Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 74

Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa

Isang Maskil[a] ni Asaf.

74 Panginoon, bakit kami'y itinakwil habang buhay?
    Bakit ka ba nagagalit sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una,
    itong lahing tinubos mo't itinakda na magmana;
    pati ang Zion na iyong dating tirahan.
Lapitan mo ang naiwan sa winasak ng kaaway.
    Ang guho ng santuwaryo mo na sinira nang lubusan.

Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang,
    sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyosan.
Ang lahat ng nasa loob na yari sa mga kahoy,
    magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol.
Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
    pinalakol at dinurog ng kaaway na malupit.
Ang iyong banal na santuwaryo ay kanilang sinigaan,
    nilapastangan nila't winasak ang templong banal.
Sa kanilang pag-uusap ay nagpasya ng ganito, “Hindi natin sila titigilan hanggang di pa natatalo;”
    kaya sa buong lupain, ang tagpuan ng bayan mo, para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo.

Wala kaming pangitain, ni propetang naglilingkod,
    ang ganitong kalagaya'y hindi namin maunawaan,
    hindi namin nalalaman kung kailan matatapos.
10 Hanggang kailan, aming Diyos, magtatawa ang kaaway,
    ang paghamak nila sa iyo, ito ba ay walang hanggan?
11 Huwag mo nang pipigilan, gamitin mo ang iyong bisig,
    kanang kamay mo'y ikilos, kaaway mo ay iligpit.

12 Simula pa noong una ikaw na ang aming Hari, O Diyos.
    Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos.
13 Sa(A) lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat,
    at ang mga naroroong dambuhala ay inutas;
14 ikaw(B) na rin ang dumurog sa mga ulo ng Leviatan,[b]
    at ginawa mong pagkain ng mga nilikhang nasa ilang.
15 Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy,
    ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon.
16 Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi,
    nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami.
17 Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay,
    at ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw.

18 Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway,
    yaong mga masasama'y dumudusta sa iyong ngalan;
19 huwag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros,
    sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos.

20 Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
    ang masama'y naglipana sa pook na madidilim, laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
21 Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya,
    bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't abâ.

22 Kami'y iyong ipaglaban, aming Diyos, bumangon ka!
    Pagmasdan mo yaong hangal na maghapong nagtatawa.
23 Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin,
    ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil.

Isaias 5:8-23

Ang Kasamaan ng Tao

Kawawa kayo na laging naghahangad ng maraming bahay
    at malawak na mga bukirin,
hanggang mawalan na ng lugar ang ibang mga tao,
    at kayo na lamang ang naninirahan sa lupain.
Sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat:
Maraming tirahan ang mawawasak;
    malalaki at magagandang mga tahanan, sira at wasak na ito'y iiwan.
10 Sa bawat walong ektaryang ubasan, dalawampu't dalawang litrong alak lamang ang makukuha;
    sa bawat sampung kabang inihasik, limang salop lamang ang aanihin.

11 Kawawa(A) ang maaagang bumangon
    na nagmamadali upang makipag-inuman;
inaabot sila ng hatinggabi
    hanggang sa malasing!
12 Tugtog ng lira sa saliw ng alpa;
    tunog ng tamburin at himig ng plauta;
saganang alak sa kapistahan nila;
    ngunit mga ginawa ni Yahweh ay hindi nila inunawa.
13 Kaya nga ang bayan ko ay dadalhing-bihag ng hindi nila nalalaman;
mamamatay sa gutom ang kanilang mga pinuno,
    at sa matinding uhaw, ang maraming tao.

14 Ang daigdig ng mga patay ay magugutom;
    ibubuka nito ng maluwang
    ang kanyang bibig.
Lulunukin nito ang mga maharlika ng Jerusalem,
    pati na ang karaniwang tao na nagkakaingay.
15 Ang lahat ng tao'y mapapahiya,
    at ang mayayabang ay pawang ibababa.

16 Ngunit si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, pupurihin siya sa hatol niyang matapat,
    at sa pagpapakita ng katuwiran, makikilalang ang Diyos ay Banal.
17 Sa gayon, sa tabi ng mga guho ay manginginain
    ang mga tupa at mumunting kambing.

18 Kawawa kayo, mga makasalanan na walang ginawa kundi humabi ng kasinungalingan;
    hindi kayo makakawala sa inyong kasamaan.
19 Sinasabi ninyo: “Pagmadaliin natin ang Diyos
    upang ating makita ang kanyang pagkilos;
maganap na sana ang plano ng Banal na Diyos ng Israel,
    nang ito'y malaman natin.”
20 Kawawa kayo, mga baligtad ang isip!
Ang mabuting gawa ay minamasama,
    at minamabuti naman iyong masama,
ang kaliwanaga'y ginagawang kadiliman
    at ang kadilima'y itinuturing na kaliwanagan.
Sa lasang mapait ang sabi'y matamis,
    sa lasang matamis ang sabi'y mapait.
21 Kawawa rin kayo, mga nag-aakalang kayo'y marurunong,
    at matatalino sa inyong sariling palagay!
22 Mga bida sa inuman, kawawa kayo!
    Mahuhusay lang kayo sa pagtitimpla ng alak;
23 dahil sa suhol, pinapalaya ang may kasalanan,
    at sa taong matuwid ipinagkakait ang katarungan.

1 Juan 4:1-6

Makikilala ang Espiritung Mula sa Diyos

Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat nagsasabing nasa kanila ang Espiritu. Sa halip, subukin ninyo sila upang malaman kung talagang mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila, sapagkat marami nang huwad na propeta sa mundong ito. Ito ang palatandaan na ang Espiritu ng Diyos nga ang nasa kanila: kung ipinapahayag nila na si Jesu-Cristo ay dumating bilang tao. Kung hindi gayon ang kanilang ipinapahayag tungkol kay Jesus, hindi mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila. Ang espiritu ng Kaaway ni Cristo ang nasa kanila. Narinig na ninyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa sanlibutan na.

Mga anak, kayo nga'y sa Diyos at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad na propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan. Sila'y makasanlibutan, kaya't mula rin sa sanlibutan ang itinuturo nila, at nakikinig sa kanila ang mga makasanlibutan. Ngunit tayo'y sa Diyos. Ang sinumang kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa atin[a]; ngunit hindi nakikinig sa atin[b] ang sinumang hindi sa Diyos. Sa ganito nga natin nakikilala ang Espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.