Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.
80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
2 Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
8 Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
9 Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.
14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!
16 Ito ay sinunog, sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol,
sa galit mo't poot ay iyong harapin nang sila'y malipol.
17 Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18 At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
18 Sa araw na iyon, aalisin ni Yahweh ang mga alahas niya sa paa, ulo at leeg; 19 ang mga kuwintas, pulseras at bandana; 20 ang mga alahas sa buhok, braso, baywang, mga sisidlan ng pabango at mga agimat; 21 ang mga singsing sa daliri at sa ilong; 22 ang mamahaling damit, balabal, kapa at pitaka; 23 ang maninipis nilang damit, mga kasuotang lino, turbante, at belo.
24 Ang dating mabango ay aalingasaw sa baho,
lubid ang ibibigkis sa halip na mamahaling sinturon;
ang maayos na buhok ay makakalbo,
ang magagarang damit ay papalitan ng sako;
ang kagandahan ay magiging kahihiyan.
25 Mamamatay sa tabak ang inyong mga kalalakihan,
at ang magigiting ninyong kawal sa digmaan.
26 Magkakaroon ng panaghoy at iyakan sa mga pintuang-lunsod,
at ang mismong lunsod ay matutulad sa isang babaing hubad na nakalupasay sa lupa.
4 Sa araw na iyon, pitong babae ang mag-aagawan sa isang lalaki at sasabihin nila: “Kami na ang bahala sa aming kakainin at isusuot na damit; pakasalan mo lamang kami para mawala ang kahihiyang taglay namin sapagkat kami'y walang asawa.”
Muling Itatatag ang Jerusalem
2 Pagdating ng araw na iyon, pasasaganain at pauunlarin ni Yahweh ang lahat ng nanatiling tapat sa kanyang bayan, at ang bunga ng lupain ay magiging dangal at hiyas ng mga nakaligtas na tao sa Israel. 3 Tatawaging banal ang mga matitirang buháy sa Jerusalem, silang mga pinili ng Diyos upang mabuhay. 4 Sa pamamagitan ng makatarungang paghatol, huhugasan ni Yahweh ang karumihan ng Jerusalem at ang dugong nabuhos doon. 5 Pagkatapos,(A) lilikha si Yahweh ng isang ulap kung araw na lililim sa Bundok ng Zion at sa mga nagkakatipon roon at magiging maliwanag na ningas kung gabi. Lalaganap ang kanyang kaluwalhatian gaya ng isang malawak na bubong na 6 magsisilbing lilim sa init ng araw at kublihan kapag may bagyo at ulan.
Ang Kasuklam-suklam na Kalapastanganan(A)
15 “Kapag(B) nakita ninyong nagaganap na sa Dakong Banal ang kasuklam-suklam na kalapastanganang tinutukoy ni Propeta Daniel (unawain ito ng nagbabasa), 16 ang mga nasa Judea ay dapat tumakas papunta sa kabundukan, 17 ang(C) nasa bubungan ay huwag nang mag-aksaya ng panahon na kumuha pa ng kahit ano sa loob ng bahay, 18 at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi upang kumuha ng balabal. 19 Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! 20 Ipanalangin ninyo na ang inyong pagtakas ay huwag mapataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. 21 Sapagkat(D) sa mga araw na iyon, ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan. 22 At kung hindi pinaikli ng Diyos ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, paiikliin ng Diyos ang mga araw na iyon.
23 “Kung may magsasabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 24 Sapagkat may lilitaw na mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kamangha-manghang himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos. 25 Tandaan ninyo, ipinagpauna ko nang sabihin ito sa inyo.
26 “Kaya't(E) kung sabihin nila sa inyo, ‘Naroon siya sa ilang,’ huwag kayong pumunta roon. Kung sabihin naman nilang, ‘Naroon siya sa silid,’ huwag kayong maniniwala. 27 Sapagkat darating ang Anak ng Tao na parang kidlat na gumuguhit mula sa silangan hanggang sa kanluran.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.