Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 86:1-10

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Panalangin ni David.

86 Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin,
    tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing;
    ako'y mahina na't wala nang tumingin.
Pagkat tapat sa iyo, buhay ko'y ingatan,
    lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa iyo kailanman.

Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan,
    sa buong maghapo'y siyang tinatawagan.
Panginoon, lingkod mo'y dulutan ng galak,
    pagkat sa iyo kaluluwa'y tumatawag.
Mapagpatawad ka at napakabuti;
    sa dumadalangin at sa nagsisisi,
    ang iyong pag-ibig ay mananatili.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin,
    tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin.
Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag,
    iyong tinutugon ang aking pagtawag.

Sa sinumang diyos wala kang kawangis,
    sa iyong gawai'y walang makaparis.

Ang(A) lahat ng bansa na iyong nilalang,
    lalapit sa iyo't magbibigay galang;
    sila'y magpupuri sa iyong pangalan.
10 Pagkat ikaw lamang ang Diyos na dakila
    na anumang gawin ay kahanga-hanga!

Ezekiel 29:3-7

Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, hari ng Egipto. Ikaw na malaking buwayang nagbabad sa tubig. Ikaw na nagsasabing ang Ilog Nilo ay iyo pagkat ikaw ang gumawa nito. Kakawitin ko ang panga mo. Kakapit sa kaliskis mo ang mga isdang kasama mo, at iaahon kita sa tubig, kasama ang mga isdang nakakabit sa iyo. Ihahagis kita sa ilang, pati ang mga isdang kasama mo sa batis. Ihahagis ko nga kayo sa gitna ng bukid. At hindi kayo titipunin, ni ililibing. Hahayaan kitang kainin ng mga hayop sa parang at ibon sa himpapawid.

“Sa(A) gayon, makikilala ng lahat ng Egipcio na ako si Yahweh. Mas mabuti pa ang tambo kaysa tulong na ginawa mo sa Israel. Nabali ito nang kanyang hawakan, at tuluyan siyang napilay. Ikaw ay bumagsak nang sumandal sa iyo ang Israel kaya nabali ang balakang nito.

Lucas 11:53-12:3

53 At umalis si Jesus doon. Mula noon, tinuligsa na siya ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo at pinagtatatanong tungkol sa maraming bagay, 54 upang masilo siya sa pamamagitan ng kanyang pananalita.

Babala Laban sa Pagkukunwari(A)

12 Samantala,(B) dumaragsa ang libu-libong tao, at sa sobrang dami ay nagkakatapakan na sila. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo. Ang tinutukoy ko ay ang kanilang pagkukunwari. Walang(C) natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. Ang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa loob ng silid ay ipagsisigawan sa lansangan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.