israel, ito'y hindi kasinsama ng taksil na Juda. 12 Inutusan niya akong magpunta sa hilaga at sabihin sa Israel, “Manumbalik ka, taksil na Israel. Hindi na kita kagagalitan sapagkat ako'y mahabagin. Hindi habang panahon ang galit ko sa iyo. 13 Aminin mo lamang na nagkasala ka at naghimagsik laban kay Yahweh na iyong Diyos. Sabihin mo na sa ilalim ng bawat punongkahoy ay nakiapid ka sa kahit sinong diyos at hindi ka sumunod sa aking mga utos,” ang sabi ni Yahweh.
14 “Magbalik kayo sa akin, kayong mga taksil na anak, sapagkat ako ang inyong Panginoon,” sabi pa ni Yahweh. “Kukuha ako sa inyo ng isa sa bawat bayan at dalawa sa bawat angkan at ibabalik ko kayo sa Bundok ng Zion.
1 Mula kay Pablo, lingkod[a] ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo.
Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at upang palawakin ang kanilang kaalaman sa katotohanan tungkol sa pamumuhay na maka-Diyos, 2 at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi nagsisinungaling. 3 Ipinahayag niya ito sa kanyang salita sa takdang panahon, at ako ang napagkatiwalaang mangaral nito, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas.
4 Kay Tito, na tunay kong anak sa iisa nating pananampalataya.
Sumaiyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.
Mga Gawain ni Tito sa Creta
5 Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang magtalaga ka ng matatandang pinuno ng iglesya sa bawat bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo. 6 Italaga(A) mo ang mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, may pagpipigil sa sarili at hindi suwail. 7 Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa[b] ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, 8 bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. 9 Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.