Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.
80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
2 Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
8 Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
9 Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.
14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!
16 Ito ay sinunog, sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol,
sa galit mo't poot ay iyong harapin nang sila'y malipol.
17 Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18 At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
Kaguluhan sa Jerusalem
3 Aalisin na ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
sa Jerusalem at sa Juda
ang lahat nilang ikinabubuhay at pangangailangan:
ang tinapay at ang tubig;
2 ang magigiting na bayani at ang mga kawal;
ang mga hukom at mga propeta,
ang mga manghuhula at ang matatandang pinuno;
3 ang mga opisyal ng sandatahang lakas
ang mga pinuno ng pamahalaan;
ang kanilang mga tagapayo, at ang mahuhusay na salamangkero,
gayundin ang mga bihasa sa mga agimat.
4 Ang mamumuno sa kanila'y mga musmos na bata,
mga sanggol ang sa kanila'y mamamahala.
5 Aapihin ng bawat tao ang kanyang kapwa,
hindi igagalang ng kabataan ang matatanda,
maging ang hamak ay lalaban sa nakatataas sa kanya.
6 Darating ang araw na pupuntahan ng isang tao
ang kanyang kapatid sa mismong bahay ng kanilang ama upang sabihin:
“Mayroon kang balabal kaya ikaw na ang mamuno sa amin,
ikaw na ang mamahala sa gumuho nating kabuhayan.”
7 Ngunit tututol ito at sasabihin:
“Hindi ko kayo matutulungan;
wala kahit tinapay o balabal sa aking bahay.
Huwag ninyo akong pamahalain sa ating bayan.”
8 Gumuho na ang Jerusalem at bumagsak na ang Juda,
sapagkat sumuway sila kay Yahweh, sa salita at sa gawa,
nilapastangan nila ang kanyang maningning na kalagayan.
9 Ang pagkiling nila sa iba ay katibayan laban sa kanila.
Gaya ng Sodoma, hayagan sila kung magkasala.
Hindi nila ito itinatago!
Kawawang mga tao!
Sila na rin ang nagpahamak sa kanilang sarili.
10 Sabihin ninyo sa mga taong matuwid: “Mapalad kayo
sapagkat mapapakinabangan ninyo ang bunga ng inyong pinagpaguran!”
11 At sa masasamang tao: “Kawawa naman kayo! Ang sasapitin ninyo'y kapahamakan,
kung ano ang inyong inutang ay siya ring kabayaran, kung ano ang inyong ginawa, gayundin ang gagawin sa inyo.”
12 Mga bata ang umaapi sa aking bayan;
mga babae ang namumuno sa kanila.[a]
O bayan ko, inililigaw kayo ng inyong mga pinuno,
nililito nila kayo sa daang inyong nilalakaran.
Hinatulan ng Diyos ang Kanyang Bayan
13 Nakahanda na si Yahweh upang ibigay ang kanyang panig,
nakatayo na siya upang hatulan ang kanyang bayan.[b]
14 Ipapataw na ni Yahweh ang kanyang hatol sa matatanda
at mga pinuno ng kanyang bayan:
“Ubasan ng mahihirap inyong sinamsam,
inyong mga tahanan puro nakaw ang laman.
15 Bakit ninyo inaapi ang aking bayan
at sinisikil ang mahihirap?” Ito ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon.
Babala sa Kababaihan ng Jerusalem
16 At sinabi ni Yahweh,
“Palalo ang mga anak na babae ng Jerusalem,
taas-noo kung lumakad,
pasulyap-sulyap kung tumingin,
pakendeng-kendeng kung humakbang,
at pinakakalansing pa ang mga alahas sa paa.
17 Dahil diyan, pagsusugatin ni Yahweh
ang kanilang ulo hanggang sa sila'y makalbo.”
32 Alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, kung paanong kayo'y nagtiis ng matinding hirap matapos na kayo'y maliwanagan, ngunit hindi kayo nagpadaig. 33 Kung minsan, kayo ang iniinsulto at pinapahirapan sa harap ng madla; kung minsan nama'y kayo ang umaalalay sa mga kasamahan ninyo na pinapahirapan nang gayon. 34 Dinamayan ninyo ang mga nakabilanggo at hindi kayo nalungkot nang kayo'y agawan ng ari-arian, sapagkat alam ninyong higit na mabuti at nananatili ang kayamanang nakalaan sa inyo. 35 Kaya't huwag kayong mawawalan ng pananampalataya sa Diyos, sapagkat dakila ang naghihintay na gantimpala para sa inyo. 36 Kinakailangang kayo'y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ninyo ang kanyang ipinangako. 37 Sapagkat,(A)
“Kaunting panahon na lamang,
hindi na magtatagal, at ang darating ay darating na.
38 Ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya,[a]
ngunit kung siya'y tatalikod,
hindi ko siya kalulugdan.”
39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; kundi sa mga may pananampalataya at naliligtas.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.