Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagtitiwala kay Yahweh
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
11 Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan,
kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman:
“Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan,
2 sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang,
upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman.
3 Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa,
kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?”
4 Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo,
doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono,
at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao,
walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito.
5 Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri;
sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi.
6 Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao;
at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso.
7 Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod;
sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod.
Paparusahan ni Yahweh ang Sanlibutan
24 Ang daigdig ay wawasakin ni Yahweh,
sasalantain niya ang mga lupain at pangangalatin ang mga tao.
2 Iisa ang sasapitin ng lahat—mamamayan at pari,
alipin at panginoon;
alila at may-ari ng bahay,
nagtitinda't namimili,
nangungutang at nagpapautang.
3 Mawawasak ang daigdig at wala nang papakinabangin dito;
mangyayari ito sapagkat sinabi ni Yahweh.
4 Matutuyo at malalanta ang lupa,
manghihina ang buong sanlibutan.
Ang langit at ang lupa ay mabubulok.
5 Sinira na ang daigdig ng mga naninirahan dito
dahil sinuway nila ang katuruan ng Diyos;
at nilabag ang kanyang mga utos;
winasak nila ang walang hanggang tipan.
6 Kaya susumpain ng Diyos ang daigdig,
at magdurusa ang mga tao dahil sa kanilang kasamaan,
mababawasan ang mga naninirahan sa lupa;
kaunti lamang ang matitira sa kanila.
7 Mauubos ang alak,
malalanta ang ubasan,
ang mga nagsasaya'y daranas ng kalungkutan.
8 Ang masayang tugtog ng tamburin ay hindi na maririnig;
titigil na ang ingay ng mga nagsasaya;
mapaparam ang masayang tunog ng alpa!
9 Mawawala na rin ang pag-iinuman ng alak sa saliw ng awitan,
ang alak ay magiging mapait sa panlasa.
10 Magulo ang lunsod na winasak;
ang pintuan ng bawat tahanan ay may harang upang walang makapasok.
11 Sa mga lansangan ay sumisigaw sila dahil kulang ng alak,
nawala na ang kagalakan at nauwi sa kalungkutan;
lahat ng kasayahan ay napawi sa lupa.
12 Naguho na ang buong lunsod,
ang pinto nito'y nagkadurug-durog.
13 Ganyan din ang mangyayari sa lahat ng bansa sa buong daigdig;
parang puno ng olibo matapos lagasin ang bunga,
tulad ng ubasan matapos ang anihan.
17 Nang(A) subukin ng Diyos si Abraham, pananampalataya din ang nag-udyok sa kanya na ialay si Isaac bilang handog sa Diyos. Buong puso niyang inihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos 18 na(B) kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. 19 Naniwala siya na kaya ng Diyos na bumuhay ng patay, kaya't sa patalinghagang pangungusap, naibalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.
20 Dahil(C) sa pananampalataya, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap.
21 Dahil(D) sa pananampalataya, iginawad ni Jacob ang pagpapala sa dalawang anak ni Jose bago siya namatay. Humawak siya sa kanyang tungkod at sumamba sa Diyos.
22 Dahil(E) sa pananampalataya, sinabi ni Jose, nang siya'y malapit nang mamatay, ang tungkol sa pag-alis ng mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin sa kanila na dalhin ang kanyang mga buto sa kanilang pag-alis.
23 Dahil(F) sa pananampalataya, ang mga magulang ni Moises ay hindi natakot na sumuway sa utos ng hari; nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.
24 Dahil(G) sa pananampalataya, tumanggi si Moises, nang siya'y mayroon nang sapat na gulang, na tawagin siyang anak ng prinsesang anak ng hari. 25 Inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa magtamasa ng mga panandaliang aliw na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang higit na mahalaga ang pagtitiis sa hirap dahil sa Mesiyas kaysa ang mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakatuon ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap.
27 Pananampalataya din ang nag-udyok kay Moises na lisanin ang Egipto nang hindi natatakot sa galit ng hari. Matatag ang kanyang kalooban sapagkat para niyang nakita ang Diyos. 28 Dahil(H) din sa pananampalataya, itinatag niya ang Paskwa at iniutos sa mga Israelita na pahiran ng dugo ang pintuan ng kanilang mga bahay upang huwag patayin ng Anghel na Mamumuksa ang kanilang mga panganay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.