Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagpupuri ng Taong Naligtas sa Kamatayan
116 Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig,
dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
2 ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag,
kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
12 Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog,
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
13 Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
14 Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
15 Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki,
kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
16 O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
17 Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
18-19 Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Purihin si Yahweh!
Ang Kapanganakan ni Isaac
21 Pinagpala ni Yahweh si Sara at tinupad ang kanyang pangako. 2 Ayon(A) sa panahong sinabi ng Diyos, si Sara nga ay nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki, kahit matanda na noon si Abraham. 3 Isaac ang ipinangalan ni Abraham sa kanyang anak. 4 Ayon(B) sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham ang bata walong araw pagkasilang nito. 5 Isandaang taon na si Abraham nang ipanganak si Isaac. 6 Sinabi ni Sara, “Nakakatawa ang ginawang ito sa akin ng Diyos at sinumang makarinig nito'y tiyak na matatawa rin.” 7 At sinabi pa niya, “Sa edad na iyon ni Abraham, sinong makakapagsabi sa kanyang ako'y mag-aalaga pa ng bata? Gayunman, nabigyan ko pa rin siya ng anak kahit siya'y matanda na.”
Higit si Jesus kay Moises
3 Mga hinirang na kapatid at kasama sa pagkatawag ng Diyos, alalahanin ninyo si Jesus, ang Sugo ng Diyos at ang Pinakapunong Pari ng ating pananampalataya. 2 Tapat(A) siya sa Diyos na pumili sa kanya, tulad ni Moises na naging tapat sa [buong][a] sambahayan ng Diyos. 3 Kung ang nagtayo ng bahay ay mas marangal kaysa sa bahay, gayundin naman, lalong marangal si Jesus kaysa kay Moises. 4 Bawat bahay ay may tagapagtayo, ngunit ang Diyos lamang ang nagtayo ng lahat ng bagay. 5 Si Moises ay naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, upang magpatotoo sa mga bagay na ihahayag sa mga darating na panahon. 6 Subalit si Cristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa sambahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kung matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.